Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Isang Walang Sala
Panalangin ni David.
17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
dinggin mo ako sa aking kahilingan;
dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
2 Hahatol ka para sa aking panig,
pagkat alam mo kung ano ang matuwid.
3 Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
walang kasamaan maging sa aking bibig.
4 Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
5 Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
hindi ako lumihis doon kahit kailan.
6 Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
7 Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.
15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.
Nilayasan ni Jacob si Laban
31 Nabalitaan ni Jacob na laging sinasabi ng kanyang mga bayaw na kinamkam na niyang lahat ang ari-arian ng kanilang ama at galing dito ang lahat niyang kayamanan. 2 Napuna rin niyang nagbago na ang pakikitungo sa kanya ni Laban. 3 Kaya sinabi sa kanya ni Yahweh, “Magbalik ka na sa lupain ng iyong mga magulang at mga kamag-anak at sasamahan kita.”
4 Pinasabihan ni Jacob si Raquel at si Lea na tagpuin siya sa parang na kinaroroonan ng kanyang mga kawan. 5 Sinabi niya sa kanila, “Napansin kong iba na ang pagtingin sa akin ng inyong ama, hindi na tulad ng dati. Subalit hindi ako pinabayaan ng Diyos ng aking mga magulang. 6 Alam ninyong ginugol ko ang aking buong lakas sa paglilingkod sa inyong ama. 7 Sa kabila noon, dinadaya pa rin niya ako. Sampung beses na niyang binabago ang kabayaran sa akin ngunit hindi ipinahintulot ng Diyos na ako'y maapi. 8 Kapag sinabi ni Laban na ang ibabayad sa akin ay ang batik-batik, ang buong kawan ay nanganganak nang ganoon. 9 Ang Diyos ang may kaloob na mapasaakin ang kawan ng inyong ama.
10 “Sa panahon ng pag-aasawahan ng mga hayop, ako'y nanaginip. Nakita ko na pawang batik-batik ang lahat ng barakong kambing. 11 Sa aking panaginip, tinawag ako ng anghel ng Diyos at ako nama'y sumagot. 12 Ang sabi sa akin, ‘Jacob, masdan mo ang lahat ng mga barakong kambing, silang lahat ay may batik. Ginawa ko ito sapagkat alam kong dinadaya ka ni Laban. 13 Ako(A) ang Diyos na nagpakita sa iyo sa Bethel na kung saan ay binuhusan mo ng langis ang isang bato bilang alaala. Doon ay gumawa ka rin ng isang panata sa akin. Maghanda ka na at umalis ka sa lupaing ito; umuwi ka na sa iyong lupang sinilangan.’”
14 Sinabi naman nina Raquel at Lea, “Wala na kaming mamanahin sa aming ama. 15 Dayuhan na ang turing niya sa amin. Ipinagbili niya kami, at nilustay ang lahat ng pinagbilhan sa amin. 16 Kaya, ang lahat ng kayamanang inalis ng Diyos sa aming ama ay sa amin at sa aming mga anak. Gawin mo ang sinasabi sa iyo ng Diyos.”
17 Isinakay niya sa kamelyo ang kanyang mga asawa't mga anak. 18 Dinala niya ang kanyang mga kawan at lahat ng kayamanang naipon niya sa Mesopotamia at bumalik sa Canaan, sa lupain ng kanyang amang si Isaac. 19 Wala noon si Laban sapagkat naggugupit ito ng balahibo ng mga tupa. Sinamantala iyon ni Raquel upang kunin ang mga diyus-diyosan sa tolda ng kanyang ama. 20 Nilinlang ni Jacob si Laban na Arameo; hindi niya ipinaalam ang kanyang pag-alis. 21 Tinawid niya ang Ilog Eufrates papunta sa bulubundukin ng Gilead, dala ang lahat niyang ari-arian.
Humingi, Humanap, Kumatok(A)
7 “Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 8 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 9 Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay? 10 Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kapag siya'y humihingi ng isda? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa kanya!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.