Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pag-akyat.
125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay gaya ng bundok ng Zion,
na hindi makikilos kundi nananatili sa buong panahon.
2 Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem,
gayon ang Panginoon ay nakapalibot sa kanyang bayan,
mula sa panahong ito at magpakailanman.
3 Sapagkat ang setro ng kasamaan ay hindi mananatili
sa lupaing iniukol sa mga matuwid;
upang hindi iunat ng mga matuwid
ang kanilang mga kamay sa paggawa ng masama.
4 Gawan mo ng mabuti ang mabubuti, O Panginoon,
at ang matutuwid sa kanilang mga puso.
5 Ngunit ang mga lumilihis sa kanilang masasamang lakad,
ay itataboy ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
Dumating nawa ang kapayapaan sa Israel!
Nagkita sina Elias at Obadias
18 Pagkaraan ng maraming araw, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias nang ikatlong taon, na nagsasabi, “Humayo ka. Magpakita ka kay Ahab at ako'y magpapaulan sa lupa.”
2 Kaya't si Elias ay humayo at nagpakita kay Ahab. Noon, ang taggutom ay malubha sa Samaria.
3 Tinawag ni Ahab si Obadias na siyang katiwala sa bahay. (Si Obadias nga ay lubhang natatakot sa Panginoon.
4 Sapagkat nang itiwalag ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon, kumuha si Obadias ng isandaang propeta, at ikinubli na lima-limampu sa isang yungib, at pinakain sila ng tinapay at tubig.)
5 At sinabi ni Ahab kay Obadias, “Libutin mo ang lupain, hanggang sa lahat ng mga bukal ng tubig at mga libis. Marahil tayo'y makakatagpo ng damo, at maililigtas nating buháy ang mga kabayo at mga mola upang huwag tayong mawalan ng hayop.”
6 Kaya't pinaghatian nila ang lupain sa gitna nila upang lakarin. Si Ahab ay lumakad ng kanyang sarili sa isang daan, at si Obadias ay lumakad ng kanyang sarili sa kabilang daan.
7 Samantalang si Obadias ay nasa daan, nakasalubong siya ni Elias. Kanyang nakilala siya, at nagpatirapa, at nagsabi, “Ikaw ba iyan, ang panginoon kong Elias?”
8 Siya'y sumagot sa kanya, “Ako nga. Humayo ka. Sabihin mo sa iyong panginoon, narito si Elias.”
9 At kanyang sinabi, “Saan ako nagkasala at ibibigay mo ang iyong lingkod sa kamay ni Ahab upang ako'y patayin?”
10 Habang buháy ang Panginoon mong Diyos, walang bansa o kaharian man na roo'y hindi ka hinanap ng aking panginoon. Kapag kanilang sinasabi, ‘Siya'y wala rito, kanyang pinasusumpa ang kaharian at bansa na hindi kinatatagpuan sa iyo.
11 At ngayo'y iyong sinasabi, ‘Humayo ka, sabihin mo sa iyong panginoon na narito si Elias.’
12 Pagkaalis na pagkaalis ko sa iyo, dadalhin ka ng Espiritu ng Panginoon sa hindi ko nalalaman; at kapag ako'y pumaroon at sabihin ko kay Ahab, at hindi ka niya natagpuan, papatayin niya ako, bagaman akong iyong lingkod ay may takot sa Panginoon mula pa sa aking pagkabata.
13 Hindi pa ba nasabi sa aking panginoon, kung ano ang aking ginawa nang patayin ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon? Kung paanong itinago ko ang isandaan sa mga propeta ng Panginoon, lima-limampu sa isang yungib, at pinakain ko sila ng tinapay at tubig?
14 Ngayo'y iyong sinasabi, ‘Humayo ka, sabihin mo sa iyong panginoon, “Narito si Elias”’; papatayin niya ako.”
15 At sinabi ni Elias, “Habang buháy ang Panginoon ng mga hukbo, na sa harap niya'y nakatayo ako, ako'y tiyak na magpapakita sa kanya ngayon.”
Nagkita si Elias at si Ahab
16 Sa gayo'y humayo si Obadias upang salubungin si Ahab, at sinabi sa kanya. At si Ahab ay humayo upang salubungin si Elias.
17 Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi ni Ahab sa kanya, “Ikaw ba iyan, ikaw na nanggugulo sa Israel?”
18 Siya'y sumagot, “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel; kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama, sapagkat inyong tinalikuran ang mga utos ng Panginoon, at sumunod sa mga Baal.
Ang Buong Kasuotang Pandigma
10 Sa kahuli-hulihan, patuloy kayong magpakalakas sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang lakas.
11 Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang kayo'y makatagal laban sa mga pakana ng diyablo.
12 Sapagkat ang ating pakikipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espirituwal ng kasamaan sa kalangitan.
13 Kaya't kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa araw na masama, at kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag.
14 Kaya't(A) tumindig kayo, na ang inyong mga baywang ay nabibigkisan ng katotohanan na suot ang baluti ng katuwiran,
15 at(B) nakasuot sa inyong mga paa ang pagiging handa para sa ebanghelyo ng kapayapaan.
16 Kasama ng lahat ng mga ito, taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na sa pamamagitan nito ay inyong masusugpo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama.
17 At(C) taglayin ninyo ang helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Diyos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001