Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 72

72 Ibigay mo sa hari ang iyong mga kahatulan, Oh Dios, at ang iyong katuwiran sa anak na lalake ng hari.

Kaniyang hahatulan ang iyong bayan, ng katuwiran, at ang iyong dukha, ng kahatulan.

Ang mga bundok ay magtataglay ng kapayapaan sa bayan, at ang mga gulod, sa katuwiran.

Kaniyang hahatulan ang dukha sa bayan, kaniyang ililigtas ang mga anak ng mapagkailangan, at pagwawaraywarayin ang mangaapi.

Sila'y mangatatakot sa iyo habang nananatili ang araw, at habang sumisilang ang buwan, sa lahat ng sali't saling lahi.

Siya'y babagsak na parang ulan sa tuyong damo: gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.

Sa kaniyang mga kaarawan ay giginhawa ang mga matuwid; at saganang kapayapaan, hanggang sa mawala ang buwan.

Siya naman ay magtataglay ng pagpapakapanginoon sa dagat at dagat, at mula sa ilog hanggang sa mga wakas ng lupa.

Silang nagsisitahan sa ilang ay magsisiyukod sa kaniya; at hihimuran ng kaniyang mga kaaway ang alabok.

10 Ang mga hari ng Tharsis, at sa mga pulo ay mangagdadala ng mga kaloob; ang mga hari sa Sheba at Seba ay mangaghahandog ng mga kaloob.

11 Oo, lahat ng mga hari ay magsisiyukod sa harap niya: lahat ng mga bansa ay mangaglilingkod sa kaniya.

12 Sapagka't kaniyang ililigtas ang mapagkailangan pagka dumadaing; at ang dukha na walang katulong.

13 Siya'y maaawa sa dukha at mapagkailangan, at ang mga kaluluwa ng mga mapagkailangan ay kaniyang ililigtas.

14 Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa sa kapighatian at karahasan; at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kaniyang paningin:

15 At siya'y mabubuhay at sa kaniya'y ibibigay ang ginto ng Sheba: at dadalanginang lagi siya ng mga tao: pupurihin nila siya buong araw.

16 Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa sa taluktok ng mga bundok; ang bunga niyao'y uugang gaya ng Libano: at silang sa bayan ay giginhawa na parang damo sa lupa.

17 Ang kaniyang pangalan ay mananatili kailan man; ang kaniyang pangalan ay magluluwat na gaya ng araw: at ang mga tao ay pagpapalain sa kaniya; tatawagin siyang maginhawa ng lahat ng mga bansa.

18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel, na siya lamang gumagawa ng mga kababalaghang bagay:

19 At purihin ang kaniyang maluwalhating pangalan magpakailan man; at mapuno ang buong lupa ng kaniyang kaluwalhatian. Siya nawa, at Siya nawa.

20 Ang mga dalangin ni David na anak ni Isai ay nangatapos.

Daniel 2:24-49

24 Kaya't pinasok ni Daniel si Arioch na siyang inihalal ng hari na lipulin ang mga pantas na tao sa Babilonia; siya'y naparoon, at nagsabi sa kaniya ng ganito, Huwag mong lipulin ang mga pantas na tao sa Babilonia; dalhin mo ako sa harap ng hari, at aking ipaaaninaw sa hari ang kahulugan.

25 Nang magkagayo'y dinalang madali ni Arioch si Daniel sa harap ng hari, at nagsabing ganito sa kaniya, Ako'y nakasumpong ng isang lalake sa mga anak ng nangabihag sa Juda, na magpapaaninaw sa hari ng kahulugan.

26 Ang hari ay sumagot, at nagsabi kay Daniel, na ang pangalan ay Beltsasar, Maipaaaninaw mo baga sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan niyaon?

27 Si Daniel ay sumagot sa harap ng hari, at nagsabi, Ang lihim na itinatanong ng hari ay hindi maipaaaninaw sa hari kahit ng mga pantas na tao, ng mga enkantador, ng mga mahiko man, o ng mga manghuhula man.

28 Nguni't may isang Dios sa langit na naghahayag ng mga lihim, at siyang nagpapaaninaw sa haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang iyong panaginip, at ang pangitain ng iyong ulo sa iyong higaan ay ang mga ito:

29 Tungkol sa iyo, Oh hari, ang iyong mga pagiisip ay dumating sa iyo sa iyong higaan, kung ano ang mangyayari sa panahong darating; at siya na naghahayag ng mga lihim ay ipinaaninaw sa iyo kung ano ang mangyayari.

30 Nguni't tungkol sa akin ang lihim na ito ay hindi nahayag sa akin ng dahil sa anomang karunungan na tinamo kong higit kay sa sinomang may buhay, kundi upang maipaaninaw sa hari ang kahulugan at upang iyong maalaman ang mga pagiisip ng iyong puso.

31 Ikaw, Oh hari, nakakita, at narito, ang isang malaking larawan. Ang larawang ito na makapangyarihan, at ang kaniyang kakinangan ay mainam, ay tumayo sa harap mo; at ang anyo niyao'y kakilakilabot.

32 Tungkol sa larawang ito, ang kaniyang ulo ay dalisay na ginto, ang kaniyang dibdib at ang kaniyang mga bisig ay pilak, ang kaniyang tiyan at ang kaniyang mga hita ay tanso,

33 Ang kaniyang mga binti ay bakal, ang kaniyang mga paa'y isang bahagi ay bakal, at isang bahagi ay putik na luto.

34 Iyong tinitingnan hanggang sa may natibag na isang bato, hindi ng mga kamay, na tumama sa larawan sa kaniyang mga paang bakal at putik na luto, at mga yao'y binasag.

35 Nang magkagayo'y ang bakal, ang putik na luto, ang tanso, ang pilak, at ang ginto ay nagkaputolputol na magkakasama, at naging parang dayami sa mga giikan sa tagaraw; at tinangay ng hangin na walang dakong kasumpungan sa mga yaon: at ang bato na tumama sa larawan ay naging malaking bundok, at pinuno ang buong lupa.

36 Ito ang panaginip; at aming sasaysayin ang kahulugan niyaon sa harap ng hari.

37 Ikaw, Oh hari, ay hari ng mga hari, na pinagbigyan ng Dios sa langit ng kaharian, ng kapangyarihan, at ng kalakasan, at ng kaluwalhatian;

38 At alin mang tinatahanan ng mga anak ng mga tao, ng mga hayop sa parang at ng mga ibon sa himpapawid ay ibinigay sa iyong kamay, at pinapagpuno ka sa kanilang lahat: ikaw ang ulo na ginto.

39 At pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mababa sa iyo; at ang ibang ikatlong kaharian na tanso na magpupuno sa buong lupa.

40 At ang ikaapat na kaharian ay magiging matibay na parang bakal, palibhasa'y ang bakal ay nakadudurog at nakapagpapasuko ng lahat na bagay; at kung paanong dinidikdik ng bakal ang lahat ng ito, siya'y magkakaputolputol at madidikdik.

41 At yamang iyong nakita na ang mga paa at mga daliri, ang isang bahagi ay putik na luto ng magpapalyok, at ang isang bahagi ay bakal, ay magiging kahariang hati; nguni't magkakaroon yaon ng kalakasan ng bakal, yamang iyong nakita na ang bakal ay nahahalo sa putik na luto.

42 At kung paanong ang mga daliri ng paa ay bakal ang isang bahagi at ang isang bahagi ay putik, magkakagayon ang kaharian na ang isang bahagi ay matibay, at isang bahagi ay marupok.

43 At yamang iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng putik na luto, sila'y magkakahalo ng lahi ng mga tao; nguni't hindi sila magkakalakipan, gaya ng bakal na hindi lumalakip sa putik.

44 At sa mga kaarawan ng mga haring yaon ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao'y iiwan sa ibang bayan; kundi pagpuputolputulin at lilipulin niya ang lahat na kahariang ito, at yao'y lalagi magpakailan man.

45 Yamang iyong nakita na ang isang bato ay natibag sa bundok, hindi ng mga kamay, at pumutol ng mga bakal, ng tanso, ng putik, ng pilak, at ng ginto; ipinaalam ng dakilang Dios sa hari kung ano ang mangyayari sa haharapin: at ang panaginip ay tunay at ang pagkapaaninaw niyao'y tapat.

46 Nang magkagayo'y ang haring Nabucodonosor ay nagpatirapa, at sumamba kay Daniel, at nagutos na sila'y maghandog ng alay at ng may masarap na amoy sa kaniya.

47 Ang hari ay sumagot kay Daniel, at nagsabi, Sa katotohanan ang inyong Dios ay Dios ng mga dios, at Panginoon ng mga hari, at tagapaghayag ng mga lihim, yamang ikaw ay nakapaghayag ng lihim na ito.

48 Nang magkagayo'y pinadakila ng hari si Daniel, at binigyan siya ng maraming dakilang kaloob, at pinapagpuno siya sa buong lalawigan ng Babilonia, at pinapaging pangulo ng mga tagapamahala sa lahat na pantas sa Babilonia.

49 At si Daniel ay humiling sa hari, at kaniyang inihalal, si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia; nguni't si Daniel ay nasa pintuang-daan ng hari.

Efeso 5:15-20

15 Mangagingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong;

16 Na inyong samantalahin ang panahon, sapagka't ang mga araw ay masasama.

17 Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

18 At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo'y mangapuspos ng Espiritu;

19 Na kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon;

20 Na kayo'y laging magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa Dios na ating Ama;

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain