Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 125

125 Silang nagsisitiwala sa Panginoon ay parang bundok ng Sion, na hindi maaaring makilos, kundi nananatili magpakailan man.

Kung paanong ang mga bundok na nangasa palibot ng Jerusalem, gayon ang Panginoon sa palibot ng kaniyang bayan, mula sa panahong ito at sa magpakailan man.

Sapagka't ang cetro ng kasamaan ay hindi bubuhatin sa mga matuwid; upang huwag iunat ng mga matuwid ang kanilang mga kamay sa kasamaan.

Gawan mo ng mabuti, Oh Panginoon, yaong mabubuti, at yaong matutuwid sa kanilang mga puso.

Nguni't sa nagsisiliko sa kanilang mga likong lakad, ilalabas ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan. Kapayapaan nawa ay suma Israel.

Kawikaan 8:1-31

Hindi ba umiiyak ang karunungan, at inilalabas ng unawa ang kaniyang tinig?

Sa taluktok ng mga mataas na dako sa tabi ng daan, sa mga salubungang landas, siya'y tumatayo;

Sa tabi ng mga pintuang-bayan sa pasukan ng bayan, sa pasukan sa mga pintuan siya'y humihiyaw ng malakas:

Sa inyo, Oh mga lalake, ako'y tumatawag; at ang aking tinig ay sa mga anak ng mga tao.

Oh kayong mga musmos, magsiunawa kayo ng katalinuhan; at, kayong mga mangmang, makaunawa kayo sa puso.

Kayo'y mangakinig, sapagka't magsasalita ako ng mga marilag na bagay; at ang buka ng aking mga labi ay magiging mga matuwid na bagay,

Sapagka't ang aking bibig ay sasambit ng katotohanan; at kasamaan ay karumaldumal sa aking mga labi.

Lahat ng mga salita ng aking bibig ay sa katuwiran; walang bagay na liko o suwail sa kanila.

Pawang malilinaw sa kaniya na nakakaunawa, at matuwid sa kanila na nangakakasumpong ng kaalaman.

10 Tanggapin mo ang aking turo at huwag pilak; at ang kaalaman na higit kay sa dalisay na ginto.

11 Sapagka't ang karunungan ay maigi kay sa mga rubi; at lahat ng mga bagay na mananasa ay hindi maitutulad sa kaniya.

12 Akong karunungan ay tumatahan sa kabaitan, at aking nasusumpungan ang kaalaman at gunita.

13 Ang pagkatakot sa Panginoon ay ipagtanim ang kasamaan; Kapalaluan, at kahambugan at masamang lakad, at ang masamang bibig ay aking ipinagtatanim.

14 Payo ay akin at magaling na kaalaman: ako'y kaunawaan; ako'y may kapangyarihan,

15 Sa pamamagitan ko ay naghahari ang mga hari, at nagpapasiya ng kaganapan ang mga pangulo.

16 Sa pamamagitan ko ay nagpupuno ang mga pangulo, at ang mga mahal na tao, sa makatuwid baga'y lahat ng mga hukom sa lupa.

17 Aking iniibig sila na nagsisiibig sa akin; at yaong nagsisihanap na masikap sa akin ay masusumpungan ako.

18 Mga kayamanan at karangalan ay nasa akin; Oo, lumalaging mga kayamanan at katuwiran.

19 Ang bunga ko ay maigi kay sa ginto, oo, kay sa dalisay na ginto; at ang pakinabang sa akin kay sa piling pilak.

20 Ako'y lumalakad sa daan ng katuwiran, sa gitna ng mga landas ng kahatulan:

21 Upang aking papagmanahin ng pag-aari yaong nagsisiibig sa akin, at upang aking mapuno ang kanilang ingatang-yaman.

22 Inari ako ng Panginoon sa pasimula ng kaniyang lakad, bago pinasimulan ang kaniyang mga gawa ng una.

23 Ako'y nalagay mula noong araw mula ng walang pasimula, bago nalikha ang lupa.

24 Ako'y nailabas ng wala pang mga kalaliman; nang wala pang mga bukal na sagana ng tubig.

25 Bago ang mga bundok ay nalagay, bago ang mga burol ay ako'y nailabas:

26 Samantalang hindi pa niya nililikha ang lupa, ni ang mga parang man, ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan.

27 Nang kaniyang itatag ang langit nandoon ako: nang siya'y maglagay ng balantok sa balat ng kalaliman:

28 Nang kaniyang pagtibayin ang langit sa itaas: nang maging matibay ang mga bukal ng kalaliman:

29 Nang bigyan niya ang dagat ng kaniyang hangganan, upang huwag salangsangin ng tubig ang kaniyang utos: nang kaniyang iayos ang mga patibayan ng lupa:

30 Nasa siping nga niya ako na gaya ng matalinong manggagawa: at ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, na nagagalak na lagi sa harap niya;

31 Na nagagalak sa kaniyang tinatahanang lupa; at ang aking kaaliwan ay sa mga anak ng mga tao.

Mateo 15:21-31

21 At umalis doon si Jesus, at lumigpit sa mga sakop ng Tiro at Sidon.

22 At narito, ang isang babaing Cananea na lumabas sa mga hangganang yaon, at nagsisigaw, na nagsasabi, Kahabagan mo ako, Oh Panginoon, ikaw na Anak ni David; ang aking anak na babae ay pinahihirapang lubha ng isang demonio.

23 Datapuwa't siya'y hindi sumagot ng anomang salita sa kaniya. At nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at siya'y pinamanhikan, na nangagsasabi, Paalisin mo siya; sapagka't nagsisisigaw siya sa ating hulihan.

24 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi, Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.

25 Datapuwa't lumapit siya at siya'y sinamba niya, na nagsasabi, Panginoon, saklolohan mo ako.

26 At siya'y sumagot at sinabi, Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon sa mga aso.

27 Datapuwa't sinabi niya, Oo, Panginoon: sapagka't ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa dulang ng kanilang mga panginoon.

28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Oh babae, malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo. At gumaling ang kaniyang anak mula sa oras na yaon.

29 At umalis si Jesus doon, at naparoon sa tabi ng dagat ng Galilea; at umahon sa bundok, at naupo doon.

30 At lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao, na may mga pilay, mga bulag, mga pipi, mga pingkaw, at iba pang marami, at sila'y kanilang inilagay sa kaniyang mga paanan; at sila'y pinagaling niya:

31 Ano pa't nangagtaka ang karamihan, nang mangakita nilang nangagsasalita ang mga pipi, nagsisigaling ang mga pingkaw, at nagsisilakad ang mga pilay, at nangakakakita ang mga bulag: at kanilang niluwalhati ang Dios ng Israel.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain