Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Asawa at mga Anak ni Hosea
2 Nang unang mangusap si Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya, “Mag-asawa ka ng isang babaing nakikipagtalik sa iba-ibang mga lalaki. Magkaroon ka ng mga anak sa kanya. Sapagkat katulad din ng babaing iyan, ang mga tao sa lupaing ito ay nagtaksil sa akin.”
3 Napangasawa nga ni Hosea si Gomer na anak ni Diblaim. Di nagtagal, ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki. 4 Sinabi(A) ni Yahweh kay Hosea, “Jezreel[a] ang ipapangalan mo sa bata sapagkat paparusahan ko ang sambahayan ni Jehu dahil sa maramihang pagpaslang sa Jezreel at wawakasan ko ang kaharian ng Israel. 5 Sa araw na iyon, wawasakin ko sa libis ng Jezreel ang lakas ng hukbong Israel.”
6 Naglihing muli si Gomer at isang babae naman ang kanyang naging anak. Sabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siyang Lo-ruhama[b] sapagkat hindi ko na kahahabagan ni patatawarin man ang Israel. 7 Ngunit kahahabagan ko ang sambahayan ni Juda. Ililigtas ko sila, subalit hindi sa pamamagitan ng pana, tabak, digmaan, mga kabayo, ni ng mga mangangabayo man, kundi sa pamamagitan ng sarili kong kapangyarihan.”
8 Nang si Lo-ruhama ay mahiwalay na sa pagpapasuso ng ina, naglihi muli si Gomer at nagsilang ng isang lalaki. 9 At sinabi ni Yahweh, “Tawagin mo siyang Lo-ammi,[c] sapagkat ang Israel ay hindi ko na ituturing na aking bayan at hindi na ako ang kanilang Diyos.”
Ang Israel ay Panunumbalikin
10 Gayunma'y(B) magiging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga taga-Israel, hindi mabibilang dahil sa sobrang dami. Ngayo'y sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi ko bayan,” ngunit darating ang panahon na sasabihin sa kanila, “Kayo ang mga anak ng Diyos na buháy.”
Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
2 Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[a]
3 Ang taglay mong poot sa ginawa nila'y iyo nang inalis,
tinalikdan mo na at iyong nilimot ang matinding galit.
4 Panumbalikin mo kami, Diyos ng aming kaligtasan,
ang pagkamuhi sa amin ay iyo nang wakasan.
5 Ang pagkagalit mo at poot sa ami'y wala bang hangganan?
Di na ba lulubag, di ba matatapos ang galit mong iyan?
6 Ibangon mo kami, sana'y ibalik mo ang nawalang lakas,
at kaming lingkod mo ay pupurihin ka na taglay ang galak.
7 Kaya ngayon, Yahweh, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas.
Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas.
8 Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
9 Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.
Ang Ganap na Pamumuhay kay Cristo
6 Yamang tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo na may pakikipag-isa sa kanya. 7 Magpakatatag kayo at isalig ninyo sa kanya ang inyong buhay. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos.
8 Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhang karunungan at pandaraya na ayon sa mga tradisyon ng mga tao at mga alituntunin ng mundong ito, at ang mga ito ay hindi ayon kay Cristo. 9 Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo sa kanyang pagiging tao. 10 Kaya't nalubos ang inyong buhay sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala.
11 Dahil sa pakikipag-isa kay Cristo, kayo'y tinuli hindi sa laman kundi sa pagwawaksi ng masamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo. 12 Sa(A) pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. 13 Kayong(B) dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi saklaw ng pagtutuli ayon sa Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan at 14 pinawalang-bisa(C) ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus. 15 Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay.
16 Kaya't(A) huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. 17 Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito. 18 Huwag kayong magpapatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ipinagmamalaki nilang sila'y nakakahigit sa inyo dahil sa kanilang mga pangitain. Ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila dala ng kanilang isipang makalaman. 19 Hindi(B) sila nagpapasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan. Nakaugnay sa kanya ang mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad sa buong katawan ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos.
Katuruan tungkol sa Pananalangin(A)
11 Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo,
‘Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.
Dumating nawa ang iyong kaharian.
3 Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw.[a]
4 At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming hayaang matukso.’”
5 Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo'y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, ‘Kaibigan, pahiram muna ng tatlong tinapay. 6 Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ 7 At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, ‘Huwag mo akong gambalain! Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng kahit ano.’ 8 Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. 9 Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 11 Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? 13 Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak. Lalo na ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”[b]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.