Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
16 Ngunit sinabi ng Dios sa mga masama,
“Wala kayong karapatang banggitin ang aking mga kautusan at kasunduan!
17 Namumuhi kayo sa aking pagdidisiplina.
Hindi ninyo pinapansin ang mga sinasabi ko.
18 Kapag nakakita kayo ng magnanakaw,
nakikipagkaibigan kayo sa kanya at nakikisama rin kayo sa mga nakikiapid.
19 Lagi kayong nagsasalita ng masama at kay dali para sa inyong magsinungaling.
20 Sinisiraan ninyo ang inyong mga kapatid.
21 Hindi ako kumibo nang gawin ninyo ang mga bagay na ito,
kaya inakala ninyong katulad din ninyo ako.
Ngunit sasawayin ko kayo at ipapakita ko sa inyo kung gaano kayo kasama.
22 Pakinggan ninyo ito, kayong mga nakalimot sa Dios,
dahil kung hindi ay lilipulin ko kayo at walang makapagliligtas sa inyo.
23 Ang naghahandog sa akin ng pasasalamat ay pinaparangalan ako
at ang nag-iingat sa kanyang pag-uugali ay ililigtas ko.”
Si Amnon at si Tamar
13 Ang anak ni David na si Absalom ay may magandang kapatid na ang pangalan ay Tamar. Ngayon, si Amnon, na isa rin sa mga anak ni David ay umiibig kay Tamar. 2 Pero hindi niya magawa ang gusto niyang gawin kay Tamar dahil dalaga pa ito at lagi itong may bantay. Dahil dito, sumama ang loob niya hanggang sa magkasakit siya.
3 May napakatusong kaibigan si Amnon na ang pangalan ay Jonadab. Anak siya ng kapatid ni David na si Shimea. 4 Isang araw, nagtanong siya kay Amnon, “Anak ka ng hari, pero bakit araw-araw kitang nakikitang malungkot? Sabihin mo nga sa akin kung ano ang problema mo.” Sinabi ni Amnon sa kanya, “Gusto ko si Tamar, ang kapatid ni Absalom na kapatid ko sa ama.” 5 Sinabi sa kanya ni Jonadab, “Humiga ka at magkunwaring may sakit. Kapag dinalaw ka ng iyong ama, sabihin mong payagan niya si Tamar na puntahan ka at pakainin. Sabihin mo sa kanyang gusto mong makita si Tamar na naghahanda ng pagkain mo at gusto mo rin na siya ang magpakain sa iyo.”
6 Kaya humiga nga si Amnon at nagkunwaring may sakit. Nang dalawin siya ni Haring David, sinabi niya, “Gusto ko pong pumunta rito ang kapatid kong si Tamar at gumawa ng tinapay sa tabi ko, at siya ang magpakain sa akin.” 7 Kaya nagpasabi si David kay Tamar na nasa palasyo, na puntahan niya ang kapatid niyang si Amnon at maghanda ng pagkain para rito.
8 Pumunta si Tamar sa bahay ng kapatid niyang si Amnon at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng harina, minasa ito at niluto ang tinapay kung saan nakikita siya ni Amnon. 9 Pagkaluto, kinuha niya ito para pakainin si Amnon, pero tumanggi ito. Sinabi ni Amnon, “Palabasin mo ang lahat ng tao rito!” At lumabas ang lahat ng tao. 10 Pagkatapos, sinabi ni Amnon kay Tamar, “Dalhin mo sa aking silid ang pagkain at subuan mo ako.” Kaya dinala ni Tamar ang pagkain kay Amnon.
11 Pero habang pinapakain niya si Amnon, niyakap siya nito at sinabing magsiping sila.
12 Ngunit tumanggi si Tamar at sinabi, “Huwag mo akong piliting gawin ito! Magkapatid tayo! Huwag mong gawin sa akin ang masamang bagay na ito. Hindi ito dapat mangyari sa Israel. 13 Ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa mga tao? At ikaw, ituturing na pinakadakilang hangal sa buong Israel. Pakiusap, kausapin mo ang hari tungkol dito; nasisiguro kong papayag siyang maging asawa mo ako.”
14 Pero hindi siya pinakinggan ni Amnon at dahil sa mas malakas siya kay Tamar napagsamantalahan niya ito. 15 Pagkatapos ng nangyari, kinasuklaman ni Amnon si Tamar, at ang pagkasuklam niya kay Tamar ay mas matindi pa sa pag-ibig na naramdaman niya rito noong una. Sinabi ni Amnon sa kanya, “Lumabas ka!” 16 Sumagot si Tamar, “Hindi ako lalabas! Mas malaking kasalanan ang ginagawa mong pagtataboy sa akin ngayon kaysa sa ginawa mo sa akin.” Pero hindi siya pinakinggan ni Amnon. 17 Sa halip, ipinatawag niya ang personal niyang lingkod at inutusan, “Palabasin mo ang babaeng ito at isara mo ang pinto.”
18 Kaya pinalabas nga niya si Tamar at isinara ang pinto. Nakasuot noon ng maganda at mahabang damit si Tamar dahil iyon ang isinusuot ng mga dalagang anak ng hari nang panahong iyon. 19 Pero dahil sa sinapit ni Tamar, pinunit niya ang maganda at mahaba niyang damit, at naglagay ng abo sa ulo niya. Pagkatapos, lumakad siyang umiiyak habang nakatakip ang kamay niya sa mukha niya.
27 Kayong lahat ang bumubuo ng katawan ni Cristo, at ang bawat isaʼy parte ng kanyang katawan. 28 At sa katawang ito, na walang iba kundi ang iglesya, naglagay ang Dios ng mga sumusunod: una, mga apostol; pangalawa, mga propeta; pangatlo, mga guro. Naglagay din siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling sa mga may sakit, mga matulungin, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. 29 Alam naman natin na hindi lahat ay apostol; hindi lahat ay propeta o guro. Hindi lahat ay may kapangyarihang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga may sakit, makapagsalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan o magpaliwanag nito. 31 Ngunit sikapin ninyong makamtan ang mas mahalagang mga kaloob. At ngayon ay ituturo ko sa inyo ang pinakamabuti sa lahat.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®