Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
4 Kapag dumarating ang araw na si Elkana ay naghahandog, kanyang binibigyan ng mga bahagi si Penina na kanyang asawa at ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae;
5 ngunit si Ana ay binibigyan niya ng dobleng bahagi sapagkat minamahal niya si Ana, kahit na sinarhan ng Panginoon ang kanyang bahay-bata.
6 Siya ay labis na ginagalit ng kanyang kaagaw upang inisin siya, sapagkat sinarhan ng Panginoon ang kanyang bahay-bata.
7 Gayon ang nangyayari taun-taon. Tuwing pupunta siya sa bahay ng Panginoon ay ginagalit niya si Ana. Kaya't si Ana ay tumangis at ayaw kumain.
8 Sinabi ni Elkana na kanyang asawa, “Ana, bakit ka umiiyak? Bakit hindi ka kumakain? At bakit nalulungkot ang iyong puso? Hindi ba ako'y higit pa sa iyo kaysa sampung anak?”
Si Ana at Eli
9 Tumindig si Ana, pagkatapos na sila'y makakain at makainom sa Shilo. Noon, si Eli na pari ay nakaupo sa upuan niya sa tabi ng haligi ng pintuan ng templo ng Panginoon.
10 Si Ana[a] ay labis na nabagabag at nanalangin sa Panginoon.
11 Siya'y(A) gumawa ng ganitong panata: “O Panginoon ng mga hukbo, kung tunay na iyong titingnan ang pagdurusa ng iyong lingkod, at aalalahanin ako at hindi kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalaki, aking ibibigay siya sa Panginoon sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, at walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo.”
12 Habang siya'y patuloy sa pananalangin sa harapan ng Panginoon, pinagmamasdan ni Eli ang kanyang bibig.
13 Si Ana ay tahimik na nananalangin; tanging ang kanyang mga labi ang gumagalaw, ngunit ang kanyang tinig ay hindi naririnig. Kaya't inakala ni Eli na siya'y lasing.
14 Kaya't sinabi ni Eli sa kanya, “Hanggang kailan ka magiging lasing? Alisin mo ang iyong alak.”
15 Ngunit sumagot si Ana, “Hindi, panginoon ko. Ako'y isang babaing lubhang naguguluhan. Hindi ako nakainom ng alak o inuming nakakalasing, kundi aking ibinubuhos ang aking kaluluwa sa harapan ng Panginoon.
16 Huwag mong ituring na babaing hamak ang iyong lingkod, sapagkat ako'y nagsasalita mula sa aking malaking pagkabalisa at pagkayamot.”
17 Nang magkagayo'y sumagot si Eli at sinabi, “Humayo kang payapa at ipagkaloob nawa sa iyo ng Diyos ng Israel ang kahilingan na idinulog mo sa kanya.”
18 At sinabi niya, “Makatagpo nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin.” Sa gayo'y nagpatuloy ng kanyang lakad ang babae at kumain, at ang kanyang mukha'y hindi na malungkot.
Ipinanganak at Itinalaga si Samuel
19 Kinaumagahan, maaga silang bumangon at sumamba sa Panginoon, pagkatapos ay umuwi sa kanilang bahay sa Rama. At nakilala ni Elkana si Ana na kanyang asawa, at inalala siya ng Panginoon.
20 Sa takdang panahon, si Ana ay naglihi at nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samuel.[b] Sapagkat sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”
Nanalangin si Ana
2 Si(A) Ana ay nanalangin din at sinabi,
“Nagagalak ang aking puso sa Panginoon;
ang aking lakas ay itinataas sa Panginoon.
Tinutuya ng aking bibig ang aking mga kaaway;
sapagkat ako'y nagagalak sa iyong kaligtasan.
2 “Walang banal na gaya ng Panginoon;
sapagkat walang iba maliban sa iyo,
walang batong gaya ng aming Diyos.
3 Huwag na kayong magsalita nang may kapalaluan;
huwag lumabas sa inyong bibig ang kahambugan;
sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng kaalaman,
at ang mga kilos ay kanyang tinitimbang.
4 Nabali ang mga pana ng mga makapangyarihan,
ngunit ang mahihina ay nagbigkis ng kalakasan.
5 Ang mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay;
subalit ang dating gutom, gutom nila'y naparam.
Ang baog ay pito ang isinilang,
ngunit ang may maraming anak ay namamanglaw.
6 Ang Panginoon ay pumapatay at bumubuhay;
siya ang nagbababa sa Sheol at nag-aahon.
7 Ang Panginoon ay nagpapadukha at nagpapayaman;
siya ang nagpapababa, at siya rin ay nagpaparangal.
8 Kanyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok,
itinataas niya ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
upang sila'y paupuing kasama ng mga pinuno,
at magmana ng trono ng karangalan.
Sapagkat ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon,
at sa mga iyon ay ipinatong niya ang sanlibutan.
9 “Kanyang iingatan ang mga paa ng kanyang mga banal;
ngunit ang masama ay ihihiwalay sa kadiliman;
sapagkat hindi dahil sa lakas na ang tao'y nagtatagumpay.
10 Ang mga kaaway ng Panginoon ay madudurog;
laban sa kanila sa langit siya'y magpapakulog.
Hahatulan ng Panginoon ang mga dulo ng lupa;
bibigyan niya ng kalakasan ang kanyang hari,
at itataas ang kapangyarihan ng kanyang hinirang.”
11 At(A) bawat pari ay tumatayo araw-araw na naglilingkod at paulit-ulit na nag-aalay ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nakapag-aalis ng mga kasalanan.
12 Ngunit(B) nang makapaghandog si Cristo[a] ng isa lamang alay para sa mga kasalanan para sa lahat ng panahon, siya ay umupo sa kanan ng Diyos,
13 at buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kanyang mga kaaway ay maging tuntungan ng kanyang mga paa.
14 Sapagkat sa pamamagitan ng isang pag-aalay ay kanyang pinasakdal para sa lahat ng panahon ang mga pinababanal.
15 At ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo rin sa atin, sapagkat pagkatapos niyang sabihin,
16 “Ito(A) ang tipan na aking gagawin sa kanila,
pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon;
ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang pag-iisip,”
17 sinabi(B) rin niya,
“At ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.”
18 Kung saan may kapatawaran ng mga ito, ay wala ng pag-aalay para sa kasalanan.
Lumapit Tayo sa Diyos
19 Kaya, mga kapatid, yamang mayroon tayong pagtitiwala na pumasok sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,
20 na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buháy na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa kanyang laman,
21 at yamang mayroon tayong isang pinakapunong pari sa bahay ng Diyos,
22 tayo'y(A) lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig.
23 Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat.
24 At ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa't isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa,
25 na huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na kapag inyong nakikita na papalapit na ang Araw.
Ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)
13 Sa paglabas niya sa templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan mo! Pagkalalaking mga bato, at pagkalalaking mga gusali!”
2 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitira ditong isa mang bato sa ibabaw ng kapwa bato na hindi ibabagsak.”
Mga Kaguluhan at Pag-uusig na Darating(B)
3 Samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang lihim nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres,
4 “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang magiging tanda kapag malapit nang maganap ang lahat ng mga bagay na ito?”
5 Si Jesus ay nagsimulang magsabi sa kanila, “Mag-ingat kayo, na baka mailigaw kayo ng sinuman.
6 Maraming darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako siya!’ at maililigaw nila ang marami.
7 Subalit kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan, huwag kayong mabahala. Ang mga bagay na ito'y dapat mangyari ngunit hindi pa iyon ang wakas.
8 Sapagkat maghihimagsik ang bansa laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian; at lilindol sa iba't ibang dako; magkakaroon ng taggutom. Ang mga ito'y pasimula lamang ng paghihirap.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001