Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 124

Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
    O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
“Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
    noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
    sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
    naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
    sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.

Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
    pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
    lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
    pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.

Genesis 49:29-50:14

Namatay at Inilibing si Jacob

29 Pagkatapos, sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Ngayo'y papanaw na ako upang makasama ng mga ninunong namayapa na. Doon ninyo ako ililibing sa pinaglibingan sa aking mga magulang, sa yungib sa bukid ni Efron na Heteo. 30 Ang(A) libingang iyo'y nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, sa may Canaan. Binili iyon ni Abraham, 31 at(B) doon siya inilibing pati ang kanyang asawang si Sara. Doon din inilibing ang mag-asawang Isaac at Rebeca, at doon ko rin inilibing si Lea. 32 Ang bukid at yungib na iyon ay binili nga sa mga Heteo.” 33 Matapos(C) masabi ang lahat ng ito, siya ay humimlay at namatay.

50 Niyakap ni Jose ang kanyang ama at umiiyak na hinagkan. Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga manggagamot na embalsamuhin ang bangkay. Ayon sa kaugalian ng mga Egipcio, apatnapung araw ang ginugol nila sa paggawa nito. Pitumpung araw na nagluksa ang bansang Egipto.

Pagkatapos ng pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga kagawad ng Faraon, “Pakisabi nga ninyo sa Faraon na hiniling(D)ng aking ama bago namatay na doon ko siya ilibing sa libingan na kanyang inihanda sa Canaan. At aking naipangakong susundin ko ang kanyang bilin. Kaya, humihingi ako ng pahintulot na dalhin ko roon ang kanyang bangkay at babalik agad ako pagkatapos.”

Sumagot ang Faraon, “Lumakad ka na at ilibing mo ang iyong ama ayon sa iyong pangako sa kanya.”

Sumama kay Jose para makipaglibing ang lahat ng kagawad ng Faraon, ang mga may matataas na katungkulan sa palasyo at ang mga kilalang mamamayan sa buong Egipto. Kasama rin ni Jose ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama. Ang naiwan lamang sa Goshen ay ang maliliit na bata, mga kawan ng tupa, kambing at baka. May mga nangangabayo, may mga sakay sa karwahe—talagang napakarami nila.

10 Pagsapit nila sa giikan sa Atad, sa silangan ng Ilog Jordan, huminto muna sila. Nagdaos sila roon ng luksang-parangal sa yumao, at pitong araw na nagdalamhati roon si Jose. 11 Nasaksihan ng mga taga-Canaan ang ginawang pagpaparangal na ito, kaya't nasabi nila, “Ganito palang magluksa ang mga taga-Egipto!” Dahil dito'y tinawag na Abelmizraim[a] ang lugar na iyon.

12 Sinunod nga ng mga anak ni Jacob ang hiling ng kanilang ama. 13 Dinala(E) nila sa Canaan ang bangkay at doon inilibing sa yungib na nasa kaparangan ng Macpela, silangan ng Mamre, na binili ni Abraham kay Efron na Heteo. 14 Matapos ilibing ang ama, si Jose'y nagbalik sa Egipto, kasama ang kanyang mga kapatid at lahat ng kasama sa paglilibing.

2 Corinto 10:12-18

12 Hindi kami nangangahas na ipantay o ihambing man lamang ang aming sarili sa ilang nagbubuhat ng sariling bangko. Napakahangal nila! Ang sarili rin nila ang ginagawa nilang sukatan at pamantayan ng kanilang sarili! 13 Hindi kami lalampas sa hangganang ibinigay ng Diyos para sa gawaing itinakda niya sa amin, at kasama riyan ang gawain namin sa inyo. 14 Hindi kami lumampas sa hangganang iyon gayong kami ang unang pumunta riyan sa inyo dala ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 15 Hindi kami lumalampas sa hangganan sa pamamagitan ng pagyayabang sa pinaghirapan ng iba. Sa halip, umaasa kaming tatatag ang inyong pananampalataya sa Diyos, at dahil diyan ay lalawak pa ang aming saklaw sa inyo. 16 Sa gayon, maipapangaral namin ang Magandang Balita sa ibang mga lupain, hindi lamang sa inyo, nang hindi ipinagyayabang ang pinaghirapan ng iba.

17 Tulad(A) ng sinasabi sa kasulatan, “Kung may nais magmalaki, ang ipagmalaki niya'y ang ginawa ng Panginoon.” 18 Hindi ang taong pumupuri sa sarili ang katanggap-tanggap, kundi ang taong pinupuri ng Panginoon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.