Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Ating Pastol
Awit ni David.
23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.
3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
15 Nakarating(A) ang balita kay Faraon kaya ibig niyang ipapatay si Moises, ngunit ito'y nakatakas at nakarating sa Midian.
Pagdating sa Midian, naupo siya sa tabi ng isang balon. 16 Dumating naman ang pitong anak na babae ng pari roon upang sumalok ng tubig at painumin ang kawan ng kanilang ama. 17 Ngunit may dumating na mga pastol at itinaboy sila. Nakita ni Moises ang pangyayari kaya sinaklolohan niya ang mga babae at tinulungang magpainom sa kawan. 18 Maagang nakauwi ang mga babae, kaya tinanong sila ng kanilang amang si Reuel, “Bakit maaga kayo ngayon?”
19 “Mangyari po, ipinagtanggol kami ng isang Egipcio laban sa mga pastol. Isinalok niya kami ng tubig at pagkatapos pinainom pa niya ang kawan,” sagot nila.
20 “Nasaan siya? Bakit di ninyo isinama rito at nang makasalo natin sa pagkain?” tanong ng ama. At ipinatawag nga si Moises.
21 Mula noon, doon na nanirahan si Moises at ipinakasal sa kanya ni Jetro ang anak nitong si Zipora. 22 Dumating ang araw na si Zipora'y nanganak ng isang lalaki. Sabi ni Moises, “Ako'y dayuhan sa lupang ito, kaya tatawagin kong Gersom[a] ang batang ito.”
23 Pagkalipas ng mahabang panahon, namatay ang Faraon ngunit dumaraing pa rin ang mga Israelita sa patuloy na pang-aalipin sa kanila ng mga Egipcio. 24 Narinig(B) ng Diyos ang kanilang daing at naalala niya ang ginawa niyang kasunduan kina Abraham, Isaac at Jacob. 25 Nakita niya ang kalagayan ng mga Israelita at siya'y nahabag sa kanila.
9 Ngunit(A) kayo ay isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. 10 Kayo'y(B) hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon ay hindi kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap na kayo ng kanyang habag.
Maging mga Alipin ng Diyos
11 Mga minamahal, nakikiusap ako sa inyo, bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan lamang sa daigdig na ito, talikuran na ninyo ang mga pagnanasa ng laman na nakikidigma sa inyong mga sarili. 12 Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na paratangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang pagdating.
by