Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Panalangin ni Ana
2 Ganito(A) ang naging panalangin ni Ana:
“Pinupuri kita, Yahweh,
dahil sa iyong kaloob sa akin.
Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan,
sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan.
2 “Si Yahweh lamang ang banal.
Wala siyang katulad,
walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos.
3 Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh,
walang maaaring maghambog,
sapagkat alam mo ang lahat ng bagay,
ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao.
4 Ginapi mo ang mga makapangyarihan,
at pinapalakas ninyo ang mahihina.
5 Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain.
Masagana ngayon ang dating maralita.
Nagsilang ng pito ang dating baog,
at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot.
6 Ikaw,(B) O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay.
Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli.
7 Maaari mo kaming payamanin o paghirapin,
maaari ring ibaba o itaas.
8 Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba,
mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha.
Maihahanay mo sila sa mga maharlika,
mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa.
Hawak mo ang langit na nilikha,
at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa.
9 “Papatnubayan mo ang tapat sa iyo,
ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan.
Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas.
10 Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot;
kapag pinapadagundong mo ang mga kulog.
Hahatulan mo ang buong daigdig,
at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.”
Ang Kapanganakan ni Isaac
21 Pinagpala ni Yahweh si Sara at tinupad ang kanyang pangako. 2 Ayon(A) sa panahong sinabi ng Diyos, si Sara nga ay nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki, kahit matanda na noon si Abraham. 3 Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa kanyang anak. 4 Ayon(B) sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham ang bata walong araw pagkasilang nito. 5 Isandaang taon na si Abraham nang ipanganak si Isaac. 6 Sinabi ni Sara, “Nakakatawa ang ginawang ito sa akin ng Diyos at sinumang makarinig nito'y tiyak na matatawa rin.” 7 At sinabi pa niya, “Sa edad na iyon ni Abraham, sinong makakapagsabi sa kanyang ako'y mag-aalaga pa ng bata? Gayunman, nabigyan ko pa rin siya ng anak kahit siya'y matanda na.”
8 Lumaki ang bata, at nang ito'y awatin, naghanda nang malaking salu-salo si Abraham.
Pinalayas si Hagar at si Ismael
9 Minsan, nakikipaglaro kay Isaac si Ismael, ang anak ni Abraham kay Hagar na taga-Egipto. 10 Nang(C) makita ito ni Sara, sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping iyan at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng aliping iyan ay hindi dapat makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac!” 11 Labis itong ikinalungkot ni Abraham sapagkat anak din niya si Ismael. 12 Ngunit(D) sinabi ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang mag-alala tungkol sa mag-ina. Sundin mo na ang gusto ni Sara, sapagkat kay Isaac magmumula ang lahing sinabi ko sa iyo. 13 Ngunit ang anak mong iyan kay Hagar ay magkakaanak din ng marami, at sila'y magiging isang bansa, dahil anak mo rin naman si Ismael.”
14 Madaling araw pa lamang, ang mag-ina'y ipinaghanda na ni Abraham ng baong pagkain at inumin. Ipinapasan ni Abraham ang mga ito kay Hagar at ang mag-ina ay kanyang pinaalis. Nagpagala-gala sila sa ilang ng Beer-seba. 15 Nang maubos na ang dalang tubig, iniwan ni Hagar ang kanyang anak sa lilim ng isang mababang punongkahoy, 16 at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Sabi niya sa sarili, “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman ang bata.[a]
17 Narinig ng Diyos ang iyak ng bata, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos, “Hagar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Naririnig ng Diyos ang iyak ng iyong anak. 18 Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lahi.” 19 Pinagliwanag ng Diyos ang paningin ni Hagar at nakita nito ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata. 20 Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso. 21 Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto.
Ang Paghahambing kina Hagar at Sara
21 Sabihin nga ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng Kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? 22 Sinasabi(A) roon na si Abraham ay nagkaanak ng dalawang lalaki, isa sa aliping babae at isa sa malayang babae. 23 Ang anak niya sa aliping babae ay ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, ngunit ang anak niya sa malayang babae ay ipinanganak bilang katuparan ng pangako ng Diyos. 24 Ito'y isang paghahambing. Ang dalawang babae ay larawan ng dalawang kasunduan, ang isa ay ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Hagar at ng kanyang mga anak, na pawang mga alipin. 25 Si Hagar ay kumakatawan sa Bundok ng Sinai na nasa Arabia,[a] at larawan ng kasalukuyang Jerusalem sapagkat siya'y nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan. 26 Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina. 27 Ayon(B) sa nasusulat,
“Magsaya ka, O babaing hindi magkaanak!
Humiyaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakaranas ng hirap sa panganganak!
Sapagkat higit na marami ang anak ng babaing nangungulila
kaysa babaing may asawa.”
28 Mga kapatid, tulad ni Isaac, tayo'y mga anak ayon sa pangako. 29 Kung(C) noong una, ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay inuusig ng ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, gayundin naman ngayon. 30 Ngunit(D) ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng alipin ay hindi dapat makibahagi sa mana ng anak ng malaya.” 31 Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo anak ng alipin kundi ng malaya.
Manatili Kayong Malaya
5 Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.