Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 25:1-10

Dalangin para Ingatan at Patnubayan

25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
    Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
    at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
    ngunit mapapahiya ang mga traydor.

Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
    ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
    Kayo ang lagi kong inaasahan.
Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
    na inyong ipinakita mula pa noong una.
Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
    alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
    mula pa noong aking pagkabata.

Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
    kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
    Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10 Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan.

Daniel 9:15-25

15 “Panginoon naming Dios, ipinakita nʼyo ang inyong kapangyarihan noong pinalaya ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto, at dahil dito ay naging tanyag kayo hanggang ngayon. Inaamin namin na kami ay nagkasala at gumawa ng kasamaan. 16 Kaya, Panginoon, ayon sa inyong ginagawang matuwid, nakikiusap ako na alisin nʼyo na ang inyong galit sa Jerusalem, ang inyong lungsod at banal[a] na bundok. Dahil sa aming kasalanan at sa kasalanan ng aming mga ninuno, hinamak kami at ang Jerusalem ng mga taong nakapaligid sa amin.

17 “Kaya ngayon, O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panalangin at pagsamo. Alang-alang sa inyong pangalan, muli nʼyong itayo ang inyong templong[b] nagiba at napabayaan. 18 O Dios, pakinggan nʼyo ako. Tingnan nʼyo ang nakakawa naming kalagayan at ang wasak nʼyong bayan, kung saan kinikilala ang iyong pangalan. Hindi kami dumadalangin sa dahilang kami ay matuwid, kundi dahil sa alam naming kayo ay mahabagin. 19 Panginoon, dinggin nʼyo po kami at patawarin. Tulungan nʼyo kami agad alang-alang sa inyong pangalan, dahil kayo ay kinikilalang Dios sa inyong bayan at ng inyong mga mamamayan.”

Ipinaliwanag ni Gabriel ang Kahulugan ng Pangitain

20 Patuloy akong nananalangin at sinasabi ang aking kasalanan at ang kasalanan ng aking mga kababayang Israelita. Nagmakaawa ako sa Panginoon kong Dios alang-alang sa kanyang banal na bundok. 21 At habang nananalangin ako, mabilis na lumipad papunta sa akin si Gabriel na nakita ko noon sa aking pangitain. Oras iyon ng panghapong paghahandog.[c] 22 Pinaunawa niya sa akin at sinabi, “Daniel, naparito ako para ipaliwanag sa iyo ang tungkol sa pangitain. 23 Sa simula pa lamang ng iyong panalangin ay may ipinahayag na ang Dios, kung kayaʼt akoʼy pumarito para sabihin sa iyo, dahil mahal ka ng Dios. Kaya makinig ka at unawain ang sasabihin ko sa iyo.

24 “490 taon[d] ang itinakda ng Dios sa banal na lungsod at sa mga kababayan mo para tigilan nila ang pagrerebelde sa Dios, para mapatawad ang kanilang kasalanan, para mapairal ng Dios ang walang hanggang katuwiran, para matupad ang pangitain at propesiya, at para maihandog na muli ang templo sa Dios.

25 “Dapat mong malaman at maintindihan na mula sa panahong iniutos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Dios ay lilipas muna ang 49 na taon.[e] At sa loob ng 434 na taon[f] ay muling itatayo ang Jerusalem na may mga plasa at tanggulan. Magiging magulo sa panahong iyon.

2 Timoteo 4:1-5

Inaatasan kita sa presensya ng Dios at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at mga patay, at muling babalik at maghahari: Maging handa ka sa pangangaral ng Salita ng Dios sa anumang panahon. Ilantad mo ang mga maling aral; pagsabihan ang mga tao sa mga mali nilang gawain, at patatagin ang pananampalataya nila sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahon na ayaw nang makinig ng mga tao sa tamang aral. Sa halip, hahanap sila ng mga gurong magtuturo lamang ng gusto nilang marinig para masunod nila ang kanilang layaw. Hindi na nila pakikinggan ang katotohanan at babaling sila sa mga aral na gawa-gawa lang ng tao. Ngunit ikaw, maging mapagpigil ka sa lahat ng oras; magtiis ka sa mga paghihirap. Gawin mo ang tungkulin mo bilang tagapangaral ng Magandang Balita, at tuparin mo ang mga tungkulin mo bilang lingkod ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®