Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pasasalamat dahil sa Tagumpay
118 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sabihin ngayon ng Israel,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
14 Ang(A) Panginoon ay aking awit at kalakasan,
at siya'y naging aking kaligtasan.
15 Ang tunog ng masayang sigawan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid:
“Ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan,
16 ang kanang kamay ng Panginoon ay parangalan,
ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan!”
17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay,
at ang mga gawa ng Panginoon ay isasalaysay.
18 Pinarusahan akong mabuti ng Panginoon;
ngunit hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.
19 Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran;
upang ako'y makapasok doon
at makapagpasalamat sa Panginoon.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon;
ang matuwid ay papasok doon.
21 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat sinagot mo ako
at ikaw ay naging kaligtasan ko.
22 Ang(B) (C) batong itinakuwil ng mga nagtayo,
ay naging panulok na bato.
23 Ito ang gawa ng Panginoon;
ito ay kagila-gilalas sa ating mga mata.
24 Ito ang araw na ang Panginoon ang gumawa,
tayo'y magalak at matuwa.
20 Sinabi ng Diyos, “Hayaang bumukal mula sa tubig ang maraming nilalang na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa ibabaw ng lupa sa kalawakan ng langit.”
21 Kaya't nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat at ang bawat nilalang na may buhay na gumagalaw na ibinukal ng tubig ayon sa kanya-kanyang uri at ang lahat ng ibong may pakpak, ayon sa kanya-kanyang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
22 At sila'y binasbasan ng Diyos, “Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami at inyong punuin ang tubig sa mga dagat, at magpakarami ang mga ibon sa lupa.”
23 Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikalimang araw.
24 Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ang lupa ng mga buháy na nilalang, ayon sa kanya-kanyang uri: ng mga hayop at mga nilalang na gumagapang, at ng maiilap na hayop sa lupa ayon sa kanya-kanyang uri.” At ito ay nangyari.
25 Nilikha ng Diyos ang maiilap na hayop sa lupa ayon sa kani-kanilang uri, at maaamong hayop ayon sa kani-kanilang uri, at ang bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanilang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
26 Sinabi(A) ng Diyos, “Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis; at magkaroon sila ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, sa mga hayop, sa buong lupa, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa.”
27 Kaya't(B) (C) nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang. Sila'y kanyang nilalang na lalaki at babae.
28 Sila'y binasbasan ng Diyos at sa kanila'y sinabi ng Diyos, “Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at supilin ninyo ito. Magkaroon kayo ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawat bagay na may buhay na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.”
29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat halaman na nagkakabinhi na nasa ibabaw ng lupa, at ang bawat punungkahoy na may binhi sa loob ng bunga; ang mga ito ay magiging pagkain ninyo.
30 Sa bawat mailap na hayop sa lupa, at sa bawat ibon sa himpapawid, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa, sa bawat bagay na may hininga ng buhay ay ibinigay ko ang lahat ng halamang luntian bilang pagkain.” At ito ay nangyari.
31 Nakita ng Diyos ang lahat ng kanyang nilikha at ito ay napakabuti. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikaanim na araw.
2 Nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat ng mga bagay sa mga iyon.
2 Nang(D)(E) ikapitong araw ay natapos ng Diyos ang gawain na kanyang ginawa, at nagpahinga siya nang ikapitong araw mula sa lahat ng gawaing kanyang ginawa.
3 At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kanyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng gawain na kanyang ginawa.
4 Ito ang kasaysayan tungkol sa langit at lupa, sa araw na likhain ng Panginoong Diyos ang langit at lupa.
50 Mga kapatid, sinasabi ko ito: ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos; ni ang may pagkasira ay magmamana ng walang pagkasira.
51 Makinig(A) kayo, sasabihin ko sa inyo ang isang hiwaga. Hindi tayong lahat ay mamamatay, ngunit tayong lahat ay babaguhin,
52 sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta, sapagkat ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira at tayo'y babaguhin.
53 Sapagkat kailangan na itong may pagkasira ay magbihis ng walang pagkasira, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.
54 Subalit(B) kapag itong may pagkasira ay mabihisan ng walang pagkasira at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat,
“Ang kamatayan ay nilamon sa pagtatagumpay.”
55 “O(C) kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay?
O kamatayan, nasaan ang iyong tibo?”
56 Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.
57 Subalit salamat sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
58 Kaya, mga kapatid kong minamahal, kayo'y maging matatag, hindi nakikilos, na laging sagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001