Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit(A) ni David, nang siya ay nasa Ilang ng Juda.
63 O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga,
nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa,
ang aking laman sa iyo'y nananabik,
gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.
2 Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo,
na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo.
3 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay,
pupurihin ka ng aking mga labi.
4 Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay;
itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan.
5 Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan,
at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya,
6 kapag naaalala kita sa aking higaan,
ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi;
7 sapagkat naging katulong kita,
at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa.
8 Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan;
inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.
9 Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko,
ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo.
10 Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak,
sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat.
11 Ngunit magagalak sa Diyos ang hari;
lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri,
sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin.
15 Bukod(A) dito, ang dambana na nasa Bethel at matataas na dako na itinayo ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala, ang dambanang iyon at ang matataas na dako ay kanyang ibinagsak at kanyang dinurog ang mga bato nito; sinunog din niya ang sagradong poste.[a]
16 Sa(B) pagpihit ni Josias, kanyang natanaw ang mga libingang nasa bundok. Siya'y nagsugo at inilabas ang mga buto sa mga libingan, at sinunog ang mga iyon sa dambana, at nilapastangan ito, ayon sa salita ng Panginoon na ipinahayag ng tao ng Diyos na siyang humula ng mga bagay na ito.
17 Pagkatapos(C) ay kanyang sinabi, “Ano yaong bantayog na nakikita ko roon?” Sinabi ng mga lalaki ng lunsod sa kanya, “Iyon ay libingan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda at humula ng mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Bethel.”
18 Kanyang sinabi, “Hayaan ninyo; huwag galawin ng sinuman ang mga buto niya.” Kaya't hinayaan nila ang mga buto niya, kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.
19 At ang lahat din ng mga dambana sa matataas na dako na nasa mga lunsod ng Samaria, na ginawa ng mga hari ng Israel upang galitin ang Panginoon, ay pinag-aalis ni Josias; at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat ng kanyang ginawa sa Bethel.
20 Kanyang pinatay sa ibabaw ng dambana ang lahat ng pari sa matataas na dako na naroroon, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga iyon. Pagkatapos siya'y bumalik sa Jerusalem.
Ipinagdiwang ni Josias ang Paskuwa(D)
21 At iniutos ng hari sa buong bayan, “Ipagdiwang ninyo ang paskuwa sa Panginoon ninyong Diyos, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.”
22 Walang gayong paskuwa ang ipinagdiwang mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa panahon ng lahat ng mga araw ng mga hari ng Israel o ng mga hari man ng Juda;
23 ngunit nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, ipinangilin sa Jerusalem ang paskuwang ito sa Panginoon.
Iba pang mga Pagbabagong Ginawa ni Josias
24 Bukod dito'y pinag-aalis ni Josias ang mga sumasangguni sa masamang espiritu at ang mga mangkukulam, ang mga terafim, ang mga diyus-diyosan, at ang lahat ng karumaldumal na nakita sa lupain ng Juda at Jerusalem, upang kanyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na natagpuan ng paring si Hilkias sa bahay ng Panginoon.
25 Sa mga haring nauna sa kanya ay walang naging gaya niya na bumalik sa Panginoon ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas niya ayon sa lahat ng kautusan ni Moises, ni may lumitaw mang gaya niya pagkamatay niya.
Ang Dalawang Saksi
11 Pagkatapos(A) ay binigyan ako ng isang tambong panukat na tulad ng isang tungkod, at sinabi sa akin, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos, ang dambana, at ang mga sumasamba roon.
2 Ngunit(B) huwag mong susukatin ang patyo sa labas ng templo; pabayaan mo na iyon, sapagkat ibinigay iyon sa mga bansa at kanilang yuyurakan ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.
3 Papahintulutan ko ang aking dalawang saksi na magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw, na nakasuot ng damit-sako.”
4 Ang(C) mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang ilawan na nakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.
5 At kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, apoy ang lumalabas sa kanilang bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, siya'y kailangang patayin sa ganitong paraan.
6 Ang(D) mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang pagpapahayag ng propesiya at may kapangyarihan sila sa mga tubig na gawing dugo, at pahirapan ang lupa ng bawat salot sa tuwing kanilang naisin.
7 At(E) kapag natapos na nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa di-matarok na kalaliman ay makikipagdigma sa kanila, lulupigin sila, at papatayin.
8 At(F) ang kanilang mga bangkay ay hahandusay sa lansangan ng malaking lunsod, na sa espirituwal na pananalita ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, na kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon.
9 Pagmamasdan ng mga tao mula sa mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa ang kanilang mga bangkay sa loob ng tatlong araw at kalahati, at hindi ipahihintulot na ang kanilang mga bangkay ay mailibing.
10 At ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa ay magagalak tungkol sa kanila at magkakatuwa, at sila'y magpapalitan ng mga handog, sapagkat ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.
11 Ngunit(G) pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa kanila. Sila'y tumindig at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.
12 At(H) narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila, “Umakyat kayo rito!” At sila'y umakyat sa langit sa isang ulap at nakita sila ng kanilang mga kaaway.
13 At(I) nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lunsod; may namatay sa lindol na pitong libong katao at ang mga iba ay natakot, at nagbigay ng luwalhati sa Diyos ng langit.
14 Nakaraan na ang ikalawang kapighatian. Ang ikatlong kapighatian ay napakalapit nang dumating.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001