Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26 Iba't(A) ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
samantalang ang Leviatang[a] nilikha mo'y kaagapay.
27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29 Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.
31 Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32 Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.
33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.
35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.
Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!
Si Yahweh Lamang ang Diyos
44 Sinabi ni Yahweh,
“Ikaw Jacob, na lingkod ko, ako ay pakinggan;
lahi ni Israel, ang pinili kong bayan!
2 Akong si Yahweh ang sa iyo ay lumalang;
tinulungan na kita mula nang ikaw ay isilang.
Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod,
ang bayan kong minamahal.
3 Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa,
sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin.
Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu,
at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain.
4 Sila ay sisibol tulad ng damong sagana sa tubig,
sila'y dadaloy tulad ng halaman sa tabi ng batis.
7 Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. 8 Ang nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan. 9 Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.