Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Jesus ba ang Mesiyas?
25 Sinabi nga ng ilan sa mga taga-Jerusalem: Hindi ba siya ang kanilang hinahanap upang patayin?
26 Narito, siya ay hayagang nagsasalita at wala silang sinasabi sa kaniya. Totoo kayang kinikilala ng mga namumuno na ito nga ang Mesiyas? 27 Alam natin kung saan nagmula ang taong ito. Ngunit kapag dumating ang Mesiyas ay walang nakakaalam kung saan siya nagmula.
28 Sa malakas na tinig nga ay nagtuturo si Jesus sa templo. Kaniyang sinabi: Kilala ninyo ako at alam ninyo ang aking pinagmulan. Hindi ako narito nang sa sarili ko lamang. Subalit siya na nagsugo sa akin ay totoo. Hindi ninyo siya kilala. 29 Kilala ko siya dahil ako ay mula sa kaniya at ako ay sinugo niya.
30 Humahanap nga sila ng pagkakataon upang hulihin siya ngunit walang humuli sa kaniya dahil hindi pa dumarating ang kaniyang oras. 31 Marami sa mga tao ang sumampalataya sa kaniya. Kanilang sinabi: Kapag dumating ang Mesiyas, gagawa ba siya ng mas maraming tanda? Mas marami pa kaya kaysa sa ginawa ng lalaking ito?
32 Nang nag-usap-usap ang mga tao patungkol sa kaniya, narinig ito ng mga Fariseo. Ang mga Fariseo at ang mga pinunong-saserdote ay nagsugo ng mga tanod ng templo upang hulihin siya.
33 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: Makakasama pa ninyo ako ng maikling panahon. Pagkatapos, ako ay pupunta sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin ninyo ako at hindi ninyo ako matatagpuan. Hindi kayo makakapunta sa kinaroroonan ko.
35 Ang mga Judio nga ay nag-usap-usap: Saan ba siya papunta na hindi natin siya matatagpuan? Siya ba ay pupunta sa mga Judio na kumalat sa mga Griyego at tuturuan ang mga Griyego? 36 Ano ang salitang ito na sinabi niyang, hahanapin ninyo ako at hindi ninyo ako matatagpuan. Hindi kayo makakapunta sa paroroonan ko.
Copyright © 1998 by Bibles International