Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mikas 6:1-8

Ang Paratang sa Israel

Pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel.

Tumayo kayo, O Yahweh, at ilahad ninyo ang inyong paratang. Hayaan ninyong marinig ng mga bundok at ng mga burol ang inyong sasabihin. Mga bundok, mga di natitinag na pundasyon ng daigdig, pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel na kanyang bayan.

Sinabi niya, “Bayan ko, sagutin ninyo ako. Ano ba ang nagawa ko sa inyo? Paano ba ako naging pabigat sa inyo? Inilabas(A) ko kayo sa lupain ng Egipto at tinubos sa pagkaalipin. Isinugo ko sa inyo sina Moises, Aaron at Miriam upang kayo'y pangunahan. Bayan(B) ko, gunitain ninyo ang plano ni Balac na hari ng Moab, at ang tugon sa kanya ni Balaam na anak ni Beor, at ang nangyari mula sa Sitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga ito at malalaman ninyo ang ginawa ni Yahweh upang iligtas kayo.”

Ang Hinihingi ni Yahweh

Ano ang dapat kong dalhin sa aking pagsamba kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan? Magdadala ba ako ng guyang isang taon ang gulang bilang handog na sinusunog sa kanyang harapan? Malugod kaya siya kung handugan ko ng libu-libong tupa o umaapaw na langis ng olibo? Ihahandog ko ba sa kanya ang aking anak na panganay, ang laman ng aking laman, bilang kabayaran ng aking mga kasalanan? Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.

Mga Awit 15

Ang Hinihiling ng Diyos

Awit ni David.

15 O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo?
    Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?

Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
    at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
    at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
    tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.
Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
    mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
    anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
    di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.

Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.

1 Corinto 1:18-31

Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos

18 Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong napapahamak, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas. 19 Sapagkat(A) nasusulat,

“Sisirain ko ang karunungan ng marurunong
    at gagawin kong walang saysay ang katalinuhan ng matatalino.”

20 Ano(B) ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang. 21 Sapagkat(C) ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan. 22 Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. 23 Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan. 24 Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao.

26 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan noong kayo'y tawagin ng Diyos. Ayon sa pamantayan ng tao ay iilan lamang sa inyo ang matatawag na marunong, makapangyarihan at maharlika. 27 Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hinahamak, at mga mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kinikilala ng sanlibutan. 29 Kaya't walang sinumang makakapagmalaki sa harap ng Diyos. 30 Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos. 31 Kaya(D) nga, tulad ng nasusulat, “Ang sinumang nais magmalaki, ang ginawa ng Panginoon ang kanyang ipagmalaki.”

Mateo 5:1-12

Ang Sermon sa Bundok

Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad at siya'y nagsimulang magturo sa kanila.

Ang mga Pinagpala(A)

“Pinagpala ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,
    sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.
“Pinagpala(B) ang mga nagdadalamhati,
    sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
“Pinagpala(C) ang mga mapagpakumbaba,
    sapagkat mamanahin nila ang daigdig.
“Pinagpala(D) ang mga may matinding hangarin na sumunod sa kalooban ng Diyos,
    sapagkat sila'y bibigyang kasiyahan ng Diyos.
“Pinagpala ang mga mahabagin,
    sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
“Pinagpala(E) ang mga may malinis na puso,
    sapagkat makikita nila ang Diyos.
“Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,
    sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.
10 “Pinagpala(F) ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos,
    sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.

11 “Pinagpala(G) ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan [na pawang kasinungalingan][a] nang dahil sa akin. 12 Magsaya(H) kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Alalahanin ninyong inusig din ang mga propetang nauna sa inyo.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.