Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.
30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
2 Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
at ako nama'y iyong pinagaling.
3 Hinango mo ako mula sa libingan,
at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.
4 Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
5 Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.
6 Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
“Kailanma'y hindi ako matitinag.”
7 Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.
8 Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
nagsumamo na ako ay tulungan:
9 “Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”
11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
Pagluluksa ko ay iyong inalis,
kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.
18 At lumaki ang bata. Isang araw, sumunod ito sa kanyang ama kasama ang iba pang gumagapas sa bukid. 19 Bigla na lamang dumaing ang bata na masakit ang kanyang ulo. Sinabi ng ama sa isang katulong, “Iuwi mo na siya sa kanyang ina.” 20 Sumunod naman ang inutusan at inilagay ang bata sa kandungan ng ina nito. Ngunit nang magtatanghaling-tapat, namatay ang bata. 21 Ang bangkay ay ipinasok ng ina sa silid ni Eliseo. Inilagay niya ito sa higaan, isinara ang pinto at dali-daling lumabas.
22 Tinawag niya ang kanyang asawa at sinabi, “Madali ka! Pagayakin mo ang isang utusan at ipahanda ang isang asnong masasakyan ko. Pupunta ako sa lingkod ng Diyos.”
23 “Anong gagawin mo roon?” tanong ng asawa. “Hindi ngayon Araw ng Pamamahinga at hindi rin Kapistahan ng Bagong Buwan.”
“Kahit na. Kailangan ko siyang makausap,” sagot ng babae. 24 Nang maihanda na ang asno, dali-dali siyang sumakay at sinabi sa kanyang katulong, “Sige, pabilisin mo ang asno at huwag mong pababagalin hanggang hindi ko sinasabi sa iyo.” 25 At naglakbay sila, papunta sa Bundok ng Carmel sa kinaroroonan ni Eliseo.
Nasa daan pa lamang, natanaw na sila ni Eliseo. Sinabi nito kay Gehazi, “Dumarating ang Sunamita. 26 Salubungin mo. Kumustahin mo siya, ang kanyang asawa at ang kanyang anak.”
Nang kumustahin ni Gehazi, sumagot ang babae, “Mabuti po.” 27 Paglapit niya kay Eliseo, nagpatirapa ang babae at hinawakan ang mga paa ni Eliseo.
Itutulak sanang palayo ni Gehazi ang babae ngunit sinabi ni Eliseo, “Pabayaan mo siya. Tiyak na may malaki siyang problema. Hindi pa lang ipinapaalam sa akin ni Yahweh.”
28 Sinabi ng babae, “Humingi ba ako sa inyo ng anak? Hindi ba't sinabi kong huwag na ninyo akong paasahin?”
29 Nilingon ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Magbalabal ka. Dalhin mo ang aking tungkod at tumakbo ka. Kapag may nakasalubong ka sa daan, huwag mong babatiin. Kapag may bumati sa iyo, huwag mong papansinin. Tumuloy ka sa bahay nila at ipatong mo ang tungkod sa mukha ng bata.”
30 Sinabi ng Sunamita, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] at hangga't buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.” Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya.
31 Samantala, nauna si Gehazi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, bumalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po nagising ang bata.”
Paano Dapat Magbigay ang Isang Cristiano?
8 Mga(A) kapatid, nais naming malaman ninyo ang ipinakitang kagandahang-loob ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia. 2 Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay. 3 Sila'y kusang-loob na nagbigay, hindi lamang sa abot ng kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito sapagkat 4 mahigpit nilang ipinakiusap sa amin na sila'y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatid na nangangailangan, 5 at higit pa sa inaasahan namin. Ibinigay nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos ay sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos. 6 Kaya't pinakiusapan namin si Tito, dahil siya ang nagsimula ng gawaing ito, na kayo'y tulungan niya hanggang sa malubos ang pagkakawanggawa ninyong ito. 7 Masagana kayo sa lahat ng bagay: sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin.[a] Sikapin ninyong maging masagana rin sa pagkakawanggawang ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.