Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Babala Laban sa Hindi Pananampalataya
7 Iyan ang dahilan kaya sinabi ng Banal na Espiritu:
Ngayon, kung inyong marinig ang kaniyang tinig,
8 huwag ninyong pagmatigasin ang inyong mga puso, gaya ng inyong ginawa nang kayo ay maghimagsik, noong panahon nang kayo ay sinubok sa ilang. 9 Doon ako ay tinukso at sinubok ng inyong mga ninuno at nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng apatnapung taon. 10 Kaya nga, ako ay nagalit sa lahing iyan. At aking sinabi: Ang kanilang mga puso ay laging naliligaw at hindi nila nalaman ang aking daan. 11 Kaya nga, sa aking pagkapoot, sumumpa ako: Hindi sila makakapasok sa lugar ng kapahingahan na aking inihanda.
12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, na walang isa man sa inyo na may masamang puso na hindi sumasampalataya na magpapalayo sa inyo sa buhay na Diyos. 13 Ngunit samantalang ito ay tinatawag na ngayon, hikayatin ninyong may katapatan araw araw ang isa’t isa upang hindi patigasin ng daya ng kasalanan ang puso ng sinuman sa inyo. 14 Sapagkat tayo ay naging mga kabahagi ni Cristo kung ang pagtitiwalang natamo natin sa pasimula pa ay pananatilihin nating matatag hanggang sa katapusan. 15 Katulad ng sinabi ng mga kasulatan:
Ngayon, kung inyong marinig ang kaniyang tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso na inyong ginawa nang kayo ay maghimagsik.
16 Sapagkat ang ilang nakarinig ay naghimagsik. Ngunit hindi naghimagsik ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto. 17 At kanino siya nagalit sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba doon sa mga nagkasala at ang kanilang mga katawan ay nabuwal sa ilang? 18 At sa kanino siya sumumpa na hindi sila makapasok sa kaniyang kapahingahan? Hindi ba sa kanila na mga sumuway? 19 Kaya nga, nakikita natin na dahilhindi sila sumasampalataya, hindi sila nakapasok sa kapahingahan.
Isang Pamamahingang Sabat para sa Bayan ng Diyos
4 Kaya nga, dapat tayong matakot, yamang may nananatiling pangako na tayo ay makapasok sa kaniyang kapahingahan. Baka mayroon ilan sa inyo na maaring hindi makapasok.
2 Sapagkat may ipinangangaral na ebanghelyo sa atin at gayundin sa kanila. Subalit hindi naging kapakinabangan sa kanila ang salita na ipinangaral. Sapagkat sila na nakinig ay hindi ito sinamahan ng pananampalataya. 3 Sapagkat tayo na mga sumasampalataya ay pumasok sa kapahingahang iyon. Katulad ng sinabi niya:
Kaya nga, sa aking pagkapoot ay sumumpa ako: Kailanman ay hindi sila papasok sa aking kapahingahan.
Gayunman, ang mga gawa ay natapos mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.
4 Sapagkat sa isang dako ng Kasulatan, siya ay nagsalita ng ganito patungkol sa ika-pitong araw:
At sa ikapitong araw ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng kaniyang mga gawa.
5 At muli, sa dako ring iyon:
Sila ay hindi makapapasok sa aking kapahingahan.
6 Kaya nga, nananatili pa na ang iba ay makakapasok sa kapahingahang iyan sapagkat ang mga nakarinig ng ebanghelyo noong una ay hindi sumampalataya. 7 Muli, nagtalaga siya ng isang takdang araw, nang siya ay nagsalita kay David pagkalipas ng matagal na panahon. Ang tinawag dito ay Ngayon. Gaya ng sinalita niya noong una, sinabi niya:
Ngayon, kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, huwag ninyong pagmatigasin ang inyong mga puso.
8 Sapagkat kung binigyan sila ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana siya nagsalita ng iba pang araw, pagkatapos niyaon. 9 Kaya nga, mayroon pang kapahingahang nananatili para sa mga tao ng Diyos. 10 Ito ay sapagkat ang sinumang pumapasok sa kaniyang kapahingahan, siya rin naman ay nagpahinga sa kaniyang mga gawa kung paanong ang Diyos ay nagpahinga mula sa kaniyang mga gawa. 11 Kaya nga, sikapin nating makapasok sa kapahingahang iyon upang walang sinumang bumagsak sa ganoon ding halimbawa ng pagsuway.
Copyright © 1998 by Bibles International