Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 118:1-2

Awit ng Pagtatagumpay

118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

Mga Awit 118:19-29

19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.

20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!

21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.

22 Ang(A) (B) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(C) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.

26 Pinagpala(D) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.

28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.

Mateo 21:1-11

Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)

21 Nang malapit na sila sa Jerusalem, dumaan sila sa Bethfage, sa Bundok ng mga Olibo. Inutusan ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa susunod na nayon at makikita ninyo kaagad doon ang isang babaing asno na nakatali, kasama ang kanyang anak. Kalagan ninyo ang mga iyon at dalhin sa akin. Kapag may nagtanong sa inyo, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon at ibibigay niya agad ang mga iyon sa inyo.”

Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta:

“Sa(B) lungsod[a] ng Zion ay ipahayag ninyo,
    ‘Tingnan mo, ang iyong hari ay dumarating.
Siya'y mapagpakumbaba; masdan mo't siya'y nakasakay sa isang asno,
    at sa isang bisiro na anak ng asno.’”

Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Jesus. Dinala nila kay Jesus ang asno at ang bisiro, at isinapin sa likod ng mga ito ang kanilang balabal at sumakay si Jesus. Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; mayroon namang pumutol ng mga sanga ng kahoy at ito'y inilatag sa daan. Nagsisigawan(C) ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya. Sigaw nila, “Purihin ang anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!”[b]

10 Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lungsod. “Sino kaya ito?” tanong nila. 11 “Si Jesus, ang propetang taga-Nazaret sa Galilea,” sagot ng karamihan.

Isaias 50:4-9

Ang Pagsunod ng Lingkod ni Yahweh

Ang Panginoong Yahweh ang nagturo sa akin ng aking sasabihin,
    para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga'y nananabik akong malaman
    kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa,
    hindi ako naghimagsik
    o tumalikod sa kanya.
Hindi(A) ako gumanti nang bugbugin nila ako,
    hindi ako kumibo nang insultuhin nila ako.
Pinabayaan ko silang bunutin ang aking balbas
    at luraan ang aking mukha.

Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin,
    sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis,
    sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya.
Ang(B) Diyos ay malapit,
    at siya ang magpapatunay na wala akong sala.
May mangangahas bang ako'y usigin?
    Magharap kami sa hukuman,
    at ilahad ang kanyang paratang.
Ang Panginoong Yahweh mismo ang magtatanggol sa akin.
    Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala?
Mawawalang lahat ang nagbibintang sa akin,
    tulad ng damit na nginatngat ng insekto.

Mga Awit 31:9-16

O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
    sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
    buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
    dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
    pati mga buto ko'y naaagnas na rin.

11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
    hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
    kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
    parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
    mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
    plano nilang ako ay patayin.

14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
    ikaw ang aking Diyos na dakila!

15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
    iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
    sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.

Filipos 2:5-11

Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.

Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos,
    hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.
Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos,
    at namuhay na isang alipin.
Ipinanganak siya bilang tao.
    At nang siya'y maging tao,
nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
    maging ito man ay kamatayan sa krus.
Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
    at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
10 Sa(A) gayon, sa pangalan ni Jesus
    ay luluhod at magpupuri ang lahat
    ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.[a]
11 At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Mateo 26:14-27:66

Nakipagkasundo si Judas na Ipagkanulo si Jesus(A)

14 Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong pari. 15 “Ano(B) po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Jesus?” tanong niya. Noon di'y binayaran nila si Judas ng tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Jesus.

Paghahanda sa Pista ng Paskwa(C)

17 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”

18 Sumagot siya, “Puntahan ninyo sa lungsod ang isang tao at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi po ng Guro na sumapit na ang kanyang oras. Siya at ang mga alagad niya'y sa bahay ninyo kakain ng hapunang pampaskwa.’”

19 Sinunod ng mga alagad ang utos ni Jesus, at doo'y inihanda nga nila ang hapunang pampaskwa.

20 Nang gabing iyon, dumulog sa hapag si Jesus, kasama ang Labindalawa.[a] 21 Sinabi ni Jesus habang sila'y kumakain, “Tinitiyak ko sa inyo, ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo!”

22 Nanlumo ang mga alagad, at isa-isang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”

23 Sumagot(D) si Jesus, “Ang kasabay kong nagsawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. 24 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak!”

25 Si Judas na magkakanulo sa kanya ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsabi niyan.”

Ang Banal na Hapunan(E)

26 Habang sila'y kumakain, dumampot si Jesus ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay pinaghati-hati niya iyon, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo ito at kainin. Ito ang aking katawan.”

27 Pagkatapos, dumampot siya ng kopa, nagpasalamat sa Diyos at ibinigay iyon sa kanila. Sinabi niya, “Kayong lahat ay uminom nito 28 sapagkat(F) ito ang aking dugo na katibayan ng tipan[b] ng Diyos. Ito ang aking dugong ibinubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng marami.

29 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago na kasalo ninyo sa kaharian ng aking Ama.”

30 At pagkaawit ng isang himno, sila'y nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.

Paunang Sinabi ang Pagkakaila ni Pedro(G)

31 Sinabi(H) ni Jesus sa kanila, “Sa gabing ito, ako'y iiwan ninyong lahat, gaya ng sinasabi sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’ 32 Ngunit(I) pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

33 Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”

34 Sumagot si Jesus, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” 35 Ngunit sinabi ni Pedro, “Kahit na ako'y patayin kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat ng alagad.

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(J)

36 Isinama ni Jesus ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanila, “Dito muna kayo't mananalangin ako sa dako roon.” 37 Ngunit isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban, 38 kaya't sinabi niya sa kanila, “Ako'y halos mamatay sa tindi ng kalungkutan. Maghintay kayo rito at samahan ninyo ako sa pagpupuyat!”

39 Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari.”

40 Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? 41 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”

42 Muli siyang lumayo at nanalangin, “Ama ko, kung hindi po maaaring maialis ang kopang ito malibang inumin ko, mangyari nawa ang inyong kalooban.” 43 Muli siyang nagbalik at nakita na naman niyang natutulog sila, sapagkat sila'y antok na antok.

44 Iniwan niyang muli ang tatlong alagad at siya'y nanalangin, at iyon din ang kanyang sinabi. 45 Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. 46 Bangon! Halina kayo, narito na ang nagkakanulo sa akin.”

Ang Pagdakip kay Jesus(K)

47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas, na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at pamalo; isinugo sila ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan. 48 Bago pa sila dumating doon, sinabi na ng taksil sa kanyang mga kasama, “Kung sinong hahalikan ko, siya ang dakpin ninyo.”

49 Nilapitan niya agad si Jesus at binati, “Magandang gabi po, Guro,” saka hinalikan.

50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.”[c] At siya'y nilapitan nila at dinakip.

51 Bumunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Jesus at tinaga ang utusan ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon.

52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan! Ang nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay. 53 Hindi mo ba alam na kung hihingi ako ng tulong sa aking Ama ay papadalhan agad niya ako ng higit sa labindalawang batalyon ng mga anghel? 54 Ngunit paano matutupad ang mga Kasulatan na nagsasabing ito'y dapat mangyari?”

55 Pagkatapos(L) sinabi niya sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may mga tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw, nakaupo akong nagtuturo sa Templo, ngunit hindi ninyo ako dinakip.

56 Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.”

Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa.

Si Jesus sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio(M)

57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong pari; doon nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng bayan. 58 Sumunod si Pedro, ngunit hindi gaanong lumalapit. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong pari, pumasok siya sa bakuran at naupo sa patyo kasama ng mga bantay. Nais niyang makita kung ano ang mangyayari.

59 Samantala, ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio ay naghahanap ng maling paratang laban kay Jesus upang siya'y maipapatay, 60 ngunit wala silang nakita kahit na maraming humarap na sinungaling na saksi laban sa kanya. Sa wakas, may dalawang humarap 61 at(N) nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya daw niyang gibain ang Templo ng Diyos at muli itong itayo sa loob ng tatlong araw.”

62 Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi kay Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang na ito laban sa iyo?” 63 Ngunit hindi umimik si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng pinakapunong pari, “Iniuutos ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.”

64 Sumagot(O) si Jesus, “Kayo na ang nagsabi. At sinasabi ko sa inyo, di na magtatagal at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa alapaap!”

65 Pagkarinig(P) nito, pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at sinabi, “Nilapastangan niya ang Diyos! Hindi na natin kailangan ng mga saksi. Narinig ninyo ngayon ang kanyang paglapastangan! 66 Ano ang pasya ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay!”

67 Dinuraan(Q) nila si Jesus sa mukha at pinagsusuntok. Pinagsasampal naman siya ng iba, 68 at kinutya, “Hoy, Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”

Ikinaila ni Pedro si Jesus(R)

69 Samantala, si Pedro ay nakaupo noon sa patyo. Nilapitan siya ng isang utusang babae at sinabi sa kanya, “Kasamahan ka rin ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?”

70 Ngunit nagkaila si Pedro sa harap ng lahat. “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo,” sagot niya.

71 Pumunta siya sa may pintuan at nakita siya ng isa pang utusang babae. Sinabi nito sa mga naroon, “Ang taong ito'y kasamahan ni Jesus na taga-Nazaret.”

72 Muling nagkaila si Pedro, “Isinusumpa ko, hindi ko kakilala ang taong iyon!”

73 Makalipas ang ilang sandali, lumapit kay Pedro ang mga naroon. Sabi nila, “Isa ka nga sa mga tauhan niya. Nahahalata ka sa punto ng iyong pagsasalita.”

74 Sumagot si Pedro, “Parusahan nawa ako ng Diyos kung nagsisinungaling ako! Hindi ko kilala ang taong iyan.” Pagkasabing-pagkasabi nito, tumilaok ang manok. 75 Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” Lumabas siya at tumangis nang buong kapaitan.

Dinala si Jesus kay Pilato(S)

27 Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong pari at mga pinuno ng bayan[d] kung paano nilang maipapapatay si Jesus. Siya'y kanilang iginapos at dinala kay Pilato na gobernador.

Ang Pagkamatay ni Judas(T)

Nang(U) malaman ng taksil na si Judas na si Jesus ay nahatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong pari at mga pinuno ng bayan ang tatlumpung pirasong pilak. Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang dugo ng taong walang kasalanan.”

“Ano ang pakialam namin sa iyo? Bahala ka sa buhay mo!” sagot nila.

Inihagis ni Judas sa loob ng Templo ang tatlumpung pirasong pilak, at pagkaalis doon, siya'y nagbigti.

Pinulot ng mga punong pari ang mga pirasong pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo sapagkat bayad ito sa buhay ng isang tao.” Nagkaisa sila na ang salaping iyon ay ibili ng bukid ng isang magpapalayok, upang gawing libingan ng mga dayuhan. Mula noon hanggang ngayon, ang bukid na iyon ay tinatawag na “Bukid ng Dugo.”

Sa(V) gayon, natupad ang sinabi ni propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halagang katumbas niya ayon sa mga Israelita, 10 at ginamit ito upang bilhin ang bukid ng isang magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”

Si Jesus sa Harap ni Pilato(W)

11 Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”

Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang may sabi.” 12 Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik.

13 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang marami nilang paratang laban sa iyo?” 14 Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.

Hinatulang Mamatay si Jesus(X)

15 Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan. 16 Noon ay may isang kilalang bilanggo na kilala sa kasamaan na ang pangalan ay [Jesus] Barabbas.[e] 17 Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na ‘Cristo’?” 18 Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus.

19 Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa usapin ng taong iyan. Wala siyang kasalanan. Labis akong nahirapan dahil sa aking panaginip kagabi tungkol sa kanya.”

20 Ang mga tao nama'y hinikayat ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan[f] na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay. 21 Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?”

“Si Barabbas!” sigaw ng mga tao.

22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?”

At sumagot ang lahat, “Ipako siya sa krus!”

23 “Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” tanong ni Pilato.

Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!”

24 Nang(Y) makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo[g] ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!” sabi niya.

25 Sumagot naman ang mga tao, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo[h] niya.”

26 Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.

Hinamak ng mga Kawal si Jesus(Z)

27 Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo nito,

at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. 28 Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. 29 Kumuha sila ng matitinik na baging, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y niluhud-luhuran nila at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(AA)

32 Paglabas ng lungsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” 34 Binigyan(AB) nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.

35 Nang(AC) maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36 naupo sila at siya'y binantayan. 37 Inilagay nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya na may nakasulat na ganito, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” 38 At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.

39 Kinukutya(AD) siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40 sinasabi,(AE) “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”

41 Kinutya rin siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan.[i] Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang sarili! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43 Nananalig(AF) siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”

44 Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.

Ang Pagkamatay ni Jesus(AG)

45 Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. 46 Nang(AH) mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eli, Eli, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

47 Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” 48 May(AI) isang tumakbo kaagad at kumuha ng espongha, binasâ ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus.

49 Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!”

50 Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga.

51 Biglang(AJ) nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. 53 Lumabas sila ng libingan, at pagkatapos na muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doo'y marami ang nakakita sa kanila.

54 Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!”

55 Naroon(AK) din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Sila'y sumunod kay Jesus mula pa sa Galilea, at naglingkod sa kanya. 56 Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo.

Ang Paglilibing kay Jesus(AL)

57 Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. 58 Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. 59 Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. 60 Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. 61 Naroon sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria na nakaupo sa tapat ng libingan.

Ang mga Bantay sa Libingan

62 Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. 63 Sinabi(AM) nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. 64 Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.”

65 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.”

66 Kaya pumunta nga sila roon at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan, nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa kawal.

Mateo 27:11-54

Si Jesus sa Harap ni Pilato(A)

11 Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”

Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang may sabi.” 12 Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik.

13 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang marami nilang paratang laban sa iyo?” 14 Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.

Hinatulang Mamatay si Jesus(B)

15 Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan. 16 Noon ay may isang kilalang bilanggo na kilala sa kasamaan na ang pangalan ay [Jesus] Barabbas.[a] 17 Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na ‘Cristo’?” 18 Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus.

19 Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa usapin ng taong iyan. Wala siyang kasalanan. Labis akong nahirapan dahil sa aking panaginip kagabi tungkol sa kanya.”

20 Ang mga tao nama'y hinikayat ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan[b] na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay. 21 Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?”

“Si Barabbas!” sigaw ng mga tao.

22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?”

At sumagot ang lahat, “Ipako siya sa krus!”

23 “Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” tanong ni Pilato.

Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!”

24 Nang(C) makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo[c] ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!” sabi niya.

25 Sumagot naman ang mga tao, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo[d] niya.”

26 Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.

Hinamak ng mga Kawal si Jesus(D)

27 Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo nito,

at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. 28 Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. 29 Kumuha sila ng matitinik na baging, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y niluhud-luhuran nila at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(E)

32 Paglabas ng lungsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” 34 Binigyan(F) nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.

35 Nang(G) maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36 naupo sila at siya'y binantayan. 37 Inilagay nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya na may nakasulat na ganito, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” 38 At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.

39 Kinukutya(H) siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40 sinasabi,(I) “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”

41 Kinutya rin siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan.[e] Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang sarili! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43 Nananalig(J) siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”

44 Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.

Ang Pagkamatay ni Jesus(K)

45 Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. 46 Nang(L) mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eli, Eli, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

47 Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” 48 May(M) isang tumakbo kaagad at kumuha ng espongha, binasâ ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus.

49 Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!”

50 Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga.

51 Biglang(N) nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. 53 Lumabas sila ng libingan, at pagkatapos na muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doo'y marami ang nakakita sa kanila.

54 Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!”