Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 32:22-31

Nakipagbuno si Jacob sa Peniel

22 Nang gabi ring iyon, gumising si Jacob at itinawid sa Ilog Jabok ang dalawa niyang asawa, labing-isang anak at dalawang asawang-lingkod. 23 Pagkatapos(A) maitawid ang lahat niyang ari-arian, 24 naiwang(B) mag-isa si Jacob.

Doon, nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa pagbubukang-liwayway. 25 Nang maramdaman ng lalaki na hindi niya madadaig si Jacob, hinampas niya ito sa balakang at ang buto nito'y nalinsad. 26 Sinabi ng lalaki, “Bitiwan mo na ako at magbubukang-liwayway na!”

“Hindi kita bibitiwan hangga't hindi mo ako binabasbasan,” wika ni Jacob. 27 Tinanong ng lalaki kung sino siya, at sinabi niyang siya'y si Jacob.

28 Sinabi(C) sa kanya ng lalaki, “Mula ngayo'y Israel[a] na ang itatawag sa iyo, at hindi na Jacob, sapagkat nakipagbuno ka sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”

29 “Ano(D) namang pangalan ninyo?” tanong ni Jacob.

“Bakit gusto mo pang malaman?” sagot naman ng lalaki. At binasbasan niya si Jacob.

30 Sinabi ni Jacob, “Nakita ko ang mukha ng Diyos, gayunma'y buháy pa rin ako.” At tinawag niyang Peniel[b] ang lugar na iyon. 31 Sumisikat na ang araw nang umalis siya roon at papilay-pilay na lumakad.

Mga Awit 17:1-7

Panalangin ng Isang Walang Sala

Panalangin ni David.

17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
    dinggin mo ako sa aking kahilingan;
    dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
Hahatol ka para sa aking panig,
    pagkat alam mo kung ano ang matuwid.

Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
    kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
    Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
    walang kasamaan maging sa aking bibig.
Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
    tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
    ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
    hindi ako lumihis doon kahit kailan.

Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
    kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
    at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.

Mga Awit 17:15

15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
    at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.

Roma 9:1-5

Ang Pagkapili ng Diyos sa Israel

Sa ngalan ni Cristo, ako'y nagsasabi ng totoo. Hindi ako nagsisinungaling. Ang aking budhi ay nagpapatunay na totoo ang sinasabi ko at saksi ko ang Espiritu Santo. Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, dahil sa mga kalahi kong Judio. Mas mamatamisin ko pang ako'y sumpain at mapahiwalay kay Cristo, kung ito'y sa ikabubuti nila. Sila'y(A) mga Israelita na binigyan ng Diyos ng karapatang maging mga anak niya. Ipinakita rin niya sa kanila ang kanyang kaluwalhatian. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos. Sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang panuntunan sa pagsamba, at ang kanyang mga pangako. Sa kanila rin nagmula ang mga patriyarka, at tungkol sa kanyang pagiging tao, si Cristo ay nagmula sa kanilang lahi. Ang Kataas-taasang Diyos ay purihin magpakailanman![a] Amen.

Mateo 14:13-21

Ang Mahimalang Pagpapakain sa Limanlibo(A)

13 Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang lugar na walang tao. Ngunit nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila'y naglakad papalabas sa kani-kanilang bayan at sinundan si Jesus. 14 Pagdating ni Jesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong iyon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila.

15 Nang dapit-hapon na'y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Malapit na pong lumubog ang araw at liblib ang lugar na ito. Papuntahin na po ninyo sa mga kalapit na nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.”

16 “Hindi na sila kailangang umalis. Bigyan ninyo sila ng makakain,” sabi ni Jesus.

17 Sumagot sila, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay lamang at dalawang isda.”

18 “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. 19 Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao. Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamahagi iyon sa mga tao. 20 Nakakain at nabusog ang lahat. Nang ipunin ng mga alagad ang natirang pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing ng tinapay. 21 May limanlibong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.