Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
61 Dinggin mo ang aking daing, Oh Dios; pakinggan mo ang aking dalangin.
2 Mula sa wakas ng lupa ay tatawag ako sa iyo, pagka nanglupaypay ang aking puso: patnubayan mo ako sa malaking bato na lalong mataas kay sa akin.
3 Sapagka't ikaw ay naging aking kanlungan, matibay na moog sa kaaway.
4 Ako'y tatahan sa iyong tabernakulo magpakailan man: ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak. (Selah)
5 Sapagka't dininig mo, Oh Dios, ang aking mga panata: ibinigay mo ang mana sa nangatatakot sa iyong pangalan.
6 Iyong pahahabain ang buhay ng hari: Ang kaniyang mga taon ay magiging parang malaong panahon.
7 Siya'y tatahan sa harap ng Dios magpakailan man: Oh maghanda ka ng kagandahang-loob at katotohanan, upang mapalagi siya.
8 Sa gayo'y aawit ako ng pagpuri sa iyong pangalan magpakailan man. Upang maisagawa ko araw-araw ang aking mga panata.
8 At pagkatapos nito ay nangyari na sinaktan ni David ang mga Filisteo at mga pinasuko: at kinuha ni David ang Metheg-amma sa kamay ng mga Filisteo.
2 At kaniyang sinaktan ang Moab, at sinukat niya sila ng tali, na pinahiga sila sa lupa; at kaniyang sinukat ng dalawang tali upang patayin, at ng isang buong tali upang buhayin. At ang mga Moabita ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob.
3 Sinaktan din ni David si Hadadezer na anak ni Rehob, na hari sa Soba, habang siya'y yumayaon upang bawiin ang kaniyang pamumuno sa Ilog.
4 At kinuha ni David sa kaniya ang isang libo at pitong daan na mangangabayo, at dalawang pung libo na naglalakad: at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karo, nguni't sa mga yaon ay nagtaan ng sa isang daang karo.
5 At nang sumaklolo ang mga taga Siria sa Damasco kay Hadadezer na hari sa Soba, ay sinaktan ni David sa mga taga Siria ang dalawang pu't dalawang libong tao.
6 Nang magkagayo'y naglagay si David ng mga pulutong sa Siria sa Damasco: at ang mga taga Siria ay nangaging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At pinapagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumaroon.
7 At kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na nangasa lingkod ni Hadadezer, at dinala sa Jerusalem.
8 At sa Beta at sa Berothai na mga bayan ni Hadadezer, ay kumuha ang haring si David ng lubhang maraming tanso.
9 Nang mabalitaan ni Toi na hari sa Hamath na sinaktan ni David ang buong hukbo ni Hadadezer,
10 Sinugo nga ni Toi si Joram na kaniyang anak sa haring David, upang bumati sa kaniya, at upang purihin siya, sapagka't siya'y nakipagdigma laban kay Hadadezer at sinaktan niya siya: sapagka't si Hadadezer ay nagkaroon ng mga pakikipagbaka kay Toi. At nagdala si Joram ng mga sisidlang pilak, at mga sisidlang ginto, at mga sisidlang tanso;
11 Na itinalaga naman ni David sa Panginoon ang mga ito, na kasama ng pilak at ng ginto na kaniyang itinalaga na mula sa lahat ng mga bansa na kaniyang pinasuko;
12 Sa Siria, at sa Moab, at sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo, at sa Amalec, at sa samsam kay Hadadezer na anak ni Rehob na hari sa Soba.
13 At nabantog si David nang siya'y bumalik na mula sa pagsakit sa mga taga Siria sa Libis na Alat, sa makatuwid baga'y sa labing walong libong lalake.
14 At naglagay siya ng mga pulutong sa Edom; sa buong Edom ay naglagay siya ng mga pulutong, at ang lahat na Idumeo ay nangaging alipin ni David. At pinapagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumaroon.
15 At naghari si David sa buong Israel; at iginawad ni David ang kahatulan at ang katuwiran sa kaniyang buong bayan.
16 At si Joab na anak ni Sarvia ay nasa hukbo; at si Josaphat na anak ni Ahilud ay kasangguni:
17 At si Sadoc na anak ni Ahitub at si Ahimelech na anak ni Abiathar ay mga saserdote; at si Seraia ay kalihim;
18 At si Benahia na anak ni Joiada ay nasa mga Ceretheo at sa mga Peletheo; at ang mga anak ni David ay mga pangulong tagapangasiwa.
17 At mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso, at ipinatawag ang mga matanda sa iglesia.
18 At nang sila'y magsidating sa kaniya, ay sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo, na mula nang unang araw na ako'y tumungtong sa Asia, kung paano ang pakikisama ko sa inyo sa buong panahon,
19 Na ako'y naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapakumbaba ng isip, at ng mga luha, at ng mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagbakay ng mga Judio;
20 Kung paanong hindi ko ikinait na ipahayag sa inyo ang anomang bagay na pakikinabangan, at hayag na itinuro sa inyo, at sa mga bahay-bahay,
21 Na sinasaksihan ko sa mga Judio at gayon din sa mga Griego ang pagsisisi sa Dios, at ang pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo.
22 At ngayon, narito, ako na natatali sa espiritu ay pasasa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon:
23 Maliban na pinatotohanan sa akin ng Espiritu Santo sa bawa't bayan, na sinasabing ang mga tanikala at ang mga kapighatian ay nagsisipagantay sa akin.
24 Datapuwa't hindi ko minamahal ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga, maganap ko lamang ang aking katungkulan, at ang ministeriong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo ng evangelio ng biyaya ng Dios.
25 At ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat, na aking nilibot na pinangaralan ng kaharian, ay hindi na ninyo muling makikita pa ang aking mukha.
26 Kaya nga pinatotohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y malinis sa dugo ng lahat ng mga tao.
27 Sapagka't hindi ko ikinait ang pagsasaysay sa inyo ng buong kapasiyahan ng Dios.
28 Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila'y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo.
29 Aking talastas na pagalis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan;
30 At magsisilitaw sa mga kasamahan din ninyo ang mga taong mangagsasalita ng mga bagay na masasama, upang mangagdala ng mga alagad sa kanilang hulihan.
31 Kaya nga kayo'y mangagpuyat, na alalahaning sa loob ng tatlong taon ay hindi ako naglikat sa gabi at araw ng paalaala sa bawa't isa na may pagluha.
32 At ngayo'y ipinagtatagubilin ko kayo sa Dios, at sa salita ng kaniyang biyaya, na makapagpapatibay, at makapagbibigay sa inyo ng mana sa kasamahan ng lahat na mga pinapaging banal.
33 Hindi ko inimbot ang pilak ninoman, o ang ginto, o ang pananamit.
34 Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay nangaglilingkod sa mga kinakailangan ko, at sa aking mga kasamahan.
35 Nagbigay halimbawa ako sa inyo sa lahat ng mga bagay, na sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong magsisaklolo sa mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya rin ang may sabi, Lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap.
36 At nang makapagsalita na siya ng gayon, ay nanikluhod siya at nanalanging kasama silang lahat.
37 At silang lahat ay nagsipanangis nang di kawasa, at nangagsiyakap sa leeg ni Pablo at siya'y hinagkan nila.
38 Na ikinahahapis ng lalo sa lahat ang salitang sinabi niya, na hindi na nila makikitang muli pa ang kaniyang mukha. At kanilang inihatid siya sa kaniyang paglalakbay hanggang sa daong.
Public Domain