Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
IKALIMANG AKLAT
107 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat magpakailanman ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili.
2 Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
na kanyang tinubos mula sa kamay ng kaaway,
3 at tinipon mula sa mga lupain,
mula sa silangan at mula sa kanluran,
mula sa hilaga at mula sa timugan.
17 Mga mangmang dahil sa daan ng kanilang mga kasalanan,
at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nagdanas ng kahirapan;
18 ang anumang uri ng pagkain ay kinasuklaman ng kanilang kaluluwa,
at sila'y nagsilapit sa mga pintuan ng kamatayan.
19 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
20 Sinugo niya ang kanyang salita, at pinagaling sila,
iniligtas niya sila sa kapahamakan.
21 Purihin nawa nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
22 At maghandog nawa sila ng mga alay na pasasalamat,
at ipahayag ang kanyang mga gawa na may awit ng kagalakan.
5 At akong si Daniel ay tumingin, at narito, dalawang iba pa ang lumitaw, ang isa'y sa pampang na ito ng ilog, at ang isa'y sa kabilang pampang ng ilog.
6 Sinabi ko sa lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig ng ilog, “Hanggang kailan ang wakas ng mga kababalaghang ito?”
7 Ang(A) lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig ng ilog ay nagtaas ng kanyang kanan at kaliwang kamay sa langit. Narinig ko siyang sumumpa sa pamamagitan niya na nabubuhay magpakailanman na iyon ay isang panahon, mga panahon, at kalahati ng isang panahon. At kapag ang pagwasak sa kapangyarihan ng banal na sambayanan ay magwakas na, ang lahat ng ito ay matatapos.
8 Narinig ko, ngunit hindi ko naunawaan. Kaya't sinabi ko, “O panginoon ko, ano ang magiging wakas ng mga bagay na ito?”
9 Sinabi niya, “Humayo ka sa iyong lakad, Daniel; sapagkat ang mga salita ay mananatiling lihim at natatakan hanggang sa panahon ng wakas.
10 Marami(B) ang dadalisayin, lilinisin, at papuputiin, ngunit ang masasama ay magpapatuloy sa paggawa ng kasamaan. Walang sinuman sa masasama ang makakaunawa; ngunit ang mga pantas ay makakaunawa.
11 Mula(C) sa panahon na ang patuloy na handog na sinusunog ay alisin, at maitayo ang kasuklamsuklam ng pagkawasak, ay isang libo't dalawandaan at siyamnapung araw.
12 Mapalad ang naghihintay, at makaabot sa isang libo at tatlong daan at tatlumpu't limang araw.
13 Ngunit humayo ka sa iyong lakad hanggang sa katapusan; at ikaw ay magpapahinga at tatayo para sa iyong gantimpala sa katapusan ng mga araw.”
7 Sa(A) kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya,
8 na pinasagana niya sa atin sa lahat ng karunungan at pagkaunawa,
9 na ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo,
10 bilang katiwala ng kaganapan ng panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa;
11 sa kanya ay tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban;
12 upang tayo na unang umasa kay Cristo ay mabuhay upang purihin ang kanyang kaluwalhatian.
13 Sa kanya'y kayo rin naman, na nakarinig ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at kayo na sumampalataya sa kanya, ay tinatakan ng ipinangakong Espiritu Santo.
14 Siya ang katibayan ng ating mana, hanggang sa ikatutubos ng pag-aari, sa ikapupuri ng kanyang kaluwalhatian.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001