Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Mga Gawa 16:9-15

At napakita ang isang pangitain sa gabi kay Pablo: May isang lalaking taga Macedonia na nakatayo, na namamanhik sa kaniya, at sinasabi, Tumawid ka sa Macedonia, at tulungan mo kami.

10 At pagkakita niya sa pangitain, pagdaka'y pinagsikapan naming magsiparoon sa Macedonia, na pinatutunayang kami'y tinawag ng Dios upang sa kanila'y ipangaral ang evangelio.

11 Pagtulak nga sa Troas, ay pinunta namin ang Samotracia, at nang kinabukasa'y ang Neapolis;

12 At mula doo'y ang Filipos, na isang bayan ng Macedonia, na siyang una sa purok, lupang nasasakupan ng Roma: at nangatira kaming ilang araw sa bayang yaon.

13 At nang araw ng sabbath ay nagsilabas kami sa labas ng pintuan sa tabi ng ilog, na doo'y sinapantaha naming may mapapanalanginan; at kami'y nangaupo, at nakipagsalitaan sa mga babaing nangagkatipon.

14 At isang babaing nagngangalang Lidia, na mangangalakal ng kayong kulay-ube, na taga bayan ng Tiatira, isang masipag sa kabanalan, ay nakinig sa amin: na binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang unawain ang mga bagay na sinalita ni Pablo.

15 At nang siya'y mabautismuhan na, at ang kaniyang mga kasangbahay, ay namanhik siya sa amin, na sinasabi, Kung inyong inaakalang ako'y tapat sa Panginoon, ay magsipasok kayo sa aking bahay, at kayo'y magsitira doon. At kami'y pinilit niya.

Awit 67

67 Dios maawa ka sa amin, at pagpalain mo kami, at pasilangin nawa niya ang kaniyang mukha sa amin; (Selah)

Upang ang iyong daan ay maalaman sa lupa, ang iyong pangligtas na kagalingan sa lahat ng mga bansa.

Purihin ka ng mga bayan, Oh Dios; purihin ka ng lahat ng mga bayan.

Oh mangatuwa at magsiawit sa kasayahan ang mga bansa: sapagka't iyong hahatulan ang mga bayan ng karampatan, at iyong pamamahalaan ang mga bansa sa lupa. (Selah)

Purihin ka ng mga bayan, Oh Dios; purihin ka ng lahat ng mga bayan.

Isinibol ng lupa ang kaniyang bunga: ang Dios ang sarili naming Dios ay pagpapalain kami.

Pagpapalain kami ng Dios: at lahat ng mga wakas ng lupa ay mangatatakot sa kaniya.

Pahayag 21:10

10 At dinala niya akong nasa Espiritu sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita sa akin ang bayang banal na Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios,

Pahayag 21:22-22:5

22 At hindi ako nakakita ng templo doon: sapagka't ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat, at ang Cordero ay siyang templo doon.

23 At ang bayan ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang lumiwanag sa kaniya: sapagka't nililiwanagan ng kaluwalhatian ng Dios, at ang ilaw doon ay ang Cordero.

24 At ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito: at ang mga hari sa lupa ay mangagdadala ng kanilang karangalan sa loob niyaon.

25 At ang mga pintuan niyaon ay hindi ilalapat kailan man sa araw (sapagka't hindi magkakaroon doon ng gabi):

26 At dadalhin nila sa loob niyaon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa:

27 At hindi papasok doon sa anomang paraan ang anomang bagay na karumaldumal, o siyang gumagawa ng kasuklamsuklam at ng kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng Cordero.

22 At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Cordero,

Sa gitna ng lansangang yaon. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labingdalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawa't buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa mga bansa.

At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin;

At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo.

At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka't liliwanagan sila ng Panginoong Dios: at sila'y maghahari magpakailan kailan man.

Juan 14:23-29

23 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Kung ang sinoman ay umiibig sa akin, ay kaniyang tutuparin ang aking salita: at siya'y iibigin ng aking Ama, at kami'y pasasa kaniya, at siya'y gagawin naming aming tahanan.

24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.

25 Ang mga bagay na ito'y sinalita ko sa inyo, samantalang ako'y tumatahang kasama pa ninyo.

26 Datapuwa't ang Mangaaliw, sa makatuwid baga'y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo'y aking sinabi.

27 Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.

28 Narinig ninyo kung paanong sinabi ko sa inyo, Papanaw ako, at paririto ako sa inyo. Kung ako'y inyong iniibig, kayo'y mangagagalak, dahil sa ako'y pasasa Ama: sapagka't ang Ama ay lalong dakila kay sa akin.

29 At ngayon ay sinabi ko sa inyo bago mangyari, upang, kung ito'y mangyari, ay magsisampalataya kayo.

Juan 5:1-9

Pagkatapos ng mga bagay na ito'y nagkaroon ng pista ang mga Judio; at umahon si Jesus sa Jerusalem.

Sa Jerusalem nga'y may isang tangke sa tabi ng pintuan ng mga tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Betesda, na may limang portiko.

Na sa mga ito ay nangaghandusay ang marami sa kanilang mga maysakit, mga bulag, mga pilay, mga natutuyo.

Sapagka't lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tangke at kinakalawkaw ang tubig: at ang unang manaog sa tangke, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anomang sakit na dinaramdam.

At naroon ang isang lalake, na may tatlongpu't walong taon nang maysakit.

Nang makita ni Jesus na siya'y nakahandusay, at mapagkilalang siya'y malaon nang panahong maysakit, ay sinabi niya sa kaniya, Ibig mo bagang gumaling?

Sumagot sa kaniya ang lalaking maysakit, Ginoo, wala ng taong maglusong sa akin sa tangke, pagkalawkaw sa tubig: datapuwa't samantalang ako'y naparoroon, ay nakalusong na muna ang iba bago ako.

Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.

At pagdaka'y gumaling ang lalake, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng sabbath.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain