Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
2 “Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
3 maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
4 Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
5 sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.
6 Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
7 Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
8 Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.
Sinuway ni Reyna Vasti si Haring Xerxes
1 Nang(A) panahon ni Haring Xerxes ng Persia, ang sakop niya'y mula sa India hanggang Etiopia.[a] Binubuo ito ng 127 lalawigan. 2 Ang kanyang palasyo ay nasa Lunsod ng Susa na siyang kapitolyo ng Persia.
3 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya ay naghanda ng isang piging para sa kanyang mga pinuno, mga katulong sa palasyo, mga punong-kawal ng Persia at Media, pati mga maharlika at mga gobernador ng mga lalawigan. 4 Ipinagparangalan niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangyaan ng kanyang pamumuhay. Ang piging ay tumagal nang 180 araw.
5 Pagkaraan nito, naghanda naman siya ng piging para sa lahat ng taga-Susa, dakila o hamak man. Ito'y ginanap sa patyo sa may hardin ng palasyo, at tumagal nang pitong araw. 6 Puting-puti ang mga kurtina at maraming palawit na kulay asul. Ang mga tali nito'y nilubid na pinong lino at murado, at nakasabit sa mga argolyang pilak. Marmol ang mga haligi ng palasyo. Yari sa ginto't pilak ang mga upuan. Ang sahig ay mosaik na yari sa porfido, alabastro, nakar, at mamahaling bato. 7 Ang mga alak ay inihain sa mga kopitang ginto na iba't iba ang hugis. Napakaraming mamahaling alak ang inilabas; alak na angkop lamang sa isang hari. 8 Walang humpay ang pagpapamahagi ng inumin; ipinag-utos ng hari sa mga katulong na ibigay ang hilig ng bawat isa.[b] Walang pilitan sapagkat ipinag-utos ng hari sa kanyang mga katulong na ibigay ang hilig ng bawat isa. 9 Samantala, si Reyna Vasti ay nagdaos din ng piging sa palasyo para naman sa kababaihan.
10 Nang ikapitong araw na ng pagdiriwang, medyo lango na ang hari. Ipinatawag niya sina Mehuman, Bizta, Harvona, Bigta, Abagta, Zetar at Carcas, ang pitong eunukong nag-aasikaso sa kanya. 11 Ipinasundo niya si Reyna Vasti. Ipinasabi niyang isuot ng reyna ang korona nito upang ipagmayabang sa lahat ng naroon ang kagandahan nito, sapagkat ito nama'y talagang maganda. 12 Ngunit hindi pinansin ng reyna ang mga sugo ng hari. Dahil dito, lubhang nagalit ang hari.
13 Tuwing may pangyayaring tulad nito, ipinapatawag ng hari ang mga pantas tungkol sa kapanahunan, mga dalubhasa sa batas at paghatol 14 upang sangguniin. Ito'y sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena at Memucan. Sila ang pitong pangunahing pinuno ng Persia at Media. Malapit sila sa hari, at mga pangunahin sa buong kaharian. 15 Itinanong ng hari, “Ano ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil sa pagsuway niya sa utos ko sa pamamagitan ng mga sugo?”
16 Sumagot si Memucan, “Si Reyna Vasti ay nagkasala, hindi lamang sa hari kundi pati sa mga pinuno at sa lahat ng nasasakupan ninyo, Haring Xerxes. 17 Ang pangyayaring ito'y tiyak na malalaman ng lahat ng babae sa kaharian. Kung magkagayon, magkakaroon sila ng katuwirang sumuway sa kanilang asawa. Idadahilan nilang sinuway ni Reyna Vasti ang hari. 18 Ngayon pa ay natitiyak kong alam na ito ng mga pangunahing babae ng Persia at Media at sasabihin na sa mga pinuno ng hari. Dahil dito, tiyak na lalaganap ang kawalan ng respeto sa mga asawang lalaki, at ito'y hahantong sa maraming kalupitan. 19 Kaya, kung inyong mamarapatin, magpalabas kayo ng isang utos na maisasama sa mga kautusan ng Persia at Media para hindi mabago. Sa bisa ng utos na ito, aalisin kay Vasti ang pagiging reyna at papalitan siya ng mas mabuting reyna. 20 Kapag ito'y naipahayag na sa buong kaharian, tiyak na igagalang ng mga babae ang kanilang mga asawa, maging hamak o dakila man.”
21 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga pinuno ang payo ni Memucan, at ito nga ang ginawa ng hari.
13 Nagtaka ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nabatid nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito. 14 Ngunit dahil kaharap nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi nina Pedro at Juan, wala silang masabi laban sa dalawa. 15 Kaya't ang dalawa ay pinalabas muna ng Kapulungan, at saka sila nag-usap. 16 “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Hayag na sa buong Jerusalem na isang pambihirang himala ang naganap sa pamamagitan nila at hindi natin ito maikakaila. 17 Upang huwag nang kumalat ang balita tungkol dito, pagsabihan na lamang natin sila na huwag nang magsalita kaninuman sa pangalan ni Jesus.” 18 Kaya't muli nilang ipinatawag sina Pedro at pinagsabihang huwag nang magsalita o magturo pang muli sa pangalan ni Jesus.
19 Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. 20 Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”
21 Wala silang makitang paraan upang parusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao'y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari. Kaya't binalaan nila ang dalawa nang lalo pang mahigpit, at saka pinalaya. 22 Ang lalaking pinagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang.
Panalangin Upang Magkaroon ng Katapangan
23 Nang palayain na sina Pedro at Juan, pumunta sila sa mga kasamahan nila at ibinalita ang sinabi ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan. 24 Nang(A) marinig ito ng mga mananampalataya, sama-sama silang nanalangin sa Diyos, “Panginoon, kayo po ang lumikha ng langit at ng lupa, ng dagat at ng lahat ng nasa mga ito! 25 Kayo(B) po ang nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod nang sabihin niya sa patnubay ng Espiritu Santo,
‘Bakit galit na galit ang mga Hentil,
at ang mga tao'y nagbalak ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Naghanda para sa digmaan ang mga hari sa lupa,
at nagtipon ang mga pinuno
laban sa Panginoon at sa kanyang Hinirang[a].’
27 Nagkatipon(C) nga sa lungsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang buong Israel, laban sa inyong banal na Lingkod na si Jesus, ang inyong Hinirang. 28 Nagkatipon sila upang isagawa ang lahat ng bagay na inyong itinakda noong una pa man ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban. 29 At ngayon, Panginoon, tingnan ninyo, pinagbabantaan nila kami. Bigyan ninyo ng katapangan ang inyong mga alipin upang ipangaral ang inyong salita. 30 Iunat ninyo ang inyong kamay upang magpagaling, at loobin ninyo na sa pangalan ng inyong banal na Lingkod[b] na si Jesus ay makagawa kami ng mga himala.”
31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.