Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 12:2-6

Kayo, O Dios ang aking Tagapagligtas.
    Magtitiwala po ako sa inyo at hindi matatakot.
    Kayo, Panginoon, ang nagbibigay ng lakas sa akin, at kayo ang aking awit.
    Kayo nga ang nagligtas sa akin.”

Kung paanong ang malamig na tubig ay nagbibigay kagalakan sa nauuhaw, kayo naman ay magagalak kapag iniligtas na kayo ng Panginoon. Pagsapit ng araw na iyon, aawit kayo:

    “Purihin ninyo ang Panginoon!
    Sambahin nʼyo siya!
    Sabihin nʼyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa.
    Sabihin nʼyo na karapat-dapat siyang purihin.[a]
Umawit kayo sa Panginoon dahil kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa.
    Ipahayag nʼyo ito sa buong mundo.
Sumigaw kayo at umawit sa galak, kayong mga taga-Zion.
    Sapagkat makapangyarihan ang Banal na Dios ng Israel na nasa piling ninyo.”

Amos 9:8-15

Ako, ang Panginoong Dios ay nagmamanman sa inyong makasalanang kaharian. At lilipulin ko kayo hanggang sa mawala kayo ng lubusan sa mundo. Pero may ilang matitira sa inyo na mga lahi ni Jacob. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Tingnan ninyo! Mag-uutos na ako; sasalain ko kayong mga mamamayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa, tulad ng pagsala sa mga butil. At kung paanong hindi nakakalusot ang maliliit na bato sa salaan, 10 hindi rin makakalusot sa akin ang masasama sa inyo, kundi mamamatay silang lahat sa digmaan, silang mga nagsasabi na wala raw masamang mangyayari sa kanila.

Muling Itatayo ang Israel

11 “Darating ang araw na muli kong itatayo ang kaharian ni David na tulad sa kubong nawasak. Aayusin ko ito sa kanyang pagkakagiba at itatayong muli kagaya noong una, 12 upang masakop ng mga Israelita ang natitirang lupain ng Edom at ang iba pang mga bansa na sinakop nila noon, na itinuring kong akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at gagawin ko ang mga bagay na ito.”

13 Sinabi pa ng Panginoon tungkol sa mga taga-Israel, “Darating ang araw na magiging masagana ang kanilang ani, hindi pa nga nila natatapos ang pag-aani, sinisimulan na naman ang pag-aararo. At hindi pa natatapos ang pagpisa ng ubas, panahon na naman ng pagtatanim nito. Kung titingnan ang napakaraming ubas na namumunga sa mga bundok at burol, para bang dumadaloy ang matamis na bagong katas nito.[a] 14 Pababalikin ko ang mga mamamayan kong Israelita sa kanilang lupain mula sa pagkakabihag.[b] Muli nilang itatayo ang kanilang mga nasirang bayan at doon na sila maninirahan. Magtatanim sila ng ubas at iinom ng katas nito. Magtatanim sila sa kanilang mga halamanan, at kakainin nila ang mga bunga nito. 15 Patitirahin ko silang muli sa lupaing ibinigay ko sa kanila at hindi na muling paaalisin.” Ito nga ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios.

Lucas 1:57-66

Ang Pagsilang kay Juan na Tagapagbautismo

57 Dumating na ang oras ng panganganak ni Elizabet, at nagsilang siya ng isang lalaki. 58 Nabalitaan ng mga kapitbahay at mga kamag-anak niya kung paano siya pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.

59 Nang walong araw na ang sanggol, dumalo ang mga kapitbahay at mga kamag-anak sa pagtutuli sa kanya. Zacarias sana ang ipapangalan nila sa bata dahil iyon din ang pangalan ng kanyang ama. 60 Pero sinabi ni Elizabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61 Sumagot ang mga tao, “Pero wala namang may ganyang pangalan sa pamilya ninyo.” 62 Kaya tinanong nila ang ama sa pamamagitan ng senyas kung ano ang gusto niyang ipangalan sa sanggol. 63 Sumenyas siya na bigyan siya ng masusulatan. Pagkatapos ay isinulat niya, “Juan ang ipapangalan sa kanya.” Nagtaka silang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita na si Zacarias at nagpuri sa Dios. 65 Nangilabot ang lahat ng kapitbahay nila, at naging usap-usapan sa buong kabundukan ng Judea ang pangyayaring iyon. 66 Ang lahat ng nakabalita ay nag-isip at nagtanong, “Magiging ano kaya ang batang ito kapag lumaki na siya?” Sapagkat malinaw na sumasakanya ang Panginoon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®