Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Santiago 5:13-20

Ang Panalanging may Pananampalataya

13 Mayroon bang nahihirapan sa inyo? Manalangin siya. Mayroon bang masaya sa inyo? Magpuri siya.

14 Mayroon bang may sakit sa inyo? Tawagin niya ang mga matanda sa iglesiya upang siya ay kanilang ipanalangin at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Ang panalanging may pananampalataya ay makakapagpagaling sa taong maysakit at siya ay ibabangon ng Panginoon. Kung mayroon siyang naga­wang mga pagkakasala, siya ay patatawarin. 16 Ipahayag ninyo ang inyong mga pagsalangsang sa isa’t isa. Manalangin kayo para sa isa’t isa, upang gumaling kayo. Ang mabisa at taimtim na panalangin ng taong matuwid ay higit na malaki ang magagawa.

17 Si Elias ay taong may damdamin ding tulad natin. Mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan at hindi nga umulan sa lupa sa loob ng tatlo at kalahating taon. 18 Muli siyang nanalangin at ang langit ay nagbuhos ng ulan, at ang lupa ay nagbigay ng ani.

19 Mga kapatid, kung ang isa sa inyo ay lumihis sa katotohanan, maaring siya ay mapanumbalik ng isa sa inyo. 20 Dapat malaman ng nagpanumbalik sa makasalanan mula sa pagkakaligaw na maililigtas niya ang isang kaluluwa mula sa kamatayan. Siya ay magtatakip ng maraming kasalanan.

Marcos 9:38-50

Sinumang Hindi Laban sa Atin ay Panig sa Atin

38 Sumagot sa kaniya si Juan: Guro, nakita namin ang isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan mo. Ngunit hindi siya sumusunod sa atin. Pinag­bawalan namin siya sapagkat hindi siya sumusunod sa atin.

39 Ngunit sinabi ni Jesus: Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat walang taong gumagawa ng himala sa pangalan ko at makakapagsalita agad ng masama laban sa akin. 40 Ito ay sapagkat ang hindi laban sa inyo ay panig sa inyo. 41 Dahil kayo ay kay Cristo maaaring may magbigay sa inyo ng isang basong tubig sa pangalan ko. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tiyak na hindi mawawalan ng gantimpala ang taong iyon.

Ang Sanhi ng Pagkakasala

42 Ang sinuman ay maaaring maging sanhi ng pagkatisod ng isa sa mga maliliit na ito na nananampalataya sa akin. Mabuti pa sa kaniya na talian ng gilingang-bato sa leeg at itapon siya sa dagat.

43 Kapag ang kamay mo ang naging sanhi ng iyong pagkakatisod, putulin mo ito. Mabuti pa sa iyo na pumasok sa buhay na putol ang isang kamay kaysa may dalawang kamay na pumunta sa impiyerno. Ang apoy doon ay hindi namamatay. 44 Doon ay hindi namamatay ang kanilang uod at hindi namamatay ang apoy. 45 Gayundin kapag ang isang paa mo ang naging sanhi ng iyong pagkakatisod, putulin mo ito. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na putol ang isang paa kaysa may dalawang paa na itapon sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. 46 Doon ay hindi namamatay ang kanilang uod at hindi namamatay ang apoy. 47 Kapag ang mata mo ang naging sanhi ng iyong pagkakatisod, dukitin mo ito. Mabuti pa sa iyo na pumasok sa paghahari ng Diyos na iisa ang mata kaysa may dalawang mata na itapon sa impiyerno ng apoy.

48 Doon ay hindi namamatay ang kanilang uod at hindi namamatay ang apoy.

49 Ito ay sapagkat ang bawat isa ay aasnan ng apoy at ang bawat hain ay aasnan ng asin.

50 Mabuti ang asin, ngunit kapag ito ay tumabang, paano pa ito muling aalat? Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili at magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa’t isa.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International