Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
1 Mga Hari 19:1-4

19 At sinaysay ni Achab kay Jezabel ang lahat na ginawa ni Elias, at kung paanong kaniyang pinatay ng tabak ang lahat ng mga propeta.

Nang magkagayo'y nagsugo si Jezabel ng sugo kay Elias, na nagsasabi, Ganito ang gawin sa akin ng mga dios, at lalo na, kung hindi ko gawin ang buhay mo na gaya ng buhay ng isa sa kanila kinabukasan sa may ganitong panahon.

At nang makita niya ay bumangon siya, at yumaon dahil sa kaniyang buhay, at naparoon sa Beerseba, na nauukol sa Juda, at iniwan ang kaniyang lingkod doon.

Nguni't siya'y lumakad ng paglalakbay na isang araw sa ilang at naparoon, at umupo sa ilalim ng isang punong kahoy na enebro: at siya'y humiling sa ganang kaniya na siya'y mamatay sana, at nagsabi, Sukat na; ngayon, Oh Panginoon kunin mo ang aking buhay; sapagka't hindi ako mabuti kay sa aking mga magulang.

1 Mga Hari 19:5-7

At siya'y nahiga at natulog sa ilalim ng punong kahoy na enebro; at, narito, kinalabit siya ng isang anghel, at sinabi sa kaniya, Ikaw ay gumising at kumain.

At siya'y tumingin, at, narito, na sa kaniyang ulunan ang isang munting tinapay na luto sa baga, at isang sarong tubig. At siya'y kumain at uminom, at nahiga uli.

At ang anghel ng Panginoon ay nagbalik na ikalawa, at kinalabit siya, at sinabi, Ikaw ay bumangon at kumain; sapagka't ang paglalakbay ay totoong malayo sa ganang iyo.

1 Mga Hari 19:8-15

At siya'y bumangon, at kumain, at uminom, at siya'y yumaon sa lakas ng pagkaing yaon, na apat na pung araw at apat na pung gabi hanggang sa Horeb sa bundok ng Dios.

At siya'y naparoon sa isang yungib, at tumuloy roon: at, narito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, at sinabi niya sa kaniya, Ano ang ginagawa mo rito Elias?

10 At sinabi niya, Ako'y naging totoong marubdob dahil sa Panginoon, sa Dios ng mga hukbo; sapagka't pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta: at ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang pinaguusig ang aking buhay, upang kitlin.

11 At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon. At, narito, ang Panginoon ay nagdaan, at bumuka ang mga bundok sa pamamagitan ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputolputol ang mga bato sa harap ng Panginoon; nguni't ang Panginoon ay wala sa hangin: at pagkatapos ng hangin ay isang lindol; nguni't ang Panginoon ay wala sa lindol:

12 At pagkatapos ng lindol ay apoy; nguni't ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang marahang bulong na tinig.

13 At nangyari, nang marinig ni Elias, ay tinakpan niya ang kaniyang mukha ng kaniyang balabal, at lumabas, at tumayo sa pasukan sa yungib. At, narito, dumating ang isang tinig sa kaniya, at nagsabi, Ano ang ginagawa mo rito Elias?

14 At kaniyang sinabi, Ako'y naging totoong marubdob dahil sa Panginoon, sa Dios ng mga hukbo: sapagka't pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta; at ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang pinaguusig ang buhay ko, upang kitlin.

15 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Ikaw ay yumaon, bumalik ka sa iyong lakad sa ilang ng Damasco: at pagdating mo, ay iyong pahiran ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria.

Awit 42

42 Kung paanong humihingal ang usa sa pagkauhaw sa tubig ng mga batis, gayon humihingal ang aking kaluluwa sa pagkasabik sa iyo, Oh Dios.

Kinauuhawan ng aking kaluluwa ang Dios, ang buhay na Dios: kailan ako paririto, at haharap sa Dios?

Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi, Habang kanilang sinasabing lagi sa akin, saan nandoon ang iyong Dios?

Ang mga bagay na ito ay aking naaalaala, at nanglulumo ang aking kaluluwa sa loob ko, kung paanong ako'y nagpatuloy sa karamihan, at pinatnubayan ko sila sa bahay ng Dios, na may tinig ng kagalakan at pagpupuri, na isang karamihan na nagdidiwang ng kapistahan.

Bakit ka nanglulumo, Oh kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Dios: sapagka't pupuri pa ako sa kaniya dahil sa kagalingan ng kaniyang mukha.

Oh Dios ko, ang aking kaluluwa ay nanglulumo sa loob ko; kaya't aking inaalaala ka mula sa lupain ng Jordan, at ng Hermonitas, mula sa burol ng Mizhar.

Kalaliman ay tumatawag sa kalaliman sa hugong ng iyong mga baha: lahat ng iyong alon at ang iyong malaking alon ay nagsitabon sa akin.

Gayon ma'y uutusan ng Panginoon ang kaniyang kagandahang-loob sa araw, at sa gabi ay sasa akin ang awit sa kaniya, sa makatuwid baga'y isang dalangin sa Dios ng aking buhay.

Aking sasabihin sa Dios na aking malaking bato, bakit mo ako kinalimutan? Bakit ako'y yayaong tumatangis dahil sa pagpighati ng kaaway?

10 Na wari tabak sa aking mga buto, na tinutuya ako ng aking mga kaaway; habang sinasabi nilang lagi sa akin, saan nandoon ang iyong Dios?

11 Bakit ka nanglulumo, Oh kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Dios: sapagka't pupuri pa ako sa kaniya, na siyang kagalingan ng aking mukha, at aking Dios.

Awit 43

43 Hatulan mo ako, Oh Dios, at ipagsanggalang mo ang aking usap laban sa masamang bansa: Oh iligtas mo ako sa magdaraya at hindi ganap na tao.

Sapagka't ikaw ang Dios ng aking kalakasan; bakit mo ako itinakuwil? Bakit ako yumayaong tumatangis dahil sa pagpighati ng kaaway?

Oh suguin mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan; patnubayan nawa nila ako: dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok, at sa iyong mga tabernakulo.

Kung magkagayo'y paparoon ako sa dambana ng Dios, sa Dios na aking malabis na kagalakan: at sa alpa ay pupuri ako sa iyo, Oh Dios, aking Dios.

Bakit ka nanglulumo, Oh kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Dios: sapagka't pupuri pa ako sa kaniya, na siyang kagalingan ng aking mukha, at aking Dios.

Galacia 3:23-29

23 Nguni't bago dumating ang pananampalataya, ay nabibilanggo tayo sa ilalim ng kautusan, na nakukulong tayo hanggang sa ang pananampalataya ay ipahahayag pagkatapos.

24 Ano pa't ang kautusan ay siyang naging tagapagturo natin upang ihatid tayo kay Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya.

25 Datapuwa't ngayong dumating na ang pananampalataya, ay wala na tayo sa ilalim ng tagapagturo.

26 Sapagka't kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalataya, kay Cristo Jesus.

27 Sapagka't ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.

28 Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka't kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.

29 At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.

Lucas 8:26-39

26 At sila'y nagsidating sa lupain ng mga Gadareno, na nasa tapat ng Galilea.

27 At pagkalunsad niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan, na may mga demonio; at malaong panahon na hindi siya nagdaramit, at hindi tumatahan sa bahay, kundi sa mga libingan.

28 At nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, at nagpatirapa sa harap niya, at sinabi ng malakas na tinig, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? Ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mo akong pahirapan.

29 Sapagka't ipinagutos niya sa karumaldumal na espiritu na lumabas sa tao. Sapagka't madalas siyang inaalihan: at siya'y binabantayan at gapos ng mga tanikala at mga damal; at pagka pinapatid ang gapos ay siya'y itinataboy ng demonio sa mga ilang.

30 At tinanong siya ni Jesus, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya, Pulutong; sapagka't maraming demonio ang nagsipasok sa kaniya.

31 At ipinamamanhik nila sa kaniya na huwag silang paparoonin sa kalalimlaliman.

32 Doon nga'y may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain sa bundok: at ipinamanhik nila sa kaniya na pabayaang sila'y magsipasok sa mga yaon. At sila'y pinahintulutan niya.

33 At nagsilabas ang mga demonio sa tao, at nagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagatdagatan, at nangalunod.

34 At nang makita ng nagsisipagalaga ng mga yaon ang nangyari, ay nagsitakas, at isinaysay sa bayan at sa bukid.

35 At sila'y nagsilabas upang makita ang nangyari; at nagsilapit sila kay Jesus, at kanilang naratnan sa paanan ni Jesus ang taong nilabasan ng mga demonio, na nakaupo, may pananamit, at matino ang kaniyang bait: at sila'y nangatakot.

36 At sa kanila'y isinaysay ng nangakakita kung paanong pinagaling ang inaalihan ng mga demonio.

37 At ipinamanhik sa kaniya ng lahat ng mga tao sa palibotlibot ng lupain ng mga Gadareno na siya'y umalis sa kanila, sapagka't sila'y napipigilan ng malaking takot: at siya'y lumulan sa daong, at nagbalik.

38 Datapuwa't namanhik sa kaniya ang taong nilabasan ng mga demonio, na siya'y ipagsama niya: datapuwa't siya'y pinaalis niya, na sinasabi,

39 Umuwi ka sa iyong bahay, at ipahayag mo kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa ng Dios sa iyo. At siya'y yumaon ng kaniyang lakad, na ibinabalita sa buong bayan, kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya'y ginawa ni Jesus.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain