Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Zion, ang Bayan ng Diyos
Awit na katha ng angkan ni Korah.
48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
2 Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
3 Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bayan.
4 Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
5 Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
pawang nagsitakas at nahintakutan.
6 Ang nakakatulad ng pangamba nila
ay pagluluwal ng butihing ina.
7 Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.
8 Sa banal na lunsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[a]
9 Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11 Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.
12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13 ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14 na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
sa buong panahon siya ang patnubay.
Muling Titipunin ang mga Natirang Israelita
14 Sinabi sa akin ni Yahweh, 15 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kapatid mo at mga dinalang-bihag tulad mo, ang buong sambahayan ni Israel, ay pinagsabihan ng mga nakatira ngayon sa Jerusalem ng, ‘Lumayo kayo kay Yahweh, ang lupaing ito'y ibinigay na sa amin.’ 16 Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Pinangalat ko sila sa iba't ibang dako kaya maaari nila akong sambahing pansamantala saanman sila napatapon.’ 17 Sabihin mo na muli ko silang titipunin mula sa mga bansang kinatapunan nila at ibibigay kong muli sa kanila ang lupain. 18 At pagbalik nila roon, aalisin nila ang mga kasuklam-suklam na mga bagay roon. 19 Bibigyan(A) ko sila ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin nilang puso ay papalitan ko ng pusong masunurin 20 upang lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin at sumunod sa aking mga utos. Sa gayon, magiging bayan ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos. 21 Ngunit pagbabayarin ko ang mga gumawa ng karumal-dumal at kasuklam-suklam na bagay.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.
Inalis ng Panginoong Yahweh ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem
22 Pumaitaas(B) ang mga kerubin, kasama ang mga gulong, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila. 23 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa lunsod at nagpunta sa ibabaw ng bundok sa gawing silangan. 24 Inilipad ako ng Espiritu[a] at sa pamamagitan ng pangitain ay dinala ako sa Babilonia, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Doon natapos ang pangitain. 25 At sinabi ko sa mga dinalang-bihag ang lahat ng ipinakita sa akin ni Yahweh sa pamamagitan ng pangitain.
12 Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin.
13 Kaya nga, kami ay nangangaral hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Ang ipinapaliwanag namin ay mga katotohanang espirituwal para sa mga nagtataglay ng Espiritu. 14 Sapagkat ang taong hindi nagtataglay ng Espiritu ay hindi kayang tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. 15 Nauunawaan ng taong nagtataglay ng Espiritu ang kahalagahan ng lahat ng bagay, ngunit hindi siya nauunawaan ng taong hindi nagtataglay ng Espiritu.
16 “Sino(A) ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang makapagpapayo sa kanya?”
Ngunit nasa atin[a] ang pag-iisip ni Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.