Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panambitan at Awit ng Papuri
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.
22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
2 Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
3 Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
4 Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
5 Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.
6 Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
7 Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
8 Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
darating ang kanyang saklolo!”
9 Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.
12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.
14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.
17 Gulung-gulo ang aking isipan, bilang na ang aking mga araw,
hinihintay na ako ng libingan.
2 Pinagmamasdan ko ang sa akin ay lumalait, mga salita nila'y lubhang masasakit.
3 O Diyos, ako'y tapat, kaya sa aki'y magtiwala,
ikaw lang ang makapagpapatunay sa aking mga salita.
4 Isip nila'y sinarhan mo upang di makaunawa;
laban sa akin, huwag nawa silang magtagumpay.
5 Siyang dahil sa salapi ay nagtataksil sa mga kaibigan,
kanyang mga anak ang siyang mawawalan.
6 Ako ngayo'y pinag-uusapan ng buong bayan,
pinupuntahan pa upang maduraan lamang.
7 Halos ako'y mabulag dahil sa kalungkutan,
kasingnipis ng anino ang buo kong katawan.
8 Mga nagsasabing sila'y tapat sa akin ay nagulat,
ang mga walang sala, sa aki'y nanunumbat.[a]
9 Ngunit ang mga matuwid ay lalong naniniwala,
at lalo pang nahikayat na sila nga ang tama.
10 Subalit silang lahat, humarap man sa akin,
wala akong maituturo na may talinong angkin.
11 “Tapos na ang mga araw ko, bigo ang aking mga plano,
ang aking pag-asa'y tuluyan nang naglaho.
12 Sabi nila, ang gabi ay araw na rin,
malapit na raw ang liwanag,
ngunit alam kong ako'y nasa dilim pa rin.
13 Ang tanging pag-asa ko'y ang daigdig ng mga patay,
at sa kadiliman doon ako mahihimlay.
14 Ang hukay ay tatawagin kong ama,
at ang mga uod ay ituturing kong mga kapatid at ina.
15 Nasaan nga ang aking pag-asa,
sino ang dito ay makakakita?
16 Madadala ko ba ito sa daigdig ng mga patay,
sasama ba ito sa alabok na hantungan?”
Kapahingahan para sa Sambahayan ng Diyos
7 Kaya't(A) tulad ng sinabi ng Espiritu Santo,
“Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo,
8 huwag patigasin ang inyong mga puso,
tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno, doon sa ilang nang subukin nila ako.
9 Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong mga magulang,
bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.
10 Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko,
‘Lagi silang lumalayo sa akin,
ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.’
11 At sa galit ko,
‘Ako ay sumumpang hindi nila kakamtin ang kapahingahan sa aking ipinangakong lupain.’”
12 Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy. 13 Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “Ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo ng kasalanan at sa gayo'y maging matigas ang puso. 14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.
15 Ito(B) nga ang sinasabi sa kasulatan,
“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.”
16 Sino(C) ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang? 18 At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod? 19 Maliwanag kung ganoon na hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.