Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 128

128 Mapalad ang bawa't isa na natatakot sa Panginoon, na lumalakad sa kaniyang mga daan.

Sapagka't iyong kakanin ang gawa ng iyong mga kamay: magiging maginhawa ka, at ikabubuti mo.

Ang asawa mo'y magiging parang mabungang puno ng ubas, sa mga pinakaloob ng iyong bahay: ang mga anak mo'y parang mga puno ng olibo, sa palibot ng iyong dulang.

Narito, na ganito nawa pagpalain ang tao, na natatakot sa Panginoon.

Pagpapalain ka ng Panginoon mula sa Sion: at iyong makikita ang buti ng Jerusalem sa lahat na kaarawan ng iyong buhay.

Oo, iyong makikita ang mga anak ng iyong mga anak. Kapayapaan nawa'y suma Israel.

Mangangaral 5

Ingatan mo ang iyong paa pagka ikaw ay napasasa bahay ng Dios; sapagka't ang paglapit upang makinig ay maigi kay sa magbigay ng hain ng mga mangmang: sapagka't hindi nila nalalaman na sila'y nagsisigawa ng kasamaan.

Huwag kang pakabigla ng iyong bibig, at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng anomang bagay sa harap ng Dios; sapagka't ang Dios ay nasa langit, at ikaw ay nasa lupa: kaya't pakauntiin mo ang iyong mga salita.

Sapagka't ang panaginip ay dumarating sa karamihan ng gawain; at ang tinig ng mangmang sa karamihan ng mga salita.

Pagka ikaw ay nananata ng panata sa Dios, huwag kang magliban ng pagtupad; sapagka't siya'y walang kaligayahan sa mga mangmang: tuparin mo ang iyong ipinanata.

Maigi nga ang ikaw ay huwag manata, kay sa ikaw ay manata at hindi tumupad.

Huwag bayaan ang iyong bibig, na papagkasalanin ang iyong laman; at huwag ka mang magsabi sa harap ng anghel, na isang kamalian: bakit nga magagalit ang Dios sa iyong tinig, at sisirain ang gawa ng iyong mga kamay?

Sapagka't sa karamihan ng mga panaginip ay may kawalangkabuluhan, at sa maraming mga salita: nguni't matakot ka sa Dios.

Kung iyong nakikita ang kapighatian ng dukha, at ang karahasang pagaalis ng kahatulan at kaganapan sa isang lalawigan, huwag mong kamanghaan ang bagay: sapagka't ang lalong mataas kay sa mataas ay nagmamasid; at may lalong mataas kay sa kanila.

Bukod dito, ay sa lahat ang pakinabang sa lupa: ang hari man ay pinaglilingkuran ng bukid.

10 Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak; o siya mang umiibig sa kasaganaan ng pakinabang: ito man ay walang kabuluhan.

11 Pagka ang mga pag-aari ay nagsisidami, ay nagsisidami silang nagsisikain ng mga yaon: at anong pakinabang mayroon ang may-ari niyaon, kundi ang mamasdan ng kaniyang mga mata?

12 Ang tulog ng manggagawang tao ay mahimbing, maging siya'y kumain ng kaunti o marami: nguni't ang kasaganaan ng yaman ay hindi magpapatulog sa kaniya.

13 May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw, ito nga, ang mga yamang iningatan ng may-ari niyaon sa kapahamakan niya.

14 At ang mga yamang yaon ay nawawala ng masamang pangyayari; at kung siya'y magkaanak ng lalake, walang maiiwan sa kaniyang kamay.

15 Kung paanong siya'y lumabas sa bahay-bata ng kaniyang ina, hubad na yayaon siya uli na gaya ng siya'y dumating, at hindi magdadala ng anoman sa kaniyang nagawa, na kaniyang madadala sa kaniyang kamay.

16 At ito man ay malubhang kasamaan, na kung paano siya dumating ay gayon siya yayaon: at anong pakinabang mayroon siya, na gumagawa sa hangin?

17 Lahat ng mga araw naman niya ay ikinakain niya sa kadiliman, at siya'y totoong nayayamot, at may sakit at pag-iinit.

18 Narito, na aking nakita na mabuti at ukol sa isa ang kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa na kaniyang ginawa sa ilalim ng araw lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay na ibinigay sa kaniya ng Dios: sapagka't ito'y kaniyang bahagi.

19 Bawa't tao rin naman na binigyan ng Dios ng mga kayamanan at mga pag-aari, at binigyan ng kapangyarihan na kumain niyaon, at kumuha ng kaniyang bahagi, at magalak sa kaniyang gawa, ito'y kaloob ng Dios.

20 Sapagka't hindi niya aalalahaning lubha ang mga kaarawan ng kaniyang buhay; sapagka't sinasagot siya ng Dios sa kagalakan ng kaniyang puso.

Juan 8:21-38

21 Muli ngang sinabi niya sa kanila, Yayaon ako, at ako'y inyong hahanapin, at mangamamatay kayo sa inyong kasalanan: sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon.

22 Sinabi nga ng mga Judio, Siya kaya'y magpapakamatay, sapagka't kaniyang sinabi, Sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon.

23 At sa kanila'y kaniyang sinabi, Kayo'y mga taga ibaba; ako'y taga itaas: kayo'y mga taga sanglibutang ito; ako'y hindi taga sanglibutang ito.

24 Sinabi ko nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.

25 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Sino ka baga? Sinabi sa kanila ni Jesus, Siya rin na sinalita ko sa inyo mula pa nang una.

26 Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya'y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan.

27 Hindi nila napagunawa na tungkol sa Ama ang kaniyang sinasalita sa kanila.

28 Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga ang Cristo, at wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama.

29 At ang nagsugo sa akin ay sumasa akin; hindi niya ako binayaang nagiisa; sapagka't ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya'y nakalulugod.

30 Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito, ay maraming nagsisampalataya sa kaniya.

31 Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko;

32 At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo.

33 Sa kaniya'y kanilang isinagot, Kami'y binhi ni Abraham, at kailan ma'y hindi pa naging alipin ninomang tao: paanong sinasabi mo, Kayo'y magiging laya?

34 Sinagot sila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't nagkakasala ay alipin ng kasalanan.

35 At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailan man: ang anak ang nananahan magpakailan man.

36 Kung palayain nga kayo ng Anak, kayo'y magiging tunay na laya.

37 Talastas ko na kayo'y binhi ni Abraham; gayon ma'y pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagka't ang salita ko'y hindi magkasiya sa inyo.

38 Sinasalita ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama: at ginagawa rin ninyo ang mga bagay na inyong narinig sa inyong Ama.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain