Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 120

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

120 Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing,
    dininig niya ako sa aking dalangin.
Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang,
    Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.

Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling,
    ano kayang parusa ang inyong kakamtin?
Tutudlain kayo ng panang matalim,
    at idadarang pa sa may bagang uling.

Ako ay kawawa; ako ay dayuhan,
    sa Meshec at Kedar, ako ay namuhay.
Matagal-tagal ding ako'y nakapisan
    ng hindi mahilig sa kapayapaan.
Kung kapayapaan ang binabanggit ko,
    pakikipagbaka ang laman ng ulo.

Jeremias 22:11-17

11 Ito(A) ang pahayag ni Yahweh tungkol kay Sallum na humalili sa kanyang amang si Josias bilang hari ng Juda, “Umalis siya ng Juda at hindi na magbabalik. 12 Doon na siya mamamatay sa lugar na pinagdalhan sa kanya bilang bihag, at hindi na niya makikita pang muli ang kanyang bayan.”

Ang Pahayag tungkol kay Jehoiakim

13 “Kahabag-habag ang magiging wakas ng taong nagtatayo ng kanyang bahay sa pamamagitan ng pandaraya,
    at naglalagay ng mga silid dito sa pamamagitan ng panlilinlang.
Pinagtatrabaho niya ang kanyang kapwa nang walang kabayaran.
14 Sinasabi pa niya,
    ‘Magtatayo ako ng malaking bahay
    na may malalaking silid sa itaas.
Lalagyan ko ito ng mga bintana,
    tablang sedar ang mga dingding,
    at pipinturahan ko ng kulay pula.’
15 Kung gumamit ka ba ng sedar sa iyong bahay,
    ikaw ba'y isa nang haring maituturing?
Alalahanin mo ang iyong ama; siya'y kumain at uminom,
    naging makatarungan siya at matuwid;
    kaya siya'y namuhay na tiwasay.
16 Tinulungan niya ang mga dukha at nangangailangan,
    kaya pinagpala siya sa lahat ng bagay.
Pinatunayan niyang ako'y kanyang nakikilala.
17 Subalit kayo, wala kayong iniisip kundi ang sariling kapakanan.
    Pumapatay kayo ng taong walang kasalanan,
    at pinagmamalupitan ang mga tao.”
Ito ang sabi ni Yahweh.

Lucas 11:37-52

Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(A)

37 Pagkatapos magsalita, si Jesus ay inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain sa bahay niya. Nagpaunlak si Jesus at dumulog sa hapag. 38 Nagulat ang Pariseo nang makita niyang si Jesus ay hindi muna naghugas ng kamay bago kumain. 39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo'y punung-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga hangal! Hindi ba't ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob? 41 Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.

42 “Kahabag-habag(B) kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Dapat lamang na gawin ninyo ito ngunit hindi dapat kaligtaan ang mas mahahalagang bagay.

43 “Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke. 44 Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't nalalakaran ng mga tao nang hindi nila namamalayan.”

45 Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa Kautusan, “Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami'y kinukutya ninyo.”

46 Sinagot naman siya ni Jesus, “Kahabag-habag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila. 47 Kahabag-habag kayo! Ipinagpapatayo pa ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito. 49 Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.’ 50 Sa gayon, pananagutan ng salinlahing ito ang pagpaslang sa lahat ng mga propetang pinaslang mula nang likhain ang daigdig, 51 magmula(C) kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Dakong Banal. Oo, sinasabi ko sa inyo, mananagot ang salinlahing ito.

52 “Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok.”