Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David.
55 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
at huwag kang magtago sa daing ko!
2 Pansinin mo ako, at sagutin mo ako;
ako'y natatalo ng aking pagdaramdam.
Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing,
3 dahil sa tinig ng kaaway,
dahil sa pagmamalupit ng masama.
Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan,
at sa galit ay inuusig nila ako.
4 Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko,
ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
5 Takot at panginginig ay dumating sa akin,
at nadaig ako ng pagkatakot.
6 At aking sinabi, “O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati!
Lilipad ako at magpapahinga.
7 Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo,
sa ilang ay maninirahan ako. (Selah)
8 Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko,
mula sa malakas na hangin at bagyo.”
9 O Panginoon, guluhin mo, ang kanilang wika ay lituhin mo,
sapagkat ang karahasan at pag-aaway sa lunsod ay nakikita ko.
10 Sa araw at gabi ay lumiligid sila
sa mga pader niyon;
ang kasamaan at kahirapan ay nasa loob niyon.
11 Ang pagkawasak ay nasa gitna niyon;
ang kalupitan at pandaraya
ay hindi humihiwalay sa kanyang mga lansangan.
12 Hindi isang kaaway ang tumutuya sa akin—
mapagtitiisan ko iyon,
hindi rin isang namumuhi sa akin ang nagmamalaki laban sa akin,
sa gayo'y maitatago ang aking sarili sa kanya.
13 Kundi ikaw, lalaki na kapantay ko,
kaibigang matalik at kasama ko.
14 Tayo ay dating magkasamang nag-uusap nang matamis;
tayo'y lumalakad na magkasama sa loob ng bahay ng Diyos.
15 Dumating nawang mapandaya ang kamatayan sa kanila,
ibaba nawa silang buháy sa Sheol;
sapagkat ang kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.
Ang Sinabi ni Zofar Tungkol kay Job
11 Nang magkagayo'y sumagot si Zofar na Naamatita, at sinabi,
2 “Hindi ba sasagutin ang karamihan ng mga salita?
At mapawalang-sala ang lalaking madada?
3 Patatahimikin ba ang mga tao ng iyong kangangawa,
wala bang hihiya sa iyo kapag ikaw ay nanunuya?
4 Sapagkat iyong sinasabi, ‘Ang aking aral ay dalisay,
at ako'y malinis sa iyong mga mata!’
5 Ngunit ang Diyos nawa'y magsalita,
at ibuka ang kanyang mga labi sa iyo;
6 at ipakilala nawa sa iyo ang mga lihim ng karunungan!
Pagka't siya ay sagana sa kaunawaan.
Alamin mo na sinisingil ka ng Diyos ng kulang pa kaysa nararapat sa iyong kasalanan.
7 “Matatagpuan mo ba ang malalalim na bagay ng Diyos?
Matatagpuan mo ba ang hangganan ng Makapangyarihan sa lahat?
8 Ito ay mataas kaysa langit; anong iyong magagawa?
Malalim kaysa Sheol—anong iyong malalaman?
9 Ang sukat nito ay mas mahaba kaysa lupa,
at mas malawak kaysa dagat.
10 Kung siya'y dumaan, at magbilanggo,
at tumawag ng paglilitis, sinong makakapigil sa kanya?
11 Sapagkat nakikilala niya ang mga taong walang kabuluhan,
kapag nakakita siya ng kasamaan, hindi ba niya ito isasaalang-alang?
12 Ngunit ang taong hangal ay magkakaroon ng pagkaunawa,
kapag ang asno ay ipinanganak na tao.
Pinapaglilinis ni Zofar si Job sa mga Kasalanan
13 “Kung itutuwid mo ang iyong puso,
iuunat mo ang iyong kamay sa kanya.
14 Kung ang kasamaan ay nasa iyong kamay, ilayo mo ito,
at huwag nawang manirahan ang kasamaan sa iyong mga tolda.
15 Walang pagsala ngang itataas mo ang iyong mukha na walang kapintasan;
ikaw ay hindi matatakot at magiging tiwasay.
16 Malilimutan mo ang iyong kahirapan,
iyong maaalala ito na parang tubig na umagos.
17 At ang iyong buhay ay magiging lalong maliwanag kaysa katanghalian
at magiging gaya ng umaga ang kanyang kadiliman.
18 At ikaw ay mapapanatag sapagkat may pag-asa;
ikaw ay mapapangalagaan, at tiwasay kang magpapahinga.
19 Ikaw nama'y hihiga at walang mananakot sa iyo;
maraming hihingi ng kalinga mo.
20 Ngunit ang mga mata ng masama ay manghihina,
at mawawalan sila ng daang tatakasan,
at ang kanilang pag-asa ay hininga'y malagutan.”
10 Subalit(A) sa mga may asawa ay aking itinatagubilin, hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kanyang asawa.
11 (Subalit kung siya ma'y humiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y makipagkasundo sa kanyang asawa), at huwag hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa.
12 Subalit sa iba, ay ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon, na kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang hindi mananampalataya, at pumayag siyang mamuhay na kasama niya, ay huwag niya siyang hiwalayan.
13 At kung ang babae ay may asawa na hindi mananampalataya, at pumayag ang lalaking ito na mamuhay na kasama niya, ay huwag niyang hiwalayan ang kanyang asawa.
14 Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi, ang inyong mga anak ay magiging marumi, ngunit ngayon sila'y mga banal.
15 Subalit kung humiwalay ang hindi mananampalataya, ay hayaan siyang humiwalay; ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi nagagapos sa mga ganitong kalagayan, sapagkat tayo ay tinawag ng Diyos sa kapayapaan.
16 Asawang babae, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? Asawang lalaki, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001