Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 34:1-8

Pagpuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos

Katha(A) ni David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.

34 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
    pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
    kayong naaapi, makinig, matuwa!
Ang kadakilaan niya ay ihayag,
    at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!

Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
    inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
    pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
    sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
    sa mga panganib, sila'y kinukupkop.

Tingnan(B) mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
    mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.

Mga Awit 34:19-22

19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
    sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(A) siya nang lubus-lubusan,
    kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
    sa taglay na buhay ang siyang kikitil.

22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
    sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!

Job 42:7-9

Pagkasabi nito kay Job, si Elifaz na Temaneo naman ang hinarap ni Yahweh. Sinabi niya, “Matindi ang galit ko sa iyo at sa dalawa mong kaibigan sapagkat hindi ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin tulad nang ginawa ni Job. Kaya ngayon, kumuha kayo ng pitong toro at pitong tupa. Dalhin ninyo ito kay Job at sunugin bilang handog. Ipapanalangin kayo ni Job. Siya lamang ang papakinggan ko para hindi na kayo pagbayarin sa inyong kahangalan, dahil sa hindi ninyo paglalahad ng buong katotohanan tulad nang ginagawa niya.”

Ganoon nga ang ginawa nina Elifaz na Temaneo, Bildad na Suhita, at Zofar na Naamita. At ang panalangin ni Job ay dininig ni Yahweh.

Marcos 8:22-26

Pinagaling ang Isang Lalaking Bulag

22 Pagdating nila sa Bethsaida, dinala ng ilang tao kay Jesus ang isang bulag at pinakiusapan nilang hipuin niya ang taong ito. 23 Inakay niya ang bulag at dinala ito sa labas ng bayan. Matapos duraan at takpan ang mga mata nito ng kanyang kamay, tinanong ni Jesus, “May nakikita ka ba?”

24 Tumingin ang lalaki at sumagot, “Nakakakita po ako ng mga tao, ngunit para silang mga punongkahoy na naglalakad.”

25 Muling inilagay ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag. Sa pagkakataong ito, tuminging mabuti ang bulag. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. 26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.