Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpupuri sa Dios
111 Purihin ang Panginoon!
Buong puso kong pasasalamatan ang Panginoon sa pagtitipon ng mga matuwid.
2 Napakadakila ng mga gawa ng Panginoon;
iniisip ito ng lahat ng nagagalak sa kanyang mga gawa.
3 Ang lahat ng kanyang mga gawa ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan at karangalan.
At ang kanyang katuwiran ay nagpapatuloy magpakailanman.
4 Ipinaaalala niya ang kanyang mga kahanga-hangang gawa.
Siya ay mapagbiyaya at mahabagin.
5 Binibigyan niya ng pagkain ang mga may takot sa kanya,
at ang kanyang kasunduan sa kanila ay hindi niya kinakalimutan.
6 Ipinakita niya sa kanyang mga mamamayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga lupain ng ibang mga bansa.
7 Tapat at matuwid ang lahat niyang ginagawa,
at mapagkakatiwalaan ang lahat niyang mga utos.
8 Ang kanyang mga utos ay mananatili magpakailanman,
at itoʼy ibinigay niya nang buong katapatan at ayon sa katuwiran.
9 Tinubos niya ang kanyang mga mamamayan,
at gumawa siya ng kasunduan na pangwalang hanggan.
Banal siya at kahanga-hanga.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ang pinagmumulan ng karunungan.
Lahat ng sumusunod sa kanyang mga utos ay may mabuting pang-unawa.
Purihin siya magpakailanman.
Hinirang ni David si Solomon Bilang Hari
28 Sinabi ni Haring David, “Sabihan mo si Batsheba na pumunta rito.” Kaya pumunta si Batsheba sa hari. 29 Pagkatapos, sumumpa si Haring David, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan, 30 na tutuparin ko ngayon ang pangako ko sa iyo sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na si Solomon na ating anak ang siyang papalit sa akin bilang hari.”
31 Yumukod agad si Batsheba bilang paggalang, at sinabi, “Mabuhay kayo magpakailanman,[a] Mahal na Haring David!” 32 Sinabi ni Haring David, “Papuntahin dito ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaya na anak ni Jehoyada.” Kaya pumunta sila sa hari. 33 At sinabi ng hari sa kanila, “Pasakayin mo ang anak kong si Solomon sa aking mola[b] at dalhin ninyo siya sa Gihon kasama ang aking mga pinuno. 34 Pagdating ninyo doon, kayo Zadok at Natan, pahiran ninyo ng langis ang ulo ni Solomon para ipakita na siya ang pinili kong maging hari ng Israel. Pagkatapos, patunugin nʼyo ang trumpeta at isigaw, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’ 35 Pagkatapos, samahan nʼyo siya pabalik dito, uupo siya sa aking trono at papalit sa akin bilang hari. Siya ang pinili ko na mamamahala sa buong Israel at Juda.”
36 Sumagot si Benaya na anak ni Jehoyada, “Gagawin po namin iyan! Mahal na Hari, nawaʼy ang Panginoon na inyong Dios ang magpatunay nito. 37 Kung paano kayo sinamahan ng Panginoon, samahan din sana niya si Solomon at gawin niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyong paghahari.” 38 Kaya lumakad na ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaya na anak ni Jehoyada, at ang mga personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at dinala sa Gihon. 39 Pagdating nila roon, kinuha ni Zadok sa banal na tolda ang langis na nasa loob ng sisidlang sungay, at pinahiran niya si Solomon sa ulo. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw silang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!” 40 Inihatid si Haring Solomon ng mga tao pauwi sa Jerusalem na nagkakasayahan at tumutugtog ng mga plauta. Nayanig ang lupa sa ingay nila.
41 Narinig ito ni Adonia at ng kanyang mga bisita nang malapit na silang matapos sa kanilang handaan. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta, nagtanong siya, “Ano ba ang nangyayari, bakit masyadong maingay sa lungsod?” 42 Habang nagsasalita siya, dumating si Jonatan na anak ng paring si Abiatar. Sinabi ni Adonia, “Pumasok ka dahil mabuti kang tao, at tiyak kong may dala kang magandang balita.” 43 Sumagot si Jonatan, “Hindi ito magandang balita, dahil ginawang hari ni Haring David si Solomon. 44 Pinapunta niya ito sa Gihon kasama ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaya na anak ni Jehoyada at ang kanyang mga personal na tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay pa nila si Solomon sa mola ng hari. 45 Pagdating nila sa Gihon, pinahiran siya ng langis nina Zadok at Natan para ipakitang siya ang piniling hari. Kababalik lang nila, kaya nga nagkakasayahan ang mga tao sa lungsod. Iyan ang mga ingay na inyong naririnig. 46 At ngayon, si Solomon na ang nakaupo sa trono bilang hari. 47 Pumunta rin kay Haring David ang mga pinuno niya para parangalan siya. Sinabi nila, ‘Gawin sanang mas tanyag ng inyong Dios si Solomon kaysa sa inyo, at gawin sana niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyo.’ Yumukod agad si David sa kanyang higaan para sumamba sa Panginoon, 48 at sinabi, ‘Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, niloob niya na makita ko sa araw na ito ang papalit sa akin bilang hari.’ ”
17 Mga kapatid, mag-ingat kayo sa mga taong lumilikha ng pagkakahati-hati at gumugulo sa pananampalataya ninyo. Nangangaral sila laban sa mga aral na natanggap ninyo sa amin. Kaya iwasan ninyo sila. 18 Ang mga taong ganyan ay hindi naglilingkod sa Panginoong Jesu-Cristo, kundi sa sarili nilang hangarin[a] sila sumusunod. Dinadaya nila ang mga kulang sa kaalaman sa pamamagitan ng mahuhusay at magaganda nilang pananalita. 19 Balitang-balita sa lahat ang inyong katapatan sa pagsunod sa Panginoon, at nagagalak ako dahil diyan. Pero gusto kong maging matalino kayo sa mga bagay na mabuti, at walang alam sa paggawa ng kasamaan. 20 Ang Dios ang nagbibigay ng kapayapaan, at malapit na niyang puksain ang kapangyarihan ni Satanas sa pamamagitan ninyo. Pagpalain kayo ng Panginoong Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®