Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 37:1-17

Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti

Katha ni David.

37 Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
    huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
Katulad ng damo, sila'y malalanta,
    tulad ng halaman, matutuyo sila.
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
    at mananahan kang ligtas sa lupain.
Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
    at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.

Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
    tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
    katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
    huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
    sa likong paraan, umunlad man sila.

Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
    walang kabutihang makakamtan ka.
Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
    ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.

10 Hindi magtatagal, sila'y mapaparam,
    kahit hanapin mo'y di masusumpungan.
11 Tatamuhin(A) ng mga mapagpakumbaba, ang lupang pangako na kanyang pamana;
    at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila.

12 Ang taong masama'y laban sa matuwid,
    napopoot siyang ngipi'y nagngangalit.
13 Si Yahweh'y natatawa lang sa masama,
    pagkat araw nila lahat ay bilang na.

14 Taglay ng masama'y pana at patalim,
    upang ang mahirap dustai't patayin,
    at ang mabubuti naman ay lipulin.
15 Ngunit sa sariling tabak mamamatay,
    pawang mawawasak pana nilang taglay.

16 Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti,
    kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y balewala.
17 Lakas ng masama ay aalisin,
    ngunit ang matuwid ay kakalingain.

Ruth 2:1-16

Si Ruth sa Bukid ni Boaz

Isang(A) araw, sinabi ni Ruth kay Naomi, “Pupunta po ako sa bukid at mamumulot ng mga uhay na naiiwan ng mga gumagapas. Doon ako sa may likuran ng sinumang papayag.”

Sumagot si Naomi, “Ikaw ang bahala, anak.” Kaya't si Ruth ay nagpunta sa bukid at namulot ng mga uhay, kasunod ng mga gumagapas. Nagkataong ang napuntahan niya ay ang bukid ni Boaz, isang kamag-anak ni Elimelec na napakayaman at iginagalang sa kanilang bayan.

Di nagtagal, dumating naman si Boaz mula sa Bethlehem. “Sumainyo si Yahweh,” ang bati niya sa mga gumagapas.

“Pagpalain naman kayo ni Yahweh!” sagot nila.

Nang makita si Ruth, itinanong ni Boaz sa katiwala, “Sino ang babaing iyon?”

“Siya po ang Moabitang kasama ni Naomi nang umuwi rito mula sa Moab,” sagot ng katiwala. “Nakiusap po siyang makapamulot ng nalaglag na mga uhay. Pinayagan ko naman. Kaya't maagang-maaga pa'y naririto na siya. Katitigil lamang niya para magpahinga sandali.”

Nilapitan ni Boaz si Ruth at kinausap, “Anak, huwag ka nang pupunta sa ibang bukid. Dito ka na lamang mamulot kasama ng aking mga manggagawang babae. Tingnan mo kung saan sila gumagapas, at sumunod ka. Sinabi ko na sa mga tauhan ko na huwag kang gambalain. At kung ikaw ay nauuhaw, malaya kang uminom ng tubig mula sa aking banga.”

10 Nagpatirapa si Ruth, bilang pagbibigay-galang, at nagtanong, “Ako po ay isang dayuhan, bakit po napakabuti ninyo sa akin?”

11 Sumagot si Boaz, “Nabalitaan ko ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula nang mamatay ang iyong asawa. Alam ko ring iniwan mo ang iyong mga magulang at sariling bayan upang manirahan sa isang lugar na wala kang kakilala. 12 Pagpalain ka nawa ni Yahweh dahil sa iyong ginawa. Gantimpalaan ka nawa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sapagkat sa kanya ka lumapit at nagpakupkop!” 13 Sumagot si Ruth, “Salamat po. Pinalakas ninyo ang aking loob sa inyong sinabi. Kahit ako'y isang hamak na lingkod at sa katunaya'y hindi kabilang sa inyong mga manggagawa, naging mabuti kayo sa akin.”

14 Nang dumating ang oras ng pagkain, tinawag ni Boaz si Ruth, “Halika rito. Kumuha ka ng tinapay at isawsaw mo sa sarsa.” Kaya't umupo na siyang kasama ng mga manggagawa, at binigyan siya ni Boaz ng inihaw na sebada. Kumain naman si Ruth hanggang sa mabusog. May natira pa sa pagkaing ibinigay sa kanya. 15 Nang ipagpatuloy niya ang pamumulot, pinagbilinan ni Boaz ang mga manggagawa, “Hayaan ninyo siyang mamulot kahit sa tabi ng mga binigkis na uhay. Huwag ninyo siyang babawalan. 16 Maglaglag kayo ng mga uhay mula sa binigkis para may mapulot siya.”

Santiago 5:1-6

Babala sa mga Mapang-aping Mayayaman

Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok(A) na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. Kinakalawang(B) na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. Hinatulan(C) ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.