Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 72

72 Ibigay mo sa hari ang iyong mga kahatulan, Oh Dios, at ang iyong katuwiran sa anak na lalake ng hari.

Kaniyang hahatulan ang iyong bayan, ng katuwiran, at ang iyong dukha, ng kahatulan.

Ang mga bundok ay magtataglay ng kapayapaan sa bayan, at ang mga gulod, sa katuwiran.

Kaniyang hahatulan ang dukha sa bayan, kaniyang ililigtas ang mga anak ng mapagkailangan, at pagwawaraywarayin ang mangaapi.

Sila'y mangatatakot sa iyo habang nananatili ang araw, at habang sumisilang ang buwan, sa lahat ng sali't saling lahi.

Siya'y babagsak na parang ulan sa tuyong damo: gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.

Sa kaniyang mga kaarawan ay giginhawa ang mga matuwid; at saganang kapayapaan, hanggang sa mawala ang buwan.

Siya naman ay magtataglay ng pagpapakapanginoon sa dagat at dagat, at mula sa ilog hanggang sa mga wakas ng lupa.

Silang nagsisitahan sa ilang ay magsisiyukod sa kaniya; at hihimuran ng kaniyang mga kaaway ang alabok.

10 Ang mga hari ng Tharsis, at sa mga pulo ay mangagdadala ng mga kaloob; ang mga hari sa Sheba at Seba ay mangaghahandog ng mga kaloob.

11 Oo, lahat ng mga hari ay magsisiyukod sa harap niya: lahat ng mga bansa ay mangaglilingkod sa kaniya.

12 Sapagka't kaniyang ililigtas ang mapagkailangan pagka dumadaing; at ang dukha na walang katulong.

13 Siya'y maaawa sa dukha at mapagkailangan, at ang mga kaluluwa ng mga mapagkailangan ay kaniyang ililigtas.

14 Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa sa kapighatian at karahasan; at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kaniyang paningin:

15 At siya'y mabubuhay at sa kaniya'y ibibigay ang ginto ng Sheba: at dadalanginang lagi siya ng mga tao: pupurihin nila siya buong araw.

16 Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa sa taluktok ng mga bundok; ang bunga niyao'y uugang gaya ng Libano: at silang sa bayan ay giginhawa na parang damo sa lupa.

17 Ang kaniyang pangalan ay mananatili kailan man; ang kaniyang pangalan ay magluluwat na gaya ng araw: at ang mga tao ay pagpapalain sa kaniya; tatawagin siyang maginhawa ng lahat ng mga bansa.

18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel, na siya lamang gumagawa ng mga kababalaghang bagay:

19 At purihin ang kaniyang maluwalhating pangalan magpakailan man; at mapuno ang buong lupa ng kaniyang kaluwalhatian. Siya nawa, at Siya nawa.

20 Ang mga dalangin ni David na anak ni Isai ay nangatapos.

Jeremias 31:7-14

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y magsiawit ng kasayahan dahil sa Jacob, at magsihiyaw kayo dahil sa puno ng mga bansa: mangagtanyag kayo, magsipuri kayo, at mangagsabi, Oh Panginoon, iligtas mo ang iyong bayan, ang nalabi sa Israel.

Narito, aking dadalhin sila mula sa lupaing hilagaan, at pipisanin ko sila mula sa mga kahulihulihang bahagi ng lupa, at kasama nila ang bulag at ang pilay, at ang buntis at ang nagdadamdam na magkakasama: malaking pulutong na magsisibalik sila rito.

Sila'y magsisiparitong may iyakan, at may mga pamanhik na aking papatnubayan sila; akin silang palalakarin sa tabi ng mga ilog ng tubig, sa matuwid na daan na hindi nila katitisuran; sapagka't ako'y pinakaama sa Israel, at ang Ephraim ang aking panganay.

10 Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, Oh ninyong mga bansa, at inyong ipahayag sa mga pulo sa malayo; at inyong sabihin, Ang nagpangalat sa Israel, siyang magpipisan sa kaniya, at magiingat sa kaniya, gaya ng ginagawa ng pastor sa kaniyang kawan.

11 Sapagka't tinubos ng Panginoon ang Jacob, at tinubos niya siya sa kamay ng lalong malakas kay sa kaniya.

12 At sila'y magsisiparito at magsisiawit sa kaitaasan ng Sion, at magsisihugos na magkakasama sa kabutihan ng Panginoon, sa trigo, at sa alak, at sa langis, at sa guya ng kawan at ng bakahan: at ang kanilang kaluluwa ay magiging parang dinilig na halamanan; at hindi na sila mangamamanglaw pa sa anoman.

13 Kung magkagayo'y magagalak ang dalaga sa sayawan, at ang mga binata, at ang matanda na magkakasama: sapagka't aking gagawing kagalakan ang kanilang pagluluksa, at aking aaliwin sila at aking pagagalakin sila sa kanilang kapanglawan.

14 At aking sisiyahin ang loob ng mga saserdote sa kaginhawahan, at ang aking bayan ay masisiyahan sa aking kabutihan, sabi ng Panginoon.

Juan 1:1-9

Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.

Ito rin nang pasimula'y sumasa Dios.

Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya.

Nasa kaniya ang buhay; at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao.

At ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi napagunawa ng kadiliman.

Naparito ang isang tao, na sugong mula sa Dios, na ang kaniyang pangalan ay Juan.

Ito'y naparitong saksi, upang kaniyang patotohanan ang ilaw, upang sa pamamagitan niya'y magsisampalataya ang lahat.

Hindi siya ang ilaw, kundi pumarito upang kaniyang patotohanan ang ilaw.

Nagkaroon ng tunay na ilaw, sa makatuwid baga'y ang ilaw na lumiliwanag sa bawa't tao, na pumaparito sa sanglibutan.

Juan 1:10-18

10 Siya'y nasa sanglibutan, at ang sanglibuta'y ginawa sa pamamagitan niya, at hindi siya nakilala ng sanglibutan.

11 Siya'y naparito sa sariling kaniya, at siya'y hindi tinanggap ng mga sariling kaniya.

12 Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan:

13 Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios.

14 At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.

15 Pinatotohanan siya ni Juan, at sumigaw, na nagsasabi, Ito yaong aking sinasabi, Ang pumaparitong nasa hulihan ko ay magiging una sa akin: sapagka't siya'y una sa akin.

16 Sapagka't sa kaniyang kapuspusan ay nagsitanggap tayong lahat, at biyaya sa biyaya.

17 Sapagka't ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay nagsidating sa pamamagitan ni Jesu-cristo.

18 Walang taong nakakita kailan man sa Dios; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, siya ang nagpakilala sa kanya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain