Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pasasalamat dahil sa Tagumpay
118 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sabihin ngayon ng Israel,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
14 Ang(A) Panginoon ay aking awit at kalakasan,
at siya'y naging aking kaligtasan.
15 Ang tunog ng masayang sigawan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid:
“Ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan,
16 ang kanang kamay ng Panginoon ay parangalan,
ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan!”
17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay,
at ang mga gawa ng Panginoon ay isasalaysay.
18 Pinarusahan akong mabuti ng Panginoon;
ngunit hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.
19 Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran;
upang ako'y makapasok doon
at makapagpasalamat sa Panginoon.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon;
ang matuwid ay papasok doon.
21 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat sinagot mo ako
at ikaw ay naging kaligtasan ko.
22 Ang(B) (C) batong itinakuwil ng mga nagtayo,
ay naging panulok na bato.
23 Ito ang gawa ng Panginoon;
ito ay kagila-gilalas sa ating mga mata.
24 Ito ang araw na ang Panginoon ang gumawa,
tayo'y magalak at matuwa.
Nagapi ni Josue ang Limang Hari
16 Samantala, ang limang haring ito ay tumakas at nagtago sa yungib sa Makeda.
17 At ibinalita kay Josue, “Ang limang hari ay natagpuang nagtatago sa yungib sa Makeda.”
18 Sinabi ni Josue, “Magpagulong kayo ng malalaking bato sa bunganga ng yungib, at maglagay kayo ng mga lalaki roon upang magbantay sa kanila.
19 Ngunit huwag kayong magsitigil; habulin ninyo ang inyong mga kaaway at tugisin ang kahuli-hulihan sa kanila. Huwag ninyong hayaang makapasok sila sa kanilang mga lunsod sapagkat ibinigay sila ng Panginoon ninyong Diyos sa inyong kamay.”
20 Pagkatapos silang patayin ni Josue at ng mga anak ni Israel sa isang kakilakilabot na patayan hanggang sa nalipol at ang nalabi sa kanila ay pumasok sa mga may pader na lunsod,
21 ang buong bayan ay bumalik na ligtas kay Josue sa kampo ng Makeda; walang sinumang nangahas magsalita laban sa sinumang Israelita.
22 Kaya't sinabi ni Josue, “Inyong buksan ang bunganga ng yungib at dalhin ninyo sa akin ang limang haring nasa yungib.”
23 Gayon ang kanilang ginawa at inilabas ang limang hari mula sa yungib, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon.
24 Nang kanilang mailabas ang mga haring iyon kay Josue, ipinatawag ni Josue ang lahat ng lalaki sa Israel at sinabi sa mga pinuno ng mga lalaking mandirigma na sumama sa kanya, “Lumapit kayo, ilagay ninyo ang inyong mga paa sa mga leeg ng mga haring ito.” At sila'y lumapit at inilagay ang kanilang mga paa sa kanilang mga leeg.
25 At sinabi ni Josue sa kanila, “Huwag kayong matakot ni mabagabag; kayo'y magpakalakas at magpakatapang, sapagkat ganito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ninyong mga kaaway na inyong nilalabanan.”
26 Pagkatapos ay pinatay sila ni Josue at ibinitin sila sa limang punungkahoy. Sila'y ibinitin sa mga punungkahoy hanggang sa kinahapunan.
27 Ngunit sa paglubog ng araw, si Josue ay nag-utos at kanilang ibinaba sila sa mga punungkahoy, at kanilang itinapon sa yungib na kanilang pinagtaguan, at kanilang nilagyan ng malalaking bato ang bunganga ng yungib na nananatili hanggang sa araw na ito.
6 Hindi(A) mabuti ang inyong pagmamapuri. Hindi ba ninyo nalalaman na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa?
7 Alisin(B) ninyo ang lumang pampaalsa, upang kayo'y maging bagong masa, kung paanong kayo nga'y walang pampaalsa. Sapagkat si Cristo, ang kordero ng ating paskuwa, ay naialay na.
8 Kaya(C) nga, ipagdiwang natin ang pista, hindi ng may lumang pampaalsa, o sa pampaalsa man ng masamang hangad at kasamaan, kundi sa tinapay na walang pampaalsa ng katapatan at katotohanan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001