Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
VAU.
41 O Panginoon, paratingin mo rin sa akin ang iyong tapat na pagsuyo,
ang iyong pagliligtas ayon sa iyong pangako;
42 sa gayo'y may maisasagot ako sa mga taong sa aki'y umaalipusta,
sapagkat ako'y nagtitiwala sa iyong salita.
43 At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan mula sa bibig ko,
sapagkat ako'y umasa sa mga batas mo.
44 Lagi kong susundin ang iyong kautusan,
magpakailanpaman.
45 At lalakad ako na may kalayaan;
sapagkat aking hinanap ang iyong mga panuntunan.
46 Magsasalita rin ako tungkol sa iyong mga patotoo sa harapan ng mga hari,
at hindi ako mapapahiya.
47 At ako'y natutuwa sa iyong mga utos,
na aking iniibig.
48 Itataas ko ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na iniibig ko,
at ako'y magbubulay-bulay sa mga batas mo.
Ang Sariling Bayan ng Panginoon
16 “Sa araw na ito ay iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos na tuparin mo ang mga tuntunin at mga batas na ito; iyo ngang maingat na tutuparin ng buong puso at kaluluwa mo.
17 Ipinahayag mo sa araw na ito na ang Panginoon ay iyong Diyos, at ikaw ay lalakad sa kanyang mga daan, at iyong gaganapin ang kanyang mga tuntunin at mga utos at mga batas, at iyong papakinggan ang kanyang tinig.
18 Ipinahayag(A) ng Panginoon sa araw na ito na ikaw ay isang sambayanan na kanyang sariling pag-aari, gaya ng ipinangako niya sa iyo, na iyong tutuparin ang lahat ng kanyang utos,
19 upang itaas ka sa lahat ng bansa na kanyang nilikha, sa ikapupuri, sa ikababantog, sa ikararangal; at upang ikaw ay maging isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi.”
Kautusan ng Diyos na Nakasulat sa mga Bato
27 Pagkatapos, si Moises at ang matatanda sa Israel ay nag-utos sa taong-bayan, na sinasabi, “Tuparin ninyo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito.
2 Sa(B) araw na iyong tawirin ang Jordan patungo sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos ay maglalagay ka ng malalaking bato, at tatapalan ninyo ng plaster.
3 Isusulat ninyo sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito kapag ikaw ay tumawid upang pumasok sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Diyos ng iyong mga ninuno.
4 Pagtawid mo sa Jordan, ilalagay ninyo ang mga batong ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, sa bundok ng Ebal at iyong tatapalan ng plaster.
5 Doo'y(C) magtatayo ka ng isang batong dambana sa Panginoon mong Diyos, na hindi gagamitan ng kasangkapang bakal.
6 Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng Panginoon mong Diyos, at maghahandog ka roon ng mga handog na sinusunog sa Panginoon mong Diyos.
7 Ikaw ay mag-aalay ng mga handog pangkapayapaan at iyong kakainin doon; at ikaw ay magagalak sa harapan ng Panginoon mong Diyos;
Ang Binatang Mayaman(A)
16 May isang lumapit sa kanya at nagsabi, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?”
17 At sinabi niya sa kanya, “Bakit mo ako tinatanong tungkol sa mabuti? Iisa ang mabuti. Ngunit kung ibig mong pumasok sa buhay, tuparin mo ang mga utos.”
18 Sinabi(B) niya sa kanya, “Alin sa mga iyon?” At sinabi ni Jesus, “Huwag kang papatay; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang sasaksi para sa kasinungalingan;
19 Igalang(C) mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
20 Sinabi sa kanya ng kabataang lalaki, “Sinunod ko na ang lahat ng mga ito;[a] ano pa ang kulang sa akin?”
21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod ka sa akin.”
22 Ngunit nang marinig ng binata ang ganitong salita, umalis siyang nalulungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001