Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 24

24 Ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito; ang sanglibutan, at silang nagsisitahan dito.

Sapagka't itinatag niya sa ibabaw ng mga dagat, at itinatayo sa ibabaw ng mga baha.

Sinong aahon sa bundok ng Panginoon? At sinong tatayo sa kaniyang dakong banal?

Siyang may malinis na mga kamay at may dalisay na puso; na hindi nagmataas ang kaniyang kaluluwa sa walang kabuluhan, at hindi sumumpa na may kabulaanan.

Siya'y tatanggap ng pagpapala sa Panginoon, at ng katuwiran sa Dios ng kaniyang kaligtasan.

Ito ang lahi ng mga nagsisihanap sa kaniya, na nagsisihanap ng iyong mukha, sa makatuwid baga'y Jacob. (Selah)

Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan; at kayo'y mangataas, kayong mga walang hanggang pintuan: at ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.

Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Ang Panginoong malakas at makapangyarihan, ang Panginoong makapangyarihan sa pagbabaka.

Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan; Oo, magsitaas kayo, kayong mga walang hanggang pintuan: at ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.

10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian? Ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang Hari ng kaluwalhatian. (Selah)

Exodo 37:1-16

37 At kahoy na akasia ang ginawang kaban ni Bezaleel: na may dalawang siko't kalahati ang haba niyaon, at may isang siko't kalahati ang luwang niyaon, at may isang siko't kalahati ang taas niyaon:

At kaniyang binalot ng taganas na ginto sa loob at sa labas, at iginawa ng isang kornisang ginto sa palibot.

At ipinagbubo niya ng apat na argolyang ginto, sa apat na sulok niyaon; sa makatuwid baga'y dalawang argolya sa isang tagiliran.

At siya'y gumawa ng mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng ginto.

At isinuot ang mga pingga sa mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban.

At gumawa siya ng isang luklukan ng awa na taganas na ginto: na may dalawang siko at kalahati ang haba, at may isang siko't kalahati ang luwang.

At siya'y gumawa ng dalawang querubing ginto; na niyari niya sa pamukpok sa dalawang dulo ng luklukan ng awa;

Isang querubin sa isang dulo, at isang querubin sa kabilang dulo: na kaputol ng luklukan ng awa, ginawa niya ang mga querubin sa dalawang dulo.

At ibinubuka ng mga querubin ang mga pakpak na paitaas, na nalililiman ng kanilang mga pakpak ang luklukan ng awa, na nagkakaharap ang kanilang mga mukha; sa dakong luklukan ng awa nakaharap ang mga mukha ng mga querubin.

10 At ginawa rin niya ang dulang na kahoy na akasia; na may dalawang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, at isang siko't kalahati ang taas niyaon:

11 At binalot niya ng taganas na ginto, at iginawa niya ng isang kornisang ginto sa palibot.

12 At iginawa niya ng isang gilid na may isang kamay ang luwang sa palibot, at iginawa ng isang ginintong kornisa ang gilid sa palibot.

13 At ipinagbubo ng apat na argolyang ginto, at inilagay ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyaon.

14 Malapit sa gilid ang mga argolya, na daraanan ng mga pingga, upang mabuhat ang dulang.

15 At ginawa niya ang mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng ginto, upang mabuhat ang dulang.

16 At ginawa niyang taganas na ginto ang mga kasangkapang nasa ibabaw ng dulang, ang mga pinggan niyaon, at ang mga kutsara niyaon, at ang mga tasa niyaon, at ang mga kopa niyaon, na pagbubuhusan.

Colosas 4:2-18

Manatili kayong palagi sa pananalangin, na kayo'y mangagpuyat na may pagpapasalamat;

Na tuloy idalangin din ninyo kami, na buksan sa amin ng Dios ang pinto sa salita, upang aming salitain ang hiwaga ni Cristo, na dahil din dito'y may mga tanikala ako;

Upang ito'y aking maihayag, gaya ng aking nararapat na salitain.

Magsilakad kayo na may karunungan sa nangasa labas, na inyong samantalahin ang panahon.

Ang inyong pananalita nawa'y laging may biyaya, na magkalasang asin, upang inyong maalaman kung ano ang nararapat ninyong isagot sa bawa't isa.

Ang lahat na mga bagay ukol sa akin ay ipatatalastas sa inyo ni Tiquico, na minamahal na kapatid at tapat na ministro, at kasamang lingkod sa Panginoon:

Na siyang aking sinugo sa inyo sa bagay na ito, upang maalaman ninyo ang aming kalagayan, at upang kaniyang aliwin ang inyong mga puso;

Na kasama ni Onesimo, tapat at minamahal na kapatid, na siya'y isa sa inyo. Sila ang magpapatalastas sa inyo ng lahat ng mga bagay na nangyayari dini.

10 Binabati kayo ni Aristarco na kasama ko sa bilangguan, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe (tungkol sa kaniya'y tinanggap na ninyo ang mga utos: kung paririyan siya sa inyo, ay inyong tanggapin),

11 At si Jesus na tinatawag na Justo, na pawang sa pagtutuli: ang mga ito lamang ang aking kamanggagawa sa kaharian ng Dios, mga taong naging kaaliwan ko.

12 Binabati kayo ni Epafras, na isa sa inyo, na lingkod ni Cristo Jesus, na siyang laging nagsisikap dahil sa inyo sa kaniyang pananalangin, upang kayo'y magsitatag na mga sakdal at lubos na tiwasay sa lahat na kalooban ng Dios.

13 Sapagka't siya'y binibigyan kong patotoo na siya'y totoong nagpapagal sa inyo, at sa nangasa Laodicea, at sa nangasa Hierapolis.

14 Binabati kayo ni Lucas, ang minamahal na manggagamot, at ni Demas.

15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nangasa Laodicea, at si Nimfas, at ang iglesiang nasa kanilang bahay.

16 At pagkabasa ng sulat na ito sa inyo, ay ipabasa naman ninyo sa iglesia ng mga taga Laodicea; at basahin naman ninyo ang sulat na mula sa Laodicea.

17 At sabihin ninyo kay Arquipo, Ingatan mong tuparin ang ministerio na tinanggap mo sa Panginoon.

18 Ang bating sinulat ng aking sariling kamay, akong si Pablo. Alalahanin ninyo ang aking mga tanikala. Ang biyaya'y sumasainyo nawa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain