Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 121

121 Ititingin ko ang aking mga mata sa mga bundok; saan baga manggagaling ang aking saklolo?

Ang saklolo sa akin ay nanggagaling sa Panginoon, na gumawa ng langit at lupa.

Hindi niya titiising ang paa mo'y makilos: siyang nagiingat sa iyo, ay hindi iidlip.

Narito, siyang nagiingat ng Israel hindi iidlip ni matutulog man.

Ang Panginoon ay tagapagingat sa iyo: ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.

Hindi ka sasaktan ng araw sa araw, ni ng buwan man sa gabi.

Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan; kaniyang iingatan ang iyong kaluluwa.

Iingatan ng Panginoon ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, mula sa panahong ito at sa magpakailan pa man.

Ezekiel 1:26-2:1

26 At sa itaas ng langit na nasa itaas ng kanilang mga ulo ay may kawangis ng isang luklukan na parang anyo ng batong zafiro; at sa ibabaw ng kawangis ng luklukan ay may kawangis ng isang tao sa itaas niyaon.

27 At ako'y nakakita ng parang metal na nagbabaga, na parang anyo ng apoy sa loob niyaon, na nakikita mula sa kaniyang mga balakang na paitaas; at mula sa kaniyang mga balakang na paibaba ay nakakita ako ng parang anyo ng apoy, at may ningning sa palibot niyaon.

28 Kung paano ang anyo ng bahaghari na nasa alapaap sa kaarawan ng ulan, gayon ang anyo ng kinang sa palibot. Ito ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon. At nang aking makita, ako'y nasubasob, at aking narinig ang tinig ng isang nagsasalita.

At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako'y makikipagsalitaan sa iyo.

Mga Gawa 26:1-18

26 At sinabi ni Agripa kay Pablo, Ipinahihintulot sa iyong magsaysay ka sa ganang iyo. Nang magkagayo'y iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay, at ginawa ang kaniyang pagsasanggalang:

Ikinaliligaya kong lubha, haring Agripa, na sa harapan mo'y gawin ko ang aking pagsasanggalang sa araw na ito tungkol sa lahat ng mga bagay na isinasakdal ng mga Judio laban sa akin.

Lalong-lalo na sapagka't bihasa ka sa lahat ng mga kaugalian at mga suliranin na mayroon ang mga Judio: kaya nga ipinamamanhik ko sa iyo na pagdalitaan mong dinggin ako.

Ang akin ngang pamumuhay mula sa aking pagkabata, na nang una'y inugali ko sa gitna ng aking bansa at sa Jerusalem, ay nalalaman ng lahat ng mga Judio;

Na napagtatalastas nila mula pa nang una, kung ibig nilang magsisaksi, na alinsunod sa lalong mahigpit na sekta ng aming relihion ay nabuhay akong isang Fariseo.

At ngayo'y nakatayo ako upang hatulan dahil sa pagasa sa pangakong ginawa ng Dios sa aming mga magulang;

Dahil sa pangakong ito'y ang aming labingdalawang angkan ay buong pusong nagsisipaglingkod sa Dios gabi't araw, na inaasahang kakamtin. At tungkol sa pagasang ito ako'y isinasakdal ng mga Judio, Oh hari!

Bakit inaakala ninyong ito'y hindi mapaniniwalaan, kung binubuhay ng Dios ang mga patay?

Tunay na ako ma'y nagisip na dapat akong gumawa ng maraming mga bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga Nazaret.

10 At ginawa ko rin ito sa Jerusalem: at kinulong ko sa mga bilangguan ang marami sa mga banal, pagkatanggap ko ng kapamahalaan sa mga pangulong saserdote, at nang sila'y ipinapapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsangayon laban sa kanila.

11 At madalas sa pagpaparusa ko sa kanila sa lahat ng mga sinagoga, ay pinipilit ko silang magsipamusong; at sa totoong pagkagalit ko sa kanila, ay sila'y pinaguusig ko hanggang sa mga bayan ng ibang lupain.

12 Hinggil dito sa paglalakbay kong patungo sa Damasco na taglay ang kapamahalaan at bilin ng mga pangulong saserdote,

13 Nang katanghalian, Oh hari, ay nakita ko sa daan ang isang ilaw na mula sa langit, na lalong maningning kay sa araw, at lumiwanag sa palibot ko at sa mga nagsisipaglakbay na kasama ko.

14 At nang mangapasubasob sa lupa kaming lahat, ay narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig? mahirap sa iyo ang sumikad sa mga matulis.

15 At sinabi ko, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi ng Panginoon, Ako'y si Jesus na iyong pinaguusig.

16 Datapuwa't magbangon ka, at ikaw ay tumindig sa iyong mga paa: sapagka't dahil dito'y napakita ako sa iyo, upang ihalal kitang ministro at saksi din naman ng mga bagay na nakita mo sa akin, at ng mga bagay na pagpapakitaan ko sa iyo;

17 Na ililigtas kita sa bayan, at sa mga Gentil, na sa kanila'y sinusugo kita,

18 Upang idilat mo ang kanilang mga mata, upang sila'y mangagbalik sa ilaw mula sa kadiliman at mula sa kapangyarihan ni Satanas hanggang sa Dios, upang sila'y magsitanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng mga mana sa kasamahan ng mga pinapaging banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain