Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 29

29 Mangagbigay kayo sa Panginoon, Oh kayong mga anak ng makapangyarihan, mangagbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.

Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: inyong sambahin ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan.

Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng tubig: ang Dios ng kaluwalhatian ay kumukulog, sa makatuwid baga'y ang Panginoon sa ibabaw ng maraming tubig.

Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan; ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kamahalan.

Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga cedro; Oo, pinagpuputolputol ng Panginoon ang mga cedro ng Libano.

Kaniya namang pinalulukso na gaya ng guya: ang Libano at Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.

Humahawi ng liyab ng apoy ang tinig ng Panginoon.

Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang: niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kades.

Pinapanganganak ng tinig ng Panginoon ang mga usa, at hinuhubdan ang mga gubat: at sa kaniyang templo ay nagsasabi ang bawa't bagay: kaluwalhatian.

10 Ang Panginoon ay naupo sa baha na parang Hari; Oo, ang Panginoon ay nauupong parang Hari magpakailan man.

11 Ang Panginoon ay magbibigay ng kalakasan sa kaniyang bayan; pagpapalain ng Panginoon ang kaniyang bayan ng kapayapaan.

Ezekiel 3:12-21

12 Nang magkagayo'y itinaas ako ng Espiritu, at aking narinig sa likuran ko ang tinig ng malaking hugong, na nagsasabi; Purihin ang kaluwalhatian ng Panginoon mula sa kaniyang dako.

13 At aking narinig ang pagaspas ng mga pakpak ng mga nilalang na may buhay na nagkakadagisdisan, at ang hugong ng mga gulong sa siping nila, sa makatuwid baga'y ang ingay ng malaking hugong.

14 Sa gayo'y itinaas ako ng Espiritu, at ako'y dinala; at ako'y yumaong namamanglaw, sa pagiinit ng aking kalooban; at ang kamay ng Panginoon ay naging malakas sa akin.

15 Nang magkagayo'y naparoon ako sa mga bihag sa Tel-abib, na nagsisitahan sa pangpang ng ilog Chebar, at sa kanikanilang kinatatahanan; at ako'y umupo roong natitigilan sa gitna nila na pitong araw.

16 At nangyari, sa katapusan ng pitong araw, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

17 Anak ng tao, ginawa kitang bantay sa sangbahayan ni Israel: kaya't pakinggan mo ang salita sa aking bibig, at ipanguna mo sa kanila sa ganang akin.

18 Pagka aking sinabi sa masama, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay; at hindi mo pinagpaunahan siya, o nagsasalita ka man upang hikayatin ang masama mula sa kaniyang masamang lakad, upang iligtas ang kaniyang buhay; ang gayong masamang tao ay mamamatay sa kaniyang kasamaan; nguni't ang kaniyang dugo ay aking sisiyasatin sa iyong kamay.

19 Gayon ma'y kung iyong pagpaunahan ang masama, at siya'y hindi humiwalay sa kaniyang kasamaan, o sa kaniyang masamang lakad man, siya'y mamamatay sa kaniyang kasamaan; nguni't iyong iniligtas ang iyong kaluluwa.

20 Muli, pagka ang isang taong matuwid ay lumilihis sa kaniyang katuwiran, at gumawa ng kasamaan, at ako'y naglalagay ng katitisuran sa harap niya, siya'y mamamatay; sapagka't hindi mo siya pinagpaunahan, siya'y mamamatay sa kaniyang kasalanan, at ang kaniyang mga matuwid na gawa na kaniyang ginawa ay hindi aalalahanin; nguni't ang kaniyang dugo ay aking sisiyasatin sa iyong kamay.

21 Gayon ma'y kung iyong pinagpaunahan ang taong matuwid, upang ang matuwid ay huwag magkasala, at siya'y hindi nagkakasala, siya'y walang pagsalang mabubuhay, sapagka't siya'y nahikayat; at iyong iniligtas ang iyong kaluluwa.

Lucas 9:18-27

18 At nangyari, nang siya'y nananalangin ng bukod, na ang mga alagad ay kasama niya: at tinanong niya sila, na sinasabi, Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako?

19 At pagsagot nila'y nangagsabi, Si Juan Bautista; datapuwa't sinasabi ng mga iba, Si Elias; at sinasabi ng mga iba na isa sa mga datihang propeta ay muling nagbangon.

20 At sinabi niya sa kanila, Datapuwa't, ano ang sabi ninyo kung sino ako? At pagsagot ni Pedro, ay nagsabi, Ang Cristo ng Dios.

21 Datapuwa't ipinagbilin niya, at ipinagutos sa kanila na huwag sabihin ito sa kanino mang tao;

22 Na sinasabi, Kinakailangang magbata ng maraming mga bagay ang Anak ng tao, at itakuwil ng matatanda at ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba, at patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw.

23 At sinabi niya sa lahat, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa arawaraw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.

24 Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito; datapuwa't sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon.

25 Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan, at mawawala o mapapahamak ang kaniyang sarili?

26 Sapagka't ang sinomang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita, ay ikahihiya siya ng Anak ng tao, pagparito niyang nasa kaniyang sariling kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel.

27 Datapuwa't katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa mangakita nila ang kaharian ng Dios.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain