Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kagalakan sa Panahon ng Kahirapan
77 Tumawag ako nang malakas sa Dios.
Tumawag ako sa kanya upang akoʼy kanyang mapakinggan.
2 Sa panahon ng kahirapan, nananalangin ako sa Panginoon.
Pagsapit ng gabi nananalangin akong nakataas ang aking mga kamay, at hindi ako napapagod,
ngunit wala pa rin akong kaaliwan.
3 Kapag naaalala ko ang Dios,
napapadaing ako at para bang nawawalan na ng pag-asa.
4 Hindi niya ako pinatutulog,
hindi ko na alam ang aking sasabihin, dahil balisang-balisa ako.
5 Naaalala ko ang mga araw at taong lumipas.
6 Naaalala ko ang mga panahong umaawit ako[a] sa gabi.
Nagbubulay-bulay ako at tinatanong ang aking sarili:
7 “Habang buhay na ba akong itatakwil ng Panginoon?
Hindi na ba siya malulugod sa akin?
8 Nawala na ba talaga ang pag-ibig niya para sa akin?
Ang kanyang pangako ba ay hindi na niya tutuparin?
9 Nakalimutan na ba niyang maging maawain?
Dahil ba sa kanyang galit kaya nawala na ang kanyang habag?”
10 At sinabi ko, “Ang pinakamasakit para sa akin ay ang malamang hindi na tumutulong ang Kataas-taasang Dios.”
11 Panginoon, aalalahanin ko ang inyong mga gawa.
Gugunitain ko ang mga himalang ginawa nʼyo noon.
12 Iisipin ko at pagbubulay-bulayan ang lahat ng inyong mga dakilang gawa.
13 O Dios, ibang-iba ang inyong mga pamamaraan.
Wala nang ibang Dios na kasindakila ninyo.
14 Kayo ang Dios na gumagawa ng mga himala.
Ipinapakita nʼyo sa mga tao ang inyong kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan iniligtas nʼyo ang inyong mga mamamayan na mula sa lahi nina Jacob at Jose.
16 Ang mga tubig, O Dios ay naging parang mga taong natakot at nanginig nang makita kayo.
17 Mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan,
kumulog sa langit at kumidlat kung saan-saan.
18 Narinig ang kulog mula sa napakalakas na hangin;
ang mga kidlat ay nagbigay-liwanag sa mundo, at nayanig ang buong daigdig.
19 Tinawid nʼyo ang karagatang may malalaking alon,
ngunit kahit mga bakas ng paa nʼyo ay hindi nakita.
20 Sa pamamagitan nina Moises at Aaron,
pinatnubayan nʼyo ang inyong mga mamamayan na parang mga tupa.
8 “Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Dios. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalagayan. 9 Sapagkat gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain o bilangin. 10 Nagpapadala siya ng ulan sa mundo at pinatutubigan niya ang mga bukirin. 11 Itinataas niya ang mga nagpapakumbaba at kinakalinga ang mga nagdadalamhati. 12 Sinisira niya ang plano ng mga mandaraya, para hindi sila magtagumpay. 13 Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan, at hinahadlangan ang plano ng mga mandaraya. 14 Hindi sila nakakakita kahit maliwanag, at nangangapa sila na parang gabi kahit na katanghalian. 15 Inililigtas ng Dios ang mga dukha mula sa kamatayan at sa mga taong makapangyarihan na umaapi sa kanila. 16 Kaya may pag-asa ang mga dukha, pero ang masasama ay kanyang sinasaway.
17 “Mapalad ang taong itinutuwid ng Dios ang pag-uugali. Kaya huwag mong mamasamain ang pagtutuwid ng Makapangyarihang Dios sa iyo. 18 Sapagkat ang kanyang mga sinusugatan ay kanya ring ginagamot, at ang kanyang sinasaktan ay kanya ring pinagagaling. 19 Palagi ka niyang ililigtas sa mga salot at panganib. 20 Ililigtas ka niya sa kamatayan sa panahon ng taggutom at digmaan. 21 Iingatan ka niya kung sisiraan ka ng iba, at wala kang katatakutan kung dumating man ang kapahamakan. 22 Ang taggutom at kapahamakan ay iyong tatawanan at hindi ka matatakot sa mababangis na hayop, 23 sapagkat hindi ka gagalawin ng mga ito. At hindi ka na mahihirapang magtanim sa bukid mong mabato. 24 Mamumuhay ng payapa ang sambahayan mo at walang mawawala sa iyong mga hayop. 25 Dadami ang iyong angkan na parang kasindami ng mga damo sa lupa. 26 Hahaba ang buhay mo at hindi ka mamamatay nang hindi sa tamang panahon.[a] 27 Ayon sa aming nalaman at naranasan, napatunayan namin na talagang totoo ang lahat ng ito. Kaya dinggin mo ito at isabuhay para sa ikabubuti mo.”
Magmahalan Kayong Lahat
8 Ngayon, narito ang ilan ko pang bilin sa inyong lahat: Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan. Magmahalan kayo bilang magkakapatid. Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isaʼt isa. 9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, at huwag din ninyong gantihan ng pang-iinsulto ang mga nang-iinsulto sa inyo. Ang dapat ninyong gawin ay manalangin na kaawaan sila ng Dios, dahil pinili kayo ng Dios na gawin ito, at para kaawaan din niya kayo. 10 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,
“Ang sinumang nagnanais ng maligaya at masaganang pamumuhay ay hindi dapat magsalita ng masama at kasinungalingan.
11 Dapat lumayo siya sa masama at gawin ang mabuti.
Pagsikapan niyang kamtin ang kapayapaan.
12 Sapagkat iniingatan ng Panginoon ang matuwid, at sinasagot niya ang mga panalangin nila,
ngunit galit siya sa mga gumagawa ng masama.”[a]
13 Sino ang gagawa ng masama sa inyo kung laging mabuti ang ginagawa nʼyo? 14 Pero kung usigin kayo dahil sa kabutihang ginagawa nʼyo, mapalad kayo. Huwag kayong matakot o mag-alala sa ano mang gawin nila sa inyo. 15 Alalahanin nʼyo na si Cristo ang dapat ninyong parangalan at sundin. Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo. 16 At maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagsagot. Tiyakin ninyong laging malinis ang inyong konsensya, para mapahiya ang mga taong minamasama ang mabubuti ninyong gawa bilang mga tagasunod ni Cristo. 17 Mas mabuti pang magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti, kung ito talaga ang kalooban ng Dios, kaysa sa magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo ngaʼy pinatay kahit wala siyang nagawang masama. At minsan lang siya namatay para mapatawad ang mga kasalanan natin. Siya na walang kasalanan ay pinatay alang-alang sa atin na mga makasalanan, para madala niya tayo sa Dios. Pinatay siya sa laman pero binuhay siya sa espiritu.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®