Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 146

146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
    ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
    o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
    sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
    na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
na(A) gumawa ng langit at lupa,
    ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.

Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
    binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
    Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
    kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
    ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.

10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
    ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!

Ruth 2:10-14

10 Nang magkagayo'y nagpatirapa si Ruth[a] at yumukod sa lupa, at nagsabi sa kanya, “Bakit ako nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin upang ako'y iyong pansinin, gayong ako'y isang dayuhan?”

11 Ngunit sinabi ni Boaz sa kanya, “Ipinaalam sa akin ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula sa pagkamatay ng iyong asawa, at kung paanong iyong iniwan ang iyong ama at iyong ina, at ang lupang sinilangan mo, at ikaw ay pumarito sa bayan na hindi mo nalalaman noon.

12 Gantihan nawa ng Panginoon ang iyong ginawa, at bigyan ka nawa ng lubos na gantimpala ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa ilalim ng kanyang mga pakpak ikaw ay nanganlong.”

13 Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Makatagpo nawa ako ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko; sapagkat ako'y iyong inaliw at may kabaitang pinagsalitaan mo ang iyong lingkod, bagaman ako'y hindi isa sa iyong mga alila.”

14 Sa oras ng pagkain ay sinabi ni Boaz sa kanya, “Halika, at kumain ka ng tinapay. Isawsaw mo sa suka ang iyong tinapay.” Siya nga'y umupo sa tabi ng mga nag-aani at iniabot niya sa kanya ang sinangag na trigo, siya'y kumain, nabusog, at mayroon pa siyang hindi naubos.

Lucas 10:25-37

Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano

25 At(A) may isang dalubhasa sa kautusan ang tumindig upang si Jesus[a] ay subukin na nagsasabi, “Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”

26 Sinabi niya sa kanya, “Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang nabasa mo?”

27 At(B) sumagot siya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong lakas mo, at nang buong pag-iisip mo, at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

28 At(C) sinabi niya sa kanya, “Tumpak ang sagot mo, gawin mo ito at mabubuhay ka.”

29 Subalit sa pagnanais niya na ipagmatuwid ang kanyang sarili ay sinabi kay Jesus, “At sino ang aking kapwa?”

30 Sumagot si Jesus, “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem patungo sa Jerico at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, hinubaran siya ng mga ito at binugbog. Pagkatapos ay umalis sila at iniwan siyang halos patay.

31 At nagkataong bumababa sa daang iyon ang isang pari. Nang kanyang makita ito, siya ay dumaan sa kabilang panig.

32 Gayundin ang isang Levita, nang dumating siya sa lugar na iyon at kanyang nakita ang taong iyon, siya ay dumaan sa kabilang panig.

33 Subalit(D) ang isang Samaritano, sa kanyang paglalakbay ay dumating sa kanyang kinaroroonan; at nang kanyang makita ang taong iyon, siya ay nahabag.

34 Kanyang nilapitan siya at tinalian ang kanyang mga sugat pagkatapos buhusan ng langis at alak. Pagkatapos isakay sa kanyang sariling hayop, siya ay dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan.

35 Nang sumunod na araw, dumukot siya ng dalawang denario at ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi niya, ‘Alagaan mo siya, at sa anumang karagdagan mo pang gastusin ay babayaran kita sa aking pagbabalik.’

36 Ano sa palagay mo, alin sa tatlong ito, ang naging kapwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?”

37 At sinabi niya, “Ang nagpakita ng habag sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, at gayundin ang gawin mo.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001