Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pasasalamat dahil sa Tagumpay
118 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sabihin ngayon ng Israel,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
14 Ang(A) Panginoon ay aking awit at kalakasan,
at siya'y naging aking kaligtasan.
15 Ang tunog ng masayang sigawan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid:
“Ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan,
16 ang kanang kamay ng Panginoon ay parangalan,
ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan!”
17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay,
at ang mga gawa ng Panginoon ay isasalaysay.
18 Pinarusahan akong mabuti ng Panginoon;
ngunit hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.
19 Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran;
upang ako'y makapasok doon
at makapagpasalamat sa Panginoon.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon;
ang matuwid ay papasok doon.
21 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat sinagot mo ako
at ikaw ay naging kaligtasan ko.
22 Ang(B) (C) batong itinakuwil ng mga nagtayo,
ay naging panulok na bato.
23 Ito ang gawa ng Panginoon;
ito ay kagila-gilalas sa ating mga mata.
24 Ito ang araw na ang Panginoon ang gumawa,
tayo'y magalak at matuwa.
Pinatay ni Jael si Sisera
17 Gayunman ay patakbong tumakas si Sisera patungo sa tolda ni Jael na asawa ni Eber na Kineo; sapagkat may kapayapaan sa pagitan ni Jabin na hari sa Hazor at ng sambahayan ni Eber na Kineo.
18 Sinalubong ni Jael si Sisera, at sinabi sa kanya, “Lumiko ka, panginoon ko, lumiko ka rito sa akin; huwag kang matakot.” Kaya't siya'y lumiko sa kanya sa loob ng tolda, at siya'y tinalukbungan niya ng isang alpombra.
19 Sinabi niya sa kanya, “Isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom; sapagkat ako'y nauuhaw.” Kaya't binuksan niya ang isang balat na sisidlan ng gatas, at kanyang pinainom siya, at tinakpan siya.
20 At sinabi ni Sisera sa kanya, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda, at kapag may taong dumating at magtanong sa iyo, ‘May tao ba riyan?’ ay iyong sasabihin, ‘Wala.’”
21 Ngunit kumuha si Jael, na asawa ni Eber, ng isang tulos ng tolda at kumuha ng isang pamukpok at dahan-dahang lumapit sa kanya. Habang natutulog nang mahimbing si Sisera dahil sa pagod, itinusok ni Jael ang tulos sa kanyang noo hanggang umabot ito sa lupa, at siya'y namatay.
22 Sa paghabol ni Barak kay Sisera ay lumabas si Jael upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang lalaking hinahanap mo.” Kaya't siya'y pumasok sa kanyang tolda, at naroon si Sisera na patay na nakabulagta at ang tulos ng tolda ay nasa kanyang noo.
23 Gayon nilupig ng Diyos nang araw na iyon si Jabin na hari ng Canaan sa harap ng mga anak ni Israel.
24 “Higit na pinagpala sa lahat ng babae si Jael,
ang asawa ni Eber na Kineo,
higit siyang pinagpala sa lahat ng babaing naninirahan sa tolda.
25 Siya'y[a] humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas;
kanyang dinalhan siya ng mantekilya sa maharlikang mangkok.
26 Hinawakan ng kanyang kamay ang tulos ng tolda,
at ng kanyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa;
kanyang pinukpok si Sisera ng isang pukpok,
dinurog niya ang kanyang ulo,
kanyang binasag at tinusok ang kanyang noo.
27 Siya'y nabuwal, siya'y nalugmok,
siya'y bumulagta sa kanyang paanan,
sa kanyang paanan siya ay nabuwal, siya ay nalugmok,
kung saan siya nabuwal, doon siya patay na bumagsak.
28 “Mula sa bintana siya ay dumungaw,
ang ina ni Sisera ay sumigaw sa pagitan ng durungawan:
‘Bakit ang kanyang karwahe ay natatagalang dumating?
Bakit nababalam ang mga yabag ng kanyang mga karwahe?’
29 Ang kanyang mga pinakapantas na babae ay sumagot sa kanya,
siya na rin ang sumagot sa kanyang sarili,
30 ‘Hindi ba sila nakakatagpo at naghahati-hati ng samsam?
Isa o dalawang dalaga, sa bawat lalaki;
kay Sisera ay samsam na damit na may sari-saring kulay,
samsam na sari-saring kulay ang pagkaburda,
dalawang piraso ng kinulayang gawa, binurdahan para sa aking leeg bilang samsam?’
31 “Gayon nalipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Panginoon!
Ngunit ang iyong mga kaibigan ay maging tulad ng araw sa pagsikat niya sa kanyang kalakasan.”
At ang lupain ay nagpahinga na apatnapung taon.
Ang Babae at ang Dragon
12 At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit: isang babae na nakadamit ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay may isang putong ng labindalawang bituin;
2 siya'y nagdadalang-tao at sumisigaw sa hirap sa panganganak at sa sakit ng pagluluwal.
3 At(A) may isa pang tanda na nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at sa kanyang mga ulo'y may pitong diadema.
4 Kinaladkad(B) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga ito sa lupa. At tumayo ang dragon sa harapan ng babae na malapit nang manganak, upang lamunin ang anak ng babae pagkapanganak niya.
5 At(C) siya'y nanganak ng isang batang lalaki na siyang magpapastol na may pamalong bakal sa lahat ng mga bansa. Ngunit ang kanyang anak ay inagaw at dinala sa Diyos at sa kanyang trono.
6 Tumakas ang babae sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar, upang doon siya'y alagaan nila ng isang libo dalawang daan at animnapung araw.
7 At(D) nagkaroon ng digmaan sa langit, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon. Ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma,
8 ngunit hindi sila nagwagi, ni wala ng lugar para sa kanila sa langit.
9 At(E) itinapon ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang mandaraya sa buong sanlibutan; siya'y itinapon sa lupa at ang kanyang mga anghel ay itinapong kasama niya.
10 At(F) narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi,
“Ngayo'y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan,
at ang kaharian ng ating Diyos,
at ang kapangyarihan ng kanyang Cristo,
sapagkat itinapon na ang tagapag-paratang sa ating mga kapatid
na siyang nagpaparatang sa kanila sa harapan ng ating Diyos, araw at gabi.
11 At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero,
at dahil sa salita ng kanilang patotoo,
sapagkat hindi nila inibig ang kanilang buhay maging hanggang sa kamatayan.
12 Kaya't magalak kayo, O mga langit
at kayong mga naninirahan diyan!
Kahabag-habag ang lupa at dagat
sapagkat ang diyablo'y bumaba sa inyo
na may malaking poot,
palibhasa'y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon!”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001