Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
8 Lumipas(A) ang panahon at nagkaroon ang Egipto ng ibang hari na hindi nakakakilala kay Jose. 9 Sinabi niya sa kanyang mga kababayan, “Nanganganib tayo sa mga Israelita. Sila'y patuloy na dumarami at lumalakas kaysa atin. 10 Kailangang(B) gumawa tayo ng paraan upang mapigil ang kanilang pagdami. Baka salakayin tayo ng ating mga kaaway at kumampi pa sila sa mga ito, at pagkatapos ay tumakas sa[a] ating lupain.” 11 Kaya't naglagay sila ng mababagsik na tagapangasiwa upang pahirapan ang mga Israelita; ipinagawa ng Faraon sa mga ito ang mga Lunsod ng Pitom at Rameses, mga lunsod na imbakan ng mga pagkain at kagamitan. 12 Ngunit habang inaapi, ang mga ito ay lalo namang dumarami at naninirahan ang mga Israelita sa iba't ibang bayan kaya't sila'y kinatakutan ng mga Egipcio. 13 Dahil dito, ang mga Israelita'y lalong walang awang 14 pinahirapan ng mga Egipcio sa paggawa ng tisa at ng iba't ibang mabibigat na gawaing bukid.
15 Isang araw, ipinatawag ng Faraon sina Sifra at Pua, ang mga komadronang Hebreo at sinabihan nang ganito: 16 “Sa pagpapaanak ninyo sa mga Hebrea, patayin ninyo kung lalaki ang sanggol, at hayaan ninyong mabuhay kung babae.” 17 Ngunit dahil sa takot nila sa Diyos, hindi sinunod ng mga komadrona ang utos ng hari; hindi nila pinapatay ang mga sanggol na lalaki. 18 Dahil dito'y ipinatawag sila ng hari at tinanong, “Bakit hindi ninyo pinapatay ang mga sanggol na lalaking isinisilang ng mga Hebrea?”
19 “Mangyari po, iba ang mga Hebrea sa mga Egipcia. Madali po silang manganak kaya naisilang na ang sanggol pagdating namin,” sagot nila. 20 Kaya't patuloy na dumami at lumakas ang mga Israelita. Ang mga komadrona naman ay kinalugdan ng Diyos. 21 Sila'y pinagkalooban niya ng mga sariling pamilya. 22 Iniutos(C) naman ng Faraon sa lahat ng kanyang nasasakupan na itapon sa Ilog Nilo ang lahat ng lalaking isisilang ng mga Hebrea at hayaan namang mabuhay ang mga babae.
Ang Pagliligtas kay Moises
2 May mag-asawang buhat sa lipi ni Levi 2 na(D) nagkaanak ng isang lalaki. Napakaganda ng bata kaya't tatlong buwan itong itinago ng ina. 3 Nang hindi na siya maaaring itago pa, kumuha ang kanyang ina ng isang basket na yari sa tangkay ng tambo at pinahiran ng alkitran upang hindi pasukin ng tubig. Pagkatapos, inilagay niya rito ang sanggol at inilagay sa talahiban sa may pampang ng ilog. 4 Ang kapatid na babae naman ng sanggol ay tumayo sa di kalayuan upang tingnan kung ano ang mangyayari.
5 Maliligo noon sa ilog ang anak na babae ng Faraon. Natanaw niya ang basket kaya't ito'y ipinakuha niya sa isa sa kanyang mga katulong na naglalakad-lakad naman sa tabing ilog. 6 Nang maiabot sa kanya ang basket, inalis niya ang takip nito at nakita ang batang umiiyak. Naawa siya at kanyang nasabi, “Ito'y anak ng isang Hebrea.”
7 Ang kapatid naman ng bata ay lumapit sa prinsesa at kanyang sinabi, “Kung gusto po ninyo, ihahanap ko kayo ng isang Hebreang mag-aalaga sa sanggol na iyan.”
8 “Sige, ihanap mo ako,” sagot ng prinsesa. Umalis ang batang babae at tinawag ang mismong ina ng bata. 9 Nang dumating ito, sinabi ng prinsesa, “Alagaan mo ang sanggol na ito at uupahan kita.” Kinuha ng ina ang sanggol at inalagaan. 10 Nang(E) malaki na ang bata, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa, at siya'y itinuring na anak nito. Sinabi niya, “Iniahon ko siya sa tubig, kaya Moises[b] ang ipapangalan ko sa kanya.”
Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
2 “Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
3 maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
4 Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
5 sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.
6 Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
7 Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
8 Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.
Pamumuhay Cristiano
12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba[a] ninyo sa Diyos. 2 Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. 4 Kung(A) paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at magkakaiba ang gawain ng mga ito, 5 gayundin naman, kahit na tayo'y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa't isa. 6 Tumanggap(B) tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. 7 Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. 8 Magpalakas ng loob ang may kaloob sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
13 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” 14 At(B) sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta.” 15 Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” 16 Sumagot(C) si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro,[a] at sa ibabaw ng batong[b] ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay(D) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit.” 20 At mahigpit niyang iniutos sa kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya nga ang Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.