Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Dalangin para Iligtas
126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[a] parang itoʼy panaginip lang.
2 Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
“Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
3 Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
at punong-puno tayo ng kagalakan.
4 Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
5 Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
6 Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.
Pinalakas ang Loob ng mga Mamamayan ng Dios
40 Sinabi ng Dios, “Palakasin at pagaanin ninyo ang loob ng aking mga mamamayan. 2 Magsalita kayo nang mahinahon sa mga taga-Jerusalem. Sabihin ninyo sa kanila na tapos na ang paghihirap nila, at pinatawad na ang kanilang mga kasalanan. Sapagkat pinarusahan ko sila nang husto sa lahat ng kasalanan nila.” 3 May tagapagbalitang sumisigaw na nangangaral sa mga tao, “Ihanda ninyo ang daan sa ilang para sa Panginoon. Gawin ninyong matuwid ang daan na dadaanan ng ating Dios. 4 Tambakan ninyo ang mga mababang lugar, patagin ang mga bundok at burol, at pantayin ang mga baku-bakong daan. 5 Mahahayag ang makapangyarihang presensya ng Panginoon, at makikita ito ng lahat. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.”
6 May nagsabi sa akin, “Mangaral ka!” Ang tanong ko naman, “Anong ipapangaral ko?” Sinabi niya, “Ipangaral mo na ang lahat ng tao ay parang damo, ang kanilang katanyagan ay parang bulaklak nito. 7 Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag kapag hinipan ng hanging mula sa Panginoon. 8 Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag, pero ang salita ng ating Dios ay mananatili magpakailanman.”
9 Kayong mga nagdadala ng magandang balita sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umakyat kayo sa mataas na bundok, at isigaw ninyo ang magandang balita. Huwag kayong matakot, sabihin ninyo sa mga bayan ng Juda na nandiyan na ang kanilang Dios. 10 Dumarating ang Panginoong Dios na makapangyarihan at maghahari siya na may kapangyarihan. Dumarating siyang dala ang gantimpala para sa kanyang mga mamamayan. 11 Aalagaan niya ang kanyang mga mamamayan gaya ng pastol na nag-aalaga ng kanyang mga tupa. Kinakarga niya ang maliliit na tupa at maingat niyang pinapatnubayan ang mga inahing tupa.
22 Alam natin na hanggang ngayon, ang buong nilikha ay naghihirap at dumaraing tulad ng isang babaeng manganganak na. 23 At hindi lamang ang buong nilikha, kundi pati tayong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na siyang unang kaloob ng Dios ay dumaraing din habang naghihintay tayo na matubos ang ating mga katawan at mahayag ang ganap na katayuan natin bilang mga anak ng Dios. 24 Ligtas na tayo at naghihintay na lang na maging ganap ang kaligtasang ito. Umaasa tayo dahil wala pa ang inaasahan natin. Aasa pa ba tayo kung nariyan na ang ating inaasahan? 25 Pero kung ang inaasahan natiʼy wala pa, maghihintay tayo nang may pagtitiyaga.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®