Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 73:1-20

IKATLONG AKLAT

Ang Katarungan ng Diyos

Awit ni Asaf.

73 Kay buti ng Diyos sa taong matuwid,
    sa lahat ng taong ang puso'y malinis.
Ngunit ang sarili'y halos bumagsak,
    sa paghakbang ko'y muntik nang madulas!
Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga,
    at sa biglang yaman ng mga masama.
Ni hindi nagdanas ng anumang hirap,
    sila'y masisigla't katawa'y malakas.
Di tulad ng ibang naghirap nang labis,
    di nila dinanas ang buhay na gipit.
Ang pagmamalaki ay kinukuwintas,
    at ang dinaramit nila'y pandarahas.
Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan,
    at masasama rin ang nasa isipan;
mga ibang tao'y pinagtatawanan, ang yayabang nila,
    ang layon sa buhay ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang.
Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw,
    labis kung mag-utos sa mga nilalang;
10 kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos,
    anumang sabihi'y paniwalang lubos.
11 Ang sabi, “Ang Diyos walang nalalaman,
    walang malay yaong Kataas-taasan.”
12 Ang mga masama'y ito ang kagaya,
    di na kinukulang ay naghahanap pa.
13 Samantalang ako, malinis ang palad,
    hindi nagkasala't lubos na nag-ingat, at aking natamo'y kabiguang lahat.
14 Diyos, pinagtiis mo ako ng hirap,
    sa tuwing umaga'y parusa ang gawad.

15 Kung ang mga ito'y aking sasabihin,
    sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil;
16 kaya't sinikap kong ito'y saliksikin,
    mahirap-hirap mang ito'y unawain.
17 Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas,
    na ang masasama ay mapapahamak;
18 dinala mo sila sa dakong madulas,
    upang malubos na, kanilang pagbagsak;
19 walang abug-abog sila ay nawasak,
    kakila-kilabot yaong naging wakas!
20 Parang panaginip nang ako'y magising,
    pati anyo nila'y nalimutan na rin.

Mga Kawikaan 8:32-9:6

32 “At(A) ngayon, aking anak, ako nga ay pakinggan,
    sundin ang payo ko't liligaya ang iyong buhay.
33 Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo,
    huwag mong pababayaan ni lalayuan ito.
34 Mapalad ang taong sa akin ay nakikinig,
    sa akin ay nag-aabang at palaging nakatitig.
35 Pagkat ang makasumpong sa akin ay nakasumpong ng buhay,
    at ang kalooban ni Yahweh ay kanyang nakakamtan.
36 Ngunit ang di makasumpong sa akin, sarili ang sinasaktan,
    ang napopoot sa akin, iniibig ay kamatayan.”

Ang Karunungan at ang Kahangalan

Gumawa na ng tahanan itong karunungan,
    na itinayo niya sa pitong patibayan.
Nagpatay siya ng hayop, nagtimpla ng inumin,
    ang mesa ay inihanda, punung-puno ng pagkain.
Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan,
    upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan:
“Ang kulang sa kaalaman, dito ngayon ay lumapit.”
    Sa mga mangmang ay ganito ang sinambit:
“Halikayo't inyong kainin ang pagkain ko,
    at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.
Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay,
    at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”

Mga Hebreo 11:29-12:2

29 Dahil(A) sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang lumalakad sa tuyong lupa, samantalang nalunod naman ang mga Egipcio nang ang mga ito'y tumawid.

30 Dahil(B) sa pananampalataya ng mga Israelita, gumuho ang pader ng Jerico matapos silang maglakad sa palibot nito nang pitong araw. 31 Dahil(C) sa pananampalataya, si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga ayaw sumunod sa Diyos, sapagkat malugod niyang pinatuloy ang mga espiyang Israelita.

32 Magpapatuloy(D) pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta. 33 Dahil(E) sa pananampalataya, nagwagi sila laban sa mga kaharian, nagpatupad ng katarungan, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon, 34 napatay(F) ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa mga talim ng tabak. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang hukbo ng mga dayuhan. 35 Dahil(G) sa pananampalataya, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay.

May mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. 36 Mayroon(H) namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ikinadena at ibinilanggo. 37 Ang(I) iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, [tinukso],[a] at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa.

39 At dahil sa kanilang pananampalataya, nag-iwan sila ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Ang lahat ng mga ito, bagama't may mabuting patotoo dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako, 40 sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama tayo.

Ama Natin ang Diyos

12 Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, tanggalin natin ang anumang balakid at ang kasalanang kumakapit sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa takbuhing nasa ating harapan. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus. Sa kanya nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya inalintana ang kahihiyan ng pagkamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.