Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 56

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa tono ng “Isang Tahimik na Kalapati sa Malayong Lugar”. Isang Miktam,[a] nang siya'y dakpin ng mga Filisteo sa Gat.

56 Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan,
    lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
nilulusob nila ako, walang tigil, buong araw,
    O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila;
    sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos,
    tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos;
    sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo,
    ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako;
Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako,
    naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko.
Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan,
    sa tindi ng iyong galit gapiin mo silang tunay!

Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat,
    pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat.
Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo,
    tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko;
pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.”
10     May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan,
    pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan.
11 Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos;
    sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.

12 Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa iyo, O Diyos,
    ang alay ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
13 Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan,
    iniligtas mo rin ako sa ganap na kasiraan.
Upang ako ay lumakad sa presensya mo, O Diyos,
    sa landas nitong liwanag na ikaw ang nagdudulot!

Jeremias 1:11-19

Dalawang Pangitain

11 Tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?”

“Sanga po ng almendra,” sagot ko.

12 “Tama ka,” ang sabi ni Yahweh, “sapagkat ako'y magbabantay upang matiyak na matutupad nga ang aking mga sinasabi.”

13 Muli akong tinanong ni Yahweh, “Ano pa ang nakikita mo?”

Sumagot ako, “Isa pong kalderong kumukulo ang laman at halos tumagilid na mula sa gawing hilaga.”

14 At sinabi niya sa akin, “Mararanasan ng lahat ng naninirahan sa lupaing ito ang isang pagkawasak na magmumula sa hilaga. 15 Tatawagin ko ang lahat ng bansa sa hilaga. Darating silang lahat at ang kanilang mga hari'y maglalagay ng kani-kanilang trono sa harap ng pintuan ng Jerusalem, sa paligid ng mga pader nito, at sa ibang mga lunsod ng Juda. 16 Paparusahan ko ang aking bayan dahil sa kanilang kasalanan; tumalikod sila sa akin. Naghandog sila at sumamba sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang mga kamay. 17 Humanda ka at magpakatatag; sabihin mo sa kanila ang lahat ng iuutos ko. Huwag kang matatakot sa kanila kundi'y hahayaan nga kitang matakot kung ikaw ay nasa kalagitnaan nila. 18-19 Subalit pakinggan mo itong mabuti, Jeremias! Ang bawat isa sa buong Juda—kasama na ang mga hari, mga pinuno, mga pari, at ang buong bayan—ay kakalabanin ka. Ngunit hindi sila magtatagumpay. Magiging sintatag ka ng isang lunsod na ligtas sa anumang panganib, sintibay ng haliging bakal o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo sapagkat iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”

Lucas 19:41-44

Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem

41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng iyong mamamayan. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”