Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 145

Awit ng Pagpupuri

Katha ni David.

145 Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
    di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,
    di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin;
    kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.

Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
    ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita,
    at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
Ang mga gawa mong makapangyariha'y ipamamalita;
    sa lahat ng tao'y aking sasabihing ikaw ay dakila.
Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,
    aawitin nila nang may kagalakan ang iyong katuwiran.
Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
    hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
    sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.

10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
    lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
    at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
    mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan,
    hindi magbabago.

Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
    ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
    at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.

15 Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan,
    siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
    anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
    kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
    sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
19 Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya,
    kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
20 Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan;
    ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay.

21 Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, habang nabubuhay,
    sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!

Isaias 54:1-8

Ang Pag-ibig ni Yahweh sa Israel

54 “Umawit(A) ka Jerusalem, ang babaing hindi magkaanak!
Sumigaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakakaranas manganak.
Magiging mas marami ang iyong mga anak
    kaysa sa kanya na may asawa, sabi ni Yahweh.”
Gumawa ka ng mas malaking tolda,
    palaparin mo ang kurtina niyon.
Huwag mong lagyan ng hangganan ang dakong iyon,
    pahabain mo ang mga tali.
Ibaon mo ng malalim ang mga pantulos.
Sapagkat kakalat kayo sa buong daigdig,
    aangkinin ng inyong lahi ang ibang mga bansa;
    at pananahanan nila ang mga lunsod doon, na iniwanan.

Huwag kang matakot o panghinaan man ng loob,
    sapagkat hindi ka na mapapahiya.
Malilimot mo na ang kahihiyang dinanas mo noong iyong kabataan;
    hindi mo na maaalala ang matinding kalungkutan ng pagiging isang biyuda.
Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay ang asawa mo,
    ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Ang tagapagligtas mo ay ang Banal na Diyos ng Israel,
    kung tawagin siya'y Diyos ng buong sanlibutan.

Israel, ang katulad mo'y asawang iniwan at ngayo'y nagdurusa,
    isang babaing maagang nag-asawa at pagkatapos ay itinakwil.
Ngunit pinababalik ka ngayon ni Yahweh at sa iyo'y sinasabi,
“Sandaling panahon kitang iniwanan;
    ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig, muli kitang kakalingain.
Sa tindi ng aking galit, sandali akong lumayo sa iyo,
    ngunit ipadarama ko sa iyo ang aking kahabagan sa pamamagitan ng pag-ibig na wagas.”
Iyan ang sabi ni Yahweh na magliligtas sa iyo.

Roma 12:9-21

Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. 11 Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin. 13 Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar.

14 Idalangin(A) ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain. 15 Makigalak(B) kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga tumatangis. 16 Magkaisa(C) kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha.[a] Huwag ninyong ipalagay na kayo'y napakarunong.

17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. 18 Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman. 19 Mga(D) minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Sa halip,(E) “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.”[b] 21 Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.