Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
135 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang pangalan ng Panginoon,
magpuri kayo, mga lingkod ng Panginoon,
2 kayong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon,
sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos!
3 Purihin ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon ay mabuti;
umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig.
4 Sapagkat pinili ng Panginoon si Jacob para sa kanyang sarili,
ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari.
5 Sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila,
at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos.
6 Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan,
sa langit at sa lupa,
sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
7 Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig,
na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan
at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig.
8 Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto,
sa hayop at sa tao;
9 siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan,
ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan
laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod;
10 na siyang sa maraming bansa ay gumapi,
at pumatay sa mga makapangyarihang hari,
11 kay Sihon na hari ng mga Amorita,
at kay Og na hari sa Basan,
at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan,
12 at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain,
isang pamana sa kanyang bayang Israel.
13 Ang iyong pangalan, O Panginoon, ay magpakailanman,
ang iyong alaala, O Panginoon, ay sa lahat ng salinlahi.
14 Sapagkat hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan.
15 Ang(A) mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto,
na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita;
mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita;
17 sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig.
18 Maging kagaya sila
ng mga gumawa sa kanila—
oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila!
19 O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon!
O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon!
20 O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
Kayong natatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon!
21 Purihin ang Panginoon mula sa Zion,
siya na tumatahan sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Si Daniel sa Yungib ng mga Leon
6 Minabuti ni Dario na magtalaga sa kaharian ng isandaan at dalawampung satrap, na mamamahala sa buong kaharian.
2 Ang namumuno sa kanila'y tatlong pangulo, na isa sa kanila ay si Daniel. Ang mga tagapamahalang ito ay magbibigay-sulit sa kanila upang ang hari ay huwag malagay sa panganib.
3 Hindi nagtagal, si Daniel ay nangibabaw sa lahat ng ibang mga pangulo at sa mga satrap, sapagkat taglay niya ang isang di-pangkaraniwang espiritu; at pinanukala ng hari na italaga siya upang mamuno sa buong kaharian.
4 Nang magkagayo'y sinikap ng mga pangulo at ng mga tagapamahala na makakita ng batayan upang makapagsumbong laban kay Daniel tungkol sa kaharian. Ngunit hindi sila makakita ng anumang batayan upang makapagsumbong o anumang pagkukulang sapagkat tapat siya, at walang kamalian ni pagkukulang na natagpuan sa kanya.
5 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, “Hindi tayo makakatagpo ng anumang batayan na maisusumbong laban sa Daniel na ito, malibang ito'y ating matagpuan na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.”
6 Kaya't ang mga pangulo at mga tagapamahalang ito ay dumating na magkakasama sa hari, at sinabi sa kanya, “O Haring Dario, mabuhay ka magpakailanman!
7 Lahat ng mga pangulo ng kaharian, mga kinatawan, mga tagapamahala, mga tagapayo, at ang mga gobernador, ay nagkasundo na ang hari ay dapat gumawa ng isang batas at magpatupad ng isang pagbabawal, na sinumang manalangin sa sinumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari ay ihahagis sa yungib ng mga leon.
8 Ngayon, O hari, pagtibayin mo ang pagbabawal, at lagdaan mo ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia na hindi maaaring pawalang-bisa.”
9 Kaya't nilagdaan ni Haring Dario ang kasulatan at ang pagbabawal.
10 Nang malaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan na, siya'y pumasok sa kanyang bahay na ang mga bintana ay bukas paharap sa Jerusalem. At siya'y nagpatuloy na lumuhod ng tatlong ulit sa loob ng isang araw, na nananalangin, at nagpapasalamat sa harap ng kanyang Diyos, gaya nang kanyang dating ginagawa.
11 Nang magkagayo'y nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito at natagpuan si Daniel na nananalangin at sumasamo sa kanyang Diyos.
12 Kaya't lumapit sila at nagsalita sa harapan ng hari tungkol sa ipinagbabawal ng hari, “O hari! Hindi ba lumagda ka ng isang pagbabawal, na sinumang tao na humingi sa kanino mang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon?” Ang hari ay sumagot, “Ang pagbabawal ay matatag, ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia, na hindi maaaring pawalang-bisa.”
13 Nang magkagayo'y sumagot sila sa hari, “Ang Daniel na iyon na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi nakikinig sa iyo, O hari, maging ang pagbabawal man na iyong nilagdaan, kundi nananalangin ng tatlong ulit sa loob ng isang araw.”
14 Nang marinig ng hari ang mga salitang ito, siya ay lubhang nabahala. Ipinasiya niyang iligtas si Daniel, at hanggang sa paglubog ng araw ay kanyang pinagsikapang iligtas siya.
15 At nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito sa hari at sinabi sa kanya, “Alalahanin mo, O hari, na isang batas ng mga taga-Media at ng mga taga-Persia na walang pagbabawal o utos man na pinagtibay ng hari ang maaaring baguhin.”
16 Nang magkagayo'y nag-utos ang hari, at dinala si Daniel at inihagis sa yungib ng mga leon. Nagsalita ang hari at sinabi kay Daniel, “Ang iyo nawang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ang siyang magligtas sa iyo!”
17 Dinala ang isang bato at inilagay sa bunganga ng yungib, at tinatakan ng hari ng kanyang sariling pantatak at ng pantatak ng kanyang mga maharlika upang walang anumang bagay na mabago tungkol kay Daniel.
18 Umuwi ang hari sa kanyang palasyo, at pinalipas ang buong magdamag na nag-aayuno. Walang libangang dinala sa kanya at ayaw siyang dalawin ng antok.
19 Nang mag-uumaga na, ang hari ay bumangon at nagmamadaling pumunta sa yungib ng mga leon.
20 Nang siya'y mapalapit sa yungib na kinaroroonan ni Daniel, siya'y sumigaw na may pagdadalamhati at sinabi kay Daniel, “O Daniel, lingkod ng buháy na Diyos, ang iyo bang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ay nakapagligtas sa iyo sa mga leon?”
21 Sinabi naman ni Daniel sa hari, “O hari, mabuhay ka magpakailanman!
22 Isinugo ng aking Diyos ang kanyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon. Hindi nila ako sinaktan sapagkat ako'y natagpuang walang sala sa harap niya at gayundin sa harapan mo. O hari, wala akong ginawang kasalanan.”
23 Nang magkagayo'y tuwang-tuwa ang hari, at ipinag-utos na kanilang iahon si Daniel mula sa yungib. Kaya't iniahon si Daniel mula sa yungib, at walang anumang sugat na natagpuan sa kanya sapagkat siya'y nagtiwala sa kanyang Diyos.
24 Ang hari ay nag-utos, at ang mga lalaking nagparatang kay Daniel ay kanilang hinuli at sila'y inihagis sa yungib ng mga leon—sila, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa. Hindi pa man sila umaabot sa ibaba ng yungib, ang mga leon ay nanaig sa kanila, at pinagputul-putol ang lahat nilang mga buto.
25 Nang magkagayo'y sumulat ang haring si Dario sa lahat ng mga bayan, bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: “Kapayapaa'y sumagana sa inyo.
26 Ako'y nag-uutos na sa lahat ng sakop ng aking kaharian, ang mga tao ay dapat manginig at matakot sa Diyos ni Daniel:
Sapagkat siya ang buháy na Diyos,
at nananatili magpakailanman.
Ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak,
at ang kanyang kapangyarihan ay walang katapusan.
27 Siya'y nagliligtas at nagpapalaya,
siya'y gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa,
sapagkat iniligtas niya si Daniel
mula sa kapangyarihan ng mga leon.”
28 Kaya't ang Daniel na ito ay umunlad sa panahon ng paghahari ni Dario, at sa paghahari ni Ciro na taga-Persia.
12 Mga munting anak, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat ipinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan.
13 Mga ama, kayo'y sinusulatan ko,
sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula.
Mga kabataang lalaki, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong dinaig ang masama.
14 Mga anak, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong nakilala ang Ama.
Mga ama, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula.
Mga kabataan, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat kayo'y malalakas,
at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo, at inyong dinaig ang masama.
15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang pag-ibig ng Ama ay wala sa sinumang umiibig sa sanlibutan.
16 Sapagkat ang lahat na nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay, ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan.
17 Ang sanlibutan at ang pagnanasa nito ay lumilipas, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001